Inday TrendingInday Trending
Binigyan ng Babae ng Pambalot ng Regalo ang Isang Batang Basurero; Mapapaluha Siya sa Paggagamitan Nito

Binigyan ng Babae ng Pambalot ng Regalo ang Isang Batang Basurero; Mapapaluha Siya sa Paggagamitan Nito

Abala si Reynan sa pangunguha ng mga basura na ibebenta niya nang biglang dumating ang kaibigan niyang si Samboy.

“Tara na, Reynan, sabay na tayong umuwi! Marami na rin akong nakuhang mga basura,” yaya ng bata.

“Mauna ka na, Samboy! ‘Di pa ako tapos sa pagkuha ng mga ibebenta ko, eh!” sagot niya sa kaibigan.

“Aba, magdidilim na uy! Balak mo bang buong magdamag na magkalkal diyan ng basura?”

“Kailangan na marami akong maibenta sa junk shop para matapos ko na ‘yung ginagawa ko,” tugon niya.

“Alin? ‘yun bang palagi mong pinagkakaabalahan?” tanong ni Samboy.

“Oo, iyon nga,” tanging sagot ni Reynan.

Mayamaya ay nakangiting inuyam siya ng kaibigan.

“Ah, yung ginagawa mong maliit na bahay-bahayan? T-teka, ano nga ba ang gagawin mo dun? Huwag mong sabihing maglalaro ka niyon at bibili ka ng manyika at kunwaring maglalaro ka ng bahay-bahayan na parang babae?” natatawang sabi ni Samboy.

Hindi pinansin ni Reynan ang pang-aasar ng kaibigan.

“Basta’t kapag nayari iyon, mayroon akong pag-aalayan,” aniya.

Mas lalo siyang inasar ni Samboy.

“Uy, huwag mong sabihin na ibibigay mo iyon sa nililigawan mo? Siguro ‘yung anak ng nagtitinda ng isda sa palengke,” pang-iinis pa ng bata.

“Malalaman mo rin,” tanging tugon ni Reynan.

Samantala, sa ‘di kalayuan ay nag-uusap naman ang mag-inang Odelia at Bambam.

“Mommy, alisin na natin ang balot nitong regalo na ibinigay mo sa akin!” ingit ng bata.

“Doon na sa bahay!” wika ni Odelia sa anak.

Kaarawan kasi nito kaya naisipan niyang bilhan ng regalo na ipinabalot pa niya.

“Ayoko, mommy! Sige ka, iiyak ako!” pananakot ni Bambam.

“O, sige na nga… doon na natin alisin sa loob ng restaurant na iyon ang balot ng regalo mo at nang makapaghapunan tuloy tayo,” tugon ni Odelia na hindi natiis ang anak.

Bigla namang mapadaan si Reynan. Nakita niya ang mag-ina at ‘di sadyang narinig ang pinag-uusapan ng mga ito. Nakita niya ang regalong hawak ni Bambam.

“Wow! Ang ganda naman ng papel na pambalot… iyon ang gusto kong ipambalot sa regalong ginagawa ko… aalisin rin lamang ang balot at itatapon, hihingin ko na lang iyon sa ale imbes na bumili pa ako ng pambalot,” wika ni Reynan sa isip.

Dahil sa masidhing pagnanasa niya sa magandang pambalot na iyon ay sinundan niya ang mag-ina sa loob ng restaurant at nilapitan ang mga ito.

“Magandang gabi po! Maaari ko po bang mahingi iyang pambalot ng regalo?” magalang niyang tanong.

“Ah, iyon lang ba? O, heto kunin mo na!” sagot ni Odelia ngunit bago pa naiabot sa kanya ang pambalot ay bigla itong inagaw ni Bambam.

“Ayoko nga!” sigaw ng bata.

Palibhasa’y may kapilyuhan ang anak ni Odelia ay pinagpupunit nito sa harap ni Reynan ang pambalot hanggang sa magkapira-piraso iyon.

“O, ayan, kunin mo na!” natatawang sabi ni Bambam na nang-iinis pa ang tono.

‘Di na nakapagtimpi pa si Odelia sa kasutilan ng anak.

“Bambam! Sumusobra ka na! Bakit mo ginawa ‘yon? Mag-uusap tayo mamaya pag-uwi natin sa bahay!’ galit na sabi ni Odelia.

Dahil sa sama ng loob ay patakbong lumabas si Reynan sa restaurant na hindi napigil ang sarili na napahagulgol ng iyak. Naantig ang kalooban ni Odelia kaya’t sinundan nito ang bata.

“Pasensya ka na sa anak ko, bata. Huwag ka nang umiyak… bibigyan na lamang kita ng pambili ng pambalot,” sambit ng babae.

“Hindi na bale po. Ayos lang naman po ako,” sagot niya habang pinapahid ang luha sa mga mata.

“Teka nga muna… aanhin mo ba ang pambalot?” tanong ni Odelia.

“Gagamitin ko po sanang…”

Hindi na natapos sa sasabihin si Reynan nang muling magsalita si Odelia.

“Gagamitin mo na pambalot ng regalo? Pasensya ka na ulit sa anak ko at may pagkapilyo! Mula kasi nang sumakabilang buhay ang daddy niya ay naging ganoon na ang ugali niya. Mabait namang bata si Bambam, eh. Hayaan mo at bibigyan na lang kita ng magandang pambalot ng regalo. Marami akong nakatagong pambalot sa bahay. Bukas ay iaabot ko sa iyo. Magkita tayo rito sa harap ng restaurant sa ganito ring oras. Nga pala, ako si Odelia. Tita Odelia na lang ang itawag mo sa akin,” wika ng babae.

“Sige po, maraming salamat. Ako po pala si Reynan,” sagot ng bata sa kausap.

Kinabukasan ay nagkita nga ulit ang dalawa.

“Heto ang pangako ko sa iyo… at dalawang klase pa ‘yan!” masayang salubong ni Odelia kay Reynan.

“Naku! Ang gaganda naman po nito! Maraming salamat po, T-tita Odelia!”

Tuwang-tuwa na umuwi sa tinitirhang maliit na kubol si Reynan at ipinagpatuloy ang pagpapaganda sa ginagawa niyang maliit na bahay-bahayan. Nanghingi rin siya ng mga tira-tirang pintura sa mga kapitbahay niya para mas lalong mapaganda ang ginagawa niya.

“Salamat na lamang sa mabait na aleng iyon at binigyan ako ng magandang pambalot nitong regalo ko,” sambit ni Reynan sa isip.

Kinabukasan, ayos na ayos na at maganda na ang maliit na bahay-bahayang ginawa niya. Maingat niya itong binalutan ng magandang pambalot na ibinigay sa kanya ni Odelia.

“Siguradong matutuwa sila sa regalo ko! Kailangan na nakabalot ito para masorpresa sila kung ano ang laman,” sabi ni Reynan sa sabik na sabik na tono.

Lingid kay Reynan ay sinundan pala siya ni Odelia kung saan siya nakatira. Kitang-kita ng babae nang lumabas ang bata sa tinitirhan nitong maliit na kubol na gawa lamang sa maninipis na kahoy at makapal na tela. May bitbit itong regalo habang naglalakad.

“Iyon pala ang pinaggamitan niya ng ibinigay kong pambalot! Ano kaya ang regalo niyang dala? At kanino niya iyon ibibigay?” sunud-sunod na tanong ni Odelia sa sarili.

Dali-dali niyang sinundan ang bata hanggang sa dalhin siya ng mga paa niya sa sementeryo at nalantad sa kanya ang katotohanan.

“May binisita siyang mga puntod!” gulat na sambit ni Odelia nang makita si Reynan na inilapag sa harap ng dalawang puntod ang regalong dala.

“Inay, itay, tapos na po ang regalo ko sa inyo at sana’y magustuhan ninyo. Ibinalot ko pa po ‘yan sa magandang pambalot,” wika ni Reynan saka dahan-dahang inalis ang pambalot.

Mas lalong nagulat si Odelia nang makita ang regalo ni Reynan.

“Gumawa po ako ng bahay-bahayan. Ayan po, kahit na maliit lamang po ‘yang ginawa ko’y kahit paano ay natupad ang pangarap natin na magkaroon tayo ng sarili nating bahay. Kahit na mistulang laruan itong bahay na ito’y sumisimbolo pa rin ng ating mga pangarap. Hayaan niyo po, balang araw ay magkakaroon din tayo ng totoong bahay na malaki at maganda. Pagsusumikapan ko po na matupad iyon, inay, itay,” hayag ni Reynan na ‘di na napigil na maiyak sa harap ng puntod ng mga namayapang magulang.

Maagang nawala ang mga magulang ni Reynan dahil sa isang aksidente. Nagsusumikap ang nanay at tatay niya na makapagpatayo ng maliit na bahay, kahit na simple lang basta’y magkaroon sila ng sariling bahay. Wala silang permanenteng tirahan at nakikituloy lang sa mga kamag-anak ngunit mapagbiro ang tadhana at parehong pumanaw ang mga magulang niya at naiwan siyang mag-isa. Nang maulila ay ipinagtabuyan na siya ng mga kamag-anak nila at hinayaan siyang tumira sa kalye. Para patuloy na mabuhay ay nagbabasura siya para kumita ng pera at makakain kahit isang beses sa isang araw.

Halos sumambulat naman ang dibdib ni Odelia sa nasaksihan. Hindi niya namalayang umaagos na pala ang luha sa kanyang mga mata.

“Kay bait na bata! Ilan kaya sa mga kabataan ngayon ang may ganitong uri ng damdamin at pagpapahalaga sa mga magulang?” sabi niya sa sarili.

Sobrang naantig ang damdamin ni Odelia at sa sobrang tuwa niya sa ginawa ni Reynan ay kinupkop niya ito at itinuring na tunay na anak. Natanggap naman ng anak niyang si Bambam ang pagkupkop niya kay Reynan at ang dating sutil at pilyong bata ay napaamo ni Reynan dahil sa taglay nitong kabaitan. Madaling nagkasundo ang dalawang bata at nagturingan na magkapatid. Pinag-aral din ni Odelia si Reynan at nangakong tutulungan ito na maabot ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral at makapagpatayo ng magandang bahay na ihahandog sa mga namayapang magulang.

Advertisement