Inday TrendingInday Trending
Masama ang Ugali Niya Noon sa Kaniyang Ina; Bumalik sa Kaniya ang Lahat ng Ginawa Niya

Masama ang Ugali Niya Noon sa Kaniyang Ina; Bumalik sa Kaniya ang Lahat ng Ginawa Niya

“Ano ba naman ‘yan, wala na bang iba? Bakit naman talbos na naman ang ulam natin?” nakairap na komento ni Sidney nang dumulog siya sa hapag.

Halos araw-araw niya na lang tinitiis ang ganitong kakase ng pagkain!

“Pasensiya ka na, anak. Alam mo naman na madalang ang nagpapa-manicure ngayon, hindi ba?” malungkot na tugon ng kaniyang ina.

“Ano ba naman kasi ‘yan, ‘Nay! Paano tayo mabubuhay niyan, kung ganyan lang ang trabaho niyo! Bakit ba kasi wala akong tatay!” bulalas niya bago padabog na nilisan ang hapag-kainan.

“Anak, kumain ka naman at baka malipasan ka ng gutom!” narinig niya tawag nito.

“Ayoko! Magpapakagutom na lang ako!” sigaw niya pabalik sa ina.

Papikit na ang kaniyang mata nang may matanggap siyang mensahe. Agad na naalis ang kaniyang simangot nang makitang nagmula iyon sa nobyo niyang si Edwin.

“Sidney, birthday ni Sherwin, barkada ko. Tara, punta ka. Marami pang alak at pagkain,” anito.Napasulyap siya sa orasan. Alas nuwebe na. Gayunpaman ay walang pagdadalawang isip siyang tumayo at nagbihis.

Nang lumabas siya mula sa kaniyang maliit na silid ay naabutan niya ang kaniyang ina na nagkakape.

“Saan ka pupunta? Aba’y pasado alas nuwebe na!” agad na puna nito.

Napairap siya. “Birthday ng kaibigan ko, ‘Nay!”

“Hindi, hindi ka na aalis. Gabi na at baka kung mapaano ka ba sa daan,” matigas na tanggi nito.

Inis na namewang siya sa harap nito.

“‘Nay, pupunta ako! Makikikain ako doon. Bakit, may pagkaing masarap ba rito sa bahay?” hindi mapigilang kastigo niya sa ina.

Nang hindi ito makapagsalita ay padabog na tinungo niya ang pinto. Pabalibag niya pang isinara iyon nang tuluyan na siyang makalabas.

Nang makarating siya sa bahay nina Sherwin ay napagtanto niya na hindi siya nagkamali ng desisyon.

Bumabaha na pagkain, bumabaha pa sa alak!

“Ayos!” sa isip-isip ni Sidney habang maganang kumakain.

Hindi na rin siya makatanggi nang mayaya siya sa inuman. Ilang bote ng alak ang tinungga ni Sidney bago siya tuluyang nilamon ng dilim.

Sa isang hindi pamilyar na silid siya nagising. Mataas na ang sikat ng araw. Halos mapasigaw siya sa gulat nang mapagtantong hindi siya nag-iisa sa kama. Kasama niya ang isang pamilyar na lalaki. Ang nobyo niyang si Sherwin!

Natutop niya ang kaniyang bibig nang tuluyan niyang mapagtanto ang nangyari. May nanagyari sa kanila ni Sherwin!

Napapitlag pa siya nang marinig ang pagtunog ng kaniyang cellphone.

“Hello, ‘Nay?” nanginginig na bungad niya.

“Sidney, anak! Nasaan ka na ba? Buong gabi akong naghintay pero hindi ka umuwi!”

Pilit niyang hinamig ang sarili bago sumagot.

“Gabing-gabi na kasi nang matapos ang party, ‘Nay. Dito na ho ako natulog kasi delikado. ‘Wag na po kayong mag-alala, pauwi na rin po ako,” maamong tugon niya.

Litong-lito siyang umuwi ng bahay. May nangyari sa kanila ni Sherwin. Paano kung mabuntis siya? Ano ang gagawin niya?

Lumipas ang ilang linggo at nangyari ang pinakakinatatakutan niya. Nagbunga ang isang gabing pagkakamali nila.

“Sherwin, buntis ako,” aniya sa kasintahan nang magkita sila.

“Ano? Hindi pwede! Paano na ang kinabukasan natin?” nanlalaki ang matang utas ni Sherwin.

Nakaramdam siya ng galit sa naging reaksyon ng kasintahan.

“Anong ibig mong sabihin na hindi pwede? Anong gusto mong gawin ko?”

“Bahala ka sa buhay mo. Gawin mo kung ano ang gusto mo! Pero hindi ko mapapanagutan ‘yan!” galit na sagot nito bago nagmamadaling umalis.

Iyon na ang huling beses na nakausap niya ang lalaki. Tinaguan siya nito at umiwas sa responsibilidad sa kaniya.

“Tigilan mo na ang kaiiyak mo dahil nariyan na ‘yan, wala na tayong magagawa. Makakasama ‘yan sa pagbubuntis mo,” malamig na paalala ng kaniyang ina. Nang sabihin niya rito ang nangyari ay nagulat ito. Nagalit ito, bago umiyak. Ngunit totoo nga siguro na walang ina ang makakatiis sa sarili niyang anak dahil sa kabila ng lahat ay hindi pa rin siya nito pinabayaan.

Ang kaniyang ina ang naging katuwang niya sa pagpapalaki ng anak niyang si Nadia. Dahil maliit ang kita nito sa pagiging manikurista ay namasukan ito bilang isang katulong, matustusan lamang ang pangangailangan ng batang isinilang niya.

Lumipas ang maraming taon at nagkaedad na ang kaniyang ina kaya hindi na nito kinaya pang magtrabaho.

“Ako na lang ang magtatrabaho, Nanay. Dito na lang po kayo sa bahay para may tumitingin ho kay Nadia,” aniya sa ina.

Noon ay labintatlong gulang na ang anak niyang si Nadia.

Tatlong taon pa ang lumipas at dumating ang isang masakit na pangyayari para sa kaniya.

Biglaang pumanaw ang kaniyang ina. May sakit pala ito, ngunit hindi nito sinabi dahil ayaw nito na gastusin na mabawasan pa ang iniipon niya para sa pag-aaral ni Nadia.

Labis-labis man ang pagdadalamhati ni Sidney ay wala naman siyang ibang magawa. May anak siya na kailangan niyang buhayin.

“Ano ba naman ‘to, Mama! Wala ba tayong pera? Bakit ganito na naman ang pagkain natin?” Nagulat siya sa sinabi ng anak isang gabi nang yayain niya itong maghapunan.

“Anak, tipid-tipid muna tayo. Kailangan natin mag-ipon para sa pag-aaral mo,” malumanay na paliwanag niya sa anak.

“Lagi na lang ganito! Sana hindi na lang ikaw ang naging nanay ko! Bakit ba kasi wala akong ama?” malakas na sigaw ni Nadia bago nito nilisan ang kusina.

Kalampag ng ibinalibag na pinto ang sunod niyang narinig.

Natigagal si Sidney sa ginawa ng anak. Nang mga sandaling iyon ay tila kidlat na bumalik sa kaniyang alaala ang mga sinabi niya rin noon sa kaniyang ina noong mga panahong kaedad niya pa si Nadia.

Napakasakit pala para sa isang ina na makarinig ng ganoon mula sa anak. Tumulo ang luha niya lalo na nang napagtanto niya na ni minsan pala ay hindi man lang siya nakahingi ng tawad sa kaniyang ina. O nakapagpasalamat man lang para sa lahat ng sakripisyo nito sa kaniya at kay Nadia.

Kinabukasan, bitbit ang bulaklak at kandila ay binisita niya sa sementeryo ang kaniyang pinakamamahal na ina.

“Sorry po, Nanay. Sorry sa lahat ng pasakit ko sa inyo. Ngayon ay alam ko na kung gaano kahirap maging ina. Salamat at naging mabuting ina ka sa akin. Salamat at tinuruan mo ako kung paano maging isang mabuting ina,” anas niya habang lumuluha.

Humiling din siya sa kaniyang ina na gabayan siya nito sa pagpapalaki kay Nadia.

Hindi matatawaran ang sakripisyo ng mga ina, kaya mahalin natin sila. Maging mabuti kang anak, kung nais mong maging mabuti ang mga anak mo sa’yo.

Advertisement