Inday TrendingInday Trending
Palaging Hindi Sinasama ng mga Kamag-Anak ang Pamilya ng Lalaki Kapag may Outing Dahil Wala Silang Pang-Ambag; Biglang Babaliktad ang Mundo Nila

Palaging Hindi Sinasama ng mga Kamag-Anak ang Pamilya ng Lalaki Kapag may Outing Dahil Wala Silang Pang-Ambag; Biglang Babaliktad ang Mundo Nila

“Ano? Ready na ba kayo?” tanong ni Margarita sa mga anak.

“Opo, mama, kagabi pa nga kami excited eh!” sagot naman ng panganay na anak na si Che Che.

“Ihanda niyo na ang mga dadalhin niyo at nariyan na ang lolo, lola, at mga tito, tita’t mga pinsan niyo,” sambit pa ni Margarita na nagmamadali na rin sa paggagayak.

Sa araw na iyon ay nakatakdang umalis ang buong pamilya Cahilig para magpunta sa beach. Taon-taon ay ginagawa nila iyon para mas lalong maging malapit ang bawat miyembro ng kanilang pamilya sa isa’t isa at para magbakasyon na rin.

“O, wala na ba kayong nakalimutan? Tara na at naghihintay na sila sa labas!” sigaw pa ni Margarita habang bitbit ang baon na mga pagkain.

“Sige po mama, nariyan na kami!” tugon ng bunso niyang anak na si Hazel.

Ilang minuto lang ay nakaalis na ang sasakyan ng pamilya papunta sa resort kung saan sila magliliwaliw ngunit tila ‘di nila alintana na may mga naiwan sa bahay.

“Inay, umalis na naman po silang lahat. Hindi na naman po nila tayo isinama?” malungkot na tanong ni Mikael sa inang si Lovela.

“Oo nga po, inay. Palagi na lang po nila tayong hindi iniimbitahan kapag nag-a-outing sila,” sabad naman ng isa pa niyang anak na si Mica.

“Hayaan niyo na mga anak. Kayo na lang ang umintindi sa kanila. Wala kasi tayong pera at walang pang-ambag sa outing kaya hindi nila tayo isinasama. Saka wala kasing permanenteng trabaho ang tatay niyo, umeekstra lang siya sa construction kaya hindi natin kayang magbigay ng ambag. Wala rin naman akong trabaho at kulang na kulang pa ang kinikita ng tatay niyo para sa inyong pag-aaral,” sagot naman ni Lovela sa mga anak.

Ang asawa niyang si Rodelio ay kapatid ni Margarita. Nakikipisan lang sila sa bahay ng kanyang hipag dahil wala silang sariling bahay. Sa limang magkakapatid kasi ay tanging si Rodelio lang ang hindi nakapagtapos sa pag-aaral dahil bilang panganay na anak ay ito ang nagsakripisyo at pinauna na pag-aralin ang mga nakababatang kapatid. Mahirap lang noon ang buhay ng kanilang pamilya, parehong nagtitinda lang sa palengke ang kanilang mga magulang kaya hindi lahat ay kayang pag-aralin. Nakapagtapos naman ang mga kapatid ni Rodelio at may mga magagandang trabaho samantalang si Rodelio ay hindi na naipagpatuloy ang pag-aaral dahil nakapag-asawa nang maaga.

“’Di bale inay, makakapag-outing din po tayo kasama si itay,” wika ni Mikael.

Kahit kailan ay hindi sila iniimbitahan ng kanilang mga kamag-anak kapag lumalabas ang mga ito para mag-outing o namamasyal. Ang dahilan ng mga ito ay wala naman silang maiaambag na pera kaya palagi silang naiiwan sa bahay habang ang mga ito’y nagpapakasaya. Minsan nga ay naiisip ni Mikael na hindi paborito ng kanyang lolo at lola at ng mga tito at tita niya ang tatay niya kaya palagi itong iniitsapuwera sa mga lakaran at pati silang mga anak nito ay nadadamay.

Naalala ni Mikael na minsang nagplano ang Tiya Margarita niya na magbakasyon sa Baguio kasama ang mga pinsan niya ngunit hindi man lang sila sinabihan na sumama ng mga ito pero nagawang yayain ang ibang mga kapatid at kamag-anak nila.

“Mga anak, dali at nag-aantay na ang mga pinsan niyo. Dalhin niyo ang mga pangginaw niyong damit dahil malamig sa Baguio!” sabi ng tiyahin sa mga pinsan niya.

Nakita siya nito habang nagtitimpla siya ng kape sa kusina. Tinanong pa niya ito kung saan pupunta ngunit ang sagot nito sa kanya…

“May pupuntahan lang kami ng mga pinsan mo. Bantayan niyo itong bahay ah! At ayokong makalat dito, maglinis kayong magkapatid. Pakisabi rin sa nanay mo na pakisabay na sa mga labahin niya ang mga damit namin. Pasabi rin sa tatay mo na pakigawa ang sirang gripo sa labas ha!” anito bago tuluyang umalis kasama ang mga pinsan niya.

Napabuntong-hininga na lang si Mikael. Nang dumating ang tatay niya ay agad nitong inayos ang sirang gripo kahit na pagod na pagod ito sa pagtatrabaho sa construction.

“Kawawa naman si itay. Kahit ganoon ang ginagawa sa kanya at sa amin ng aming mga kamag-anak ay ‘di siya nagtatanim ng sama ng loob. Nagpapakita pa rin siya ng kabutihang loob sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila kapag may mga inuutos sila. Sadya talagang mabait na tao si itay,” sabi ni Mikael sa isip habang pinagmamasdan sa bintana ang ginagawa ng ama.

Mula noon ay ipinangako nilang magkapatid na mag-aaral nang mabuti para balang araw ay maiahon nila ang kanilang pamilya sa hirap. Pinag-igihan nga ng magkapatid na Mikael at Mica ang pag-aaral hanggang sa nakapagtapos sila sa kolehiyo at nagkaroon ng magandang trabaho. Isa nang ganap na Doktor si Mikael at Certified Public Accountant naman si Mica. ‘Di nagtagal ay nakapagpundar din sila ng bahay at lupa para sa kanilang pamilya at hindi na sila nakikitira sa tiyahin nilang si Margarita.

Isang araw ay sinorpresa ng magkapatid ang kanilang mga magulang.

“Inay, itay, maghanda po kayo at magbabakasyon tayo!” masayang wika ni Mikael.

“T-teka, mga anak, eh, saan naman tayo pupunta?” tanong ni Rodelio.

“Matagal na po naming pinagplanuhan ni kuya ang bakasyon nating ito, tiyak na matutuwa kayo!” sabad ni Mica.

“Naku, saan naman tayo magbabakasyon?” tanong ni Lovela sa mga anak.

“Lilibutin po natin ang buong Europa, inay, itay. Kaya mag-impake na kayo ng mga damit,” sagot ni Mikael.

Laking gulat ng mag-asawa nang malaman kung saan sila magbabakasyon.

“Ano? Sa Europa? Ang layo niyon ah!” gulat na sabi ni Rodelio.

“Tama kayo itay at hindi lang po ‘yan ang pupuntahan natin. Lilibutin natin ang buong Pilipinas at buong mundo! Hayaan niyo naman pong ipasyal namin kayo sa mga lugar na hindi niyo pa nararating. Buong buhay niyo ay nagtatrabaho na kayo para sa amin, gusto namin na kayo naman ay makapag-relax at makapagpahinga, kayong dalawa ni inay,” tugon ni Mikael.

“Ngayon po ay tayo naman ang mag-a-outing na buong pamilya,” saad pa ni Mica.

Halos maluha ang mag-asawa sa sorpresa ng magkapatid. Masayang-masaya ang mga ito sa narating ng kanilang mga anak.

Nang makaalis ang mag-anak nina Rodelio ay nabalitaan ng mga kapatid niya at iba pa nilang kaanak ang tungkol sa kanilang bakasyon. Laking inggit ng mga ito nang malaman na sa ibang bansa pa nila nagawang mag-outing. Napag-isip-isip ng mga ito na ang kamag-anak na isinasantabi nila noon at hindi isinasama sa outing at pamamasyal ay mas asensado na kaysa sa kanila ngayon. Ang mga kamag-anak nina Rodelio ay hindi na rin nakakapagbakasyon at nakakagala sa ibang lugar dahil walang mga trabaho at hindi nakatapos sa pag-aaral ang anak ng kaniyang mga kapatid lalo na ang mga anak ni Margarita.

Ang mga dinanas na hirap at dagok ng pamilya ni Mikael ay may kapalit palang sarap dahil sa kanilang pagtitiyaga, pagsusumikap, at pananalig sa Diyos ay nakamtan din nila ang ginhawa sa buhay.

Advertisement