
Isang Lalaki ang Napagbintangan sa Salang Hindi Niya Ginawa; Makamit pa Kaya Niya ang Hustisya?
“Bago ‘yan? Anong kaso?” tanong ni Gabriel sa kaniyang kasamahan habang sinusundan ng tingin ang bagong dating na preso. Napansin niya kasi na mahigpit ang pagbabantay rito.
“Ah, oo. Mabigat ang kaso niyan. ‘Yan ‘yung suspek sa malagim na sinapit ng isang kolehiyala noong isang linggo, ‘yung nabalita pa sa TV.”
Pamilyar siya sa kaso ngunit nakinig pa rin siya sa detalyeng ibinabahagi ng kaniyang katrabaho. Nakaramdam siya ng galit. Hindi niya akalain na may taong kayang-kayang gumawa ng karahasan sa iba na para bang walang sariling pamilya.
Ilang taon na rin siyang pulis kaya hindi niya na mabilang kung ilang masasamang tao na ba ang nakasagupa niya ngunit hindi niya pa rin maalis na makaramdam ng galit sa kasalanang nagawa ng bagong dating.
Naputol ang pagmumuni-muni niya nang marinig ang pangangalampag sa pintong salamin ng presinto. Kasabay ng kalampag ay ang malakas na palahaw.
“Teka lang po! Papasukin niyo po ako! Gusto ko pong makita ang tatay ko! ‘Tay!”
Nang lingunin niya ang may-ari ng boses ay napakunot-noo siya. Nakita niya ang isang batang babae. Sa tantiya ay nasa walong taong gulang ang bata. Halos maglupasay ito sa pagmamakaawa.
Bago pa siya makahuma ay narinig niya na ang sigaw ng bagong dating na preso. Tila agad nitong nabosesan ang anak.
“Abi! Anak!” sigaw nito bago yinugyog ang rehas na tila ba may magagawa iyon para makalabas ito.
Habang tinitingnan ang mag-ama ay mas lalong nagpuyos ang loob ni Gabriel. May anak pala ito na babae, paano nito nagawa ang krim*n sa kaawa-awang biktima?
Tinungo niya ang pinto upang pagbuksan ang bata.
“Sir! Sir! Pakiusap po, tulungan niyo po si Tatay! Wala po siyang kasalanan. Napagbintangan lang siya. Hindi po iyon magagawa ng Tatay ko,” agad nitong apela sa kaniya. Halos maglumuhod ang bata.
Pinilit niyang magbingi-bingihan sa sinasabi ng bata. Ganoon naman kadalasan ang ginagawa ng pamilya. Pilit na pinagtatakpan ang kasalanang nagawa ng kaanak.
Saka ano bang alam ng isang musmos na kagaya nito? Alam ba nito kung gaano kasama ang mundo?
Subalit hindi niya rin magawa na hindi pansinin ang bata. Tila walang kapaguran ito sa pag-iyak, tulo ang luha at uhog. Paulit-ulit nitong sinasabi na walang kasalanan ang ama nito. Tila handa itong lumuha ng balde-balde mapatunayan lang na inosente ang ama nito.
“Sigurado ka ba sa sinasabi mo, bata? Mabigat ang paratang sa Tatay mo,” maya-maya ay hindi napigilang usisa niya.
Umiiyak pa rin ito nang sunod-sunod na tumango.
Sa pag-iimbestiga niya ay nakilala niya ang bata bilang si “Abi.” “Tirso” ang pangalan ng ama nito at ito lamang ang kasama ni Abi sa buhay. Pilit pinasok ni Tirso ang lahat ng trabaho kahit na hindi ito nakapag-aral masuportahan lamang ang pangangailangan ng anak at mapag-aral ito.
Unti-unting namulat ang kaniyang mata sa posibilidad na maaaring wala ngang kasalanan si Tirso.
Hindi naman siya nagkamali dahil nalaman niya pagkatapos ng pag-iimbestiga na ang tunay na may kasalanan ay ang anak ng kanilang gobernador. Nagkataon lamang na naroon si Tirso sa eksaktong lugar at oras na nangyari ang krim*n.
Pinalabas ng mga makapangyarihan na ang pobreng si Tirso ang may-sala dahil hindi maaaring madawit ang mga ito sa kahit na anong krim*n lalo pa’t malapit na ang eleksyon.
Agad niyang ipinagbigay-alam sa Hepe ang natuklasan.
Subalit sa pagkadismaya niya ay tumutol ito. Hindi raw maaaring lumabas ang totoo dahil magiging isang malaking eskandalo iyon.
“Hahayaan na lang natin na magdusa ang isang inosente? May anak ‘yung tao, Chief. Masisira ang buhay nung mag-ama!” hindi makapaniwalang giit niya.
“Masyadong maimpluwensiya ang pamilya ng Gobernador, at siguradong malulusutan din nila ito agad. Ngunit paano tayo? Ang kawawang mag-ama? Siguradong gagantihan nila tayo, Gabriel. Madadamay pati pamilya natin,” seryosong paliwanag nito.
Alam ni Gabriel na may katotohanan ang sinasabi nito. Tila isang talunan na tumango siya sa Hepe.
Tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa nang malaman na walang abogadong nais tumulong kay Tirso na mapawalang-sala. Takot din ang mga ito na mapahamak.
“Kumusta po? Alam niyo na po ba ang totoo?” agad na tanong ni Abi nang muli niyang makausap ito. Naroon lamang ito sa presinto lalo pa’t wala naman itong uuwiang kasama sa bahay.
Dismayadong umiling siya sa bata. Hindi niya sinabi rito ang mga natuklasan niya. Bata pa lamang ito, at hindi niya alam kung maiintindihan nito ang sitwasyon.
Kaya naman nang makausap niya si Tirso ay labis-labis ang paghingi niya ng tawad dito. Isa pa naman siyang alagad ng batas ngunit hindi niya ito magawang tulungan man lang.
“Nauunawaan ko ho, Sir Gabriel. Ayoko rin naman na manganib ang anak ko at kayong mga tumutulong sa akin,” bagsak ang balikat na tugon nito. Tila alam na rin nito anga kapangyarihan ng kanilang kinakalaban.
Nadurog ang puso niya sa sinabi nito. Mas lalo siyang nanlumo dahil taliwas sa alam niya, krimin*l ang tingin ng mga tao sa napakabait na si Tirso.
Matagal na namayani ang katahimikan bago muling nagsalita si Tirso.
“S-sir baka ho maaring makiusap? Si Abi ho. Maalam na ho ‘yang mag-isa sa bahay, pero baka ho pwedeng silip-silipin niyo sa bahay kapag may pagkakataon? Nag-aalala lang ho ako na baka mapahamak kung mag-isa lang sa bahay,” pigil ang luhang pakiusap ng lalaki.
“Oo naman. Makakaasa ka, ako ang bahala kay Abi,” sinserong pangako niya.
Hindi nagtagal ay nahatulan si Tirso ng habang buhay na pagkakakulong ngunit kahit na kailan ay hindi ito nagalit sa kaniya.
Si Gabriel naman ay tuluyan nang kinupkop ang batang si Abi. Pinatira niya ito sa kanilang bahay, pinag-aral, at itinuring na parang tunay na kapamilya.
“Maraming salamat, Gabriel,” ang walang sawang sinasabi ni Tirso sa tuwing bibisitahin nila ito.
Mahabang panahon ang lumipas, ngunit mailap pa rin kay Tirso ang hustisya.
Noong mag-kolehiyo si Abi ay ikinagulat niya ang pakiusap ni Abi.
“Tito Gabriel, gusto ko po maging abogado. Gusto ko pong matulungan si Papa,” determinadong saad nito.
Sinuportahan niya ang nais ni Abi. Hindi man niya kasi sabihin ay sinisisi niya pa rin ang sarili sa pagkakakulong ni Tirso.
Matapos ang ilang tao ay handa na si Abi na linisin ang pangalan ng pinakamamahal na ama. Walang takot na isiniwalat nito ang katotohanan sa madla.
“Idinedeklara ko na si Tirso Ilagan ay walang sala.”
Napaluha si Gabriel nang marinig ang sinabi ng hukom. Sa wakas, matapos ang kulang-kulang tatlong dekada ay lumabas din ang katotohanan!
Masayang nagyakap ang mag-ama. Bakas sa mukha ng dalawa ang kaligayahan. Sa wakas, nalampasan na nila ang madilim na kabanata ng kanilang buhay.
Isang mahigpit na yakap din ang natanggap ni Gabriel mula kay Tirso na itinuring niya na ring isang malapit na kaibigan.
“Maraming salamat, Gabriel. Hindi mo man sabihin ay alam kong sinisisi mo ang sarili mo sa nangyari sa akin. ‘Wag kang mag-alala, dahil sobra-sobra ang nagawa mo para sa aming mag-ama. Habang buhay ko itong tatanawin na utang na loob,” madamdaming pahayag ni Tirso.
Isang mahigpit na yakap din ang nakuha niya mula kay Abi. Kagaya ni Tirso ay labis ang pasasalamat nito.
Maligayang-maligaya si Gabriel. Hindi man nila nakamit ang hustisya noon, nakamit naman nila iyon makalipas ang mahabang panahon. Nagkaroon pa siya ng kaibigan at anak sa katauhan ni Tirso at Abi.
Kung minsan ay talaga namang napakakumplikado ng plano ng tadhana. Kaya naman dapat ay matuto tayong hindi sumuko.