Inday TrendingInday Trending
Pinagtawanan Nila ang Dating Security Guard na Nakapasok sa Call Center; Napahiya Sila nang Malaman Kung Bakit Ito Nag-Apply

Pinagtawanan Nila ang Dating Security Guard na Nakapasok sa Call Center; Napahiya Sila nang Malaman Kung Bakit Ito Nag-Apply

“Yes! Nakapasa ako!” halos magtatalon ang singkwenta anyos na si Rolan nang mabasa ang mensahe sa kaniyang cellphone.

“Talaga po, Papa?” namimilog ang matang usisa ng kaniyang panganay.

“Oo, anak!”

Sa narinig ay nagtatalon din ito sa tuwa.

Tinungo niya ang kusina, kung nasaan ang asawa niya, upang ipabatid dito ang magandang balita.

“Ano bang pinag-iingay niyong mag-ama?” natatawang bungad nito.

“Mahal! May trabaho na ulit ako!” pagbabalita niya sa kaniyang may-bahay.

Napamulagat ito. Pagkatapos ay tuwang-tuwa siyang sinugod nang mahigpit na yakap.

“Diyos ko! Salamat naman sa Diyos!”

Napakalaki ng ngiti ni Rolan. Sa totoo lang ay halos hindi na rin siya makatulog noong mga nakaraang araw. Paubos na kasi ang ipon nilang mag-asawa, at wala pa siyang trabaho,

Isa siyang security guard. Ngunit nang magkaroon ng pandemya ay nagsara ang kompanyang pinagtatrabahuhan niya.

Hindi niya alam ang gagawin dahil sa dami ng nagsarang kompanya ay halos wala nang nangangailangan ng security guard.

Sinubukan niya ang iilang raket kagaya ng pagiging kargador, waiter, at kung ano-ano pa ngunit napakaliit ng kinikita niya.

Nawawalan na nga siya ng pag-asa nang isang lalaki ang nakilala niya habang naghahanap siya ng trabaho.Si Celso. Isa raw itong call center agent. Nalaman niya mula rito na hiring pala ang kompanya na pinagtatrabahuhan nito.

Ang kaso ay hindi naman siya magaling mag-Ingles. Hayskul lang naman ang natapos niya. Ngunit nang malaman niya kung magkano ang sinusweldo nito ay talaga namang naging interesado siya.

Kaya humingi siya kay Celso ng tips kung paano makakapasok. At iyon na nga, nakapasa siya! Magsisimula raw ang training nila sa Lunes.

“Mahal, galingan mo sa trabaho ha. Sayang naman ang sweldo na malaki!” bilin ng asawa niya nang umalis siya nang gabing iyon.

Sabik si Celso ngunit naroon ang kaba. Iyon kasi ang unang pagkakataon na sasabak siya sa ganoong klase ng trabaho. Buong buhay niya kasi ay pagiging security guard na ang trabaho niya.

Nang makarating siya sa “training room” ay halos manliit siya. Ang mga kasama niya kasi ay halos mga kabataan pa. Karamihan sa mga tao roon ay halos kalahati lang ng edad niya. Siya na yata ang pinakamatanda roon.

Yuko ang ulo na umupo si Rolan sa isang sulok. Muli ay nais niyang manliit nang marinig ang paraan ng pagsasalita ng bawat isa. Tila sanay na sanay na ang mga ito sa pagsasalita ng wikang Ingles!

Isang sopistikadang babae ang dumating.

“Ako si Maddison. Ako ang magiging trainer niyo,” anito sa wikang Ingles.

Mukhang mabait ang babae. Hindi nawawala ang ngiti nito habang isa-isa silang nagpapakilala.

“Ako si Misha. Sampung taon na rin ang experience ko sa pagko-call center,” wika ng magandang kasamahan niya. Matatas ito sa pagsasalita sa wikang Ingles.

“Grabe, ang gagaling nila!” manghang bulong niya.

Kabang-kaba si Rolan. Nagsisimula na siyang magduda. Kaya nga ba niya makipagsabayan sa mga ito?

Gusto niya nang kumaripas ng takbo. Ngunit nanatili siya roon lalo na nang maalala niya ang kaniyang asawa at mga anak na lubos na umaasa sa kaniya.

“Kayang-kaya mo ‘yan, Rolan,” sa isip-isip niya.

Ilang saglit pa ay itinuro na siya ni Maddison. Magpakilala raw siya sa buong klase. Nanginginig ang tuhod na tumayo siya.

“My n-name is Rolan. I’m 50 y-years old. N-nice to meet you,” simpleng wika niya. Nahihiya siya dahil nautal pa siya sa kaba.

Sari-sari ang reaksyon ng mga ito. Ngunit karamihan ay tila pinagtatawanan siya.

Uupo na sana siya nang may magtanong.

“Rolan, anong dati mong trabaho?” tanong ng isang lalaki sa wikang Ingles. Natatandaan niya ang pangalan nito. Miguel.

“Security guard,” maagap na sagot niya.

Narinig niya ang bulungan ng ilan.

“Naku, kaya hindi magaling mag-English,” bulong ng isa.

“Malamang hindi makakapasok ‘yan, barok mag-English, eh,” tatawa-tawang wika naman ng isa pa.

Tila gusto ni Rolan na manliit sa kaniyang kinatatayuan. Marahil ay hindi nga para sa kaniya ang karerang pinasok niya.

Natahimik ang lahat nang magsalita si Maddison.

“Hindi ako papayag na may babastusin sa loob ng klase ko,” anito sa mga tumatawa. Natahimik naman ang mga ito.

Bumaling ito sa kaniya.

“Rolan, bakit call center ang napili mong pasukan na trabaho?” tanong nito.

Hindi agad siya nakasagot. Iniisip niya pa kung paano sumagot sa wikang Ingles. Marahil ay napansin iyon ni Maddison.

“Rolan, pwede ka munang mag-Tagalog. Nagpapakilala pa lang naman tayo,” nakangiting udyok nito.

Nakahinga naman nang maluwag si Rolan.

“Security guard lang ang trabahong alam ko. Ang kaso nagsara ang kompanya na pinapasukan ko noong nagsimula ang pandemya,” pagsisimula niya.

“Marami akong trabahong pinasok. Kargador, waiter, karpintero, at marami pa. Kaso maliliit ang sweldo. Kaya nang malaman ko na malaki ang sweldo sa call center, hindi na ako nagdalawang isip. Pinagtiyagaan ko talaga na mag-practice para makapasa sa interview. Sino ba naman ang aayaw sa ganito? Malaki ang sweldo, nakaupo pa ako sa isang opisina na de-aircon! Noong sekyu pa ako, sinisigaw-sigawan lang ako nung mga masusungit na empleyado,” kwento niya.

“Hindi naman sigurong masamang sumubok para sa pamilya, hindi ba? Isa lang naman akong padre de pamilya na nagnanais ng magandang buhay para sa aking pamilya. Kaya sana ay ‘wag niyo akong pagtawanan,” pakiusap niya.

Nagulat niya nang ang ilan sa mga kasama niya ay magpalakpakan. Kita sa mukha ng mga ito ang paghanga.

“Tama ‘yan, Rolan! Sumubok ka lang nang sumubok! Tiyagain mo lang at sigurado akong magtatagumpay ka!” wika ni Maddison.

Ang mga tumawa kay Rolan ay agad na nakaramdam ng panliliit, at agad na humingi ng paumanhin.

“Hayaan mo, Rolan. Tutulungan ka namin na makapasa sa training,” pangako pa ng mga ito.

Makalipas ang dalawang buwan na training ay masayang-masaya ang lahat. Lahat sila ay nakapasa, kasama na si Rolan na noon ay talaga namang confident na sa pagsasalita ng Ingles.

Naging inspirasyon si Rolan sa marami. Lagi niyang sinasabi na ‘wag tayong matakot sumubok ng mga bagay na hindi pamilyar sa atin. Lahat naman ay nadadaan sa sipag, tiyaga, at dedikasyon!

Advertisement