Ipinahiya at Pinagbintangang Magnanakaw ng Babaeng Bisor ang Matanda at Dalagang Kustomer; Pagkawala ng Trabaho ang Naging Kabayaran sa Inasal Niya

Kaka-promote palang ni Aubrey sa pinagtatrabahuhang souvenir shop. Kung dati ay isa siyang simpleng sales staff doon, ngayon ay supervisor na siya. Kahit anim na buwan pa lang siya roon ay umangat agad ang posisyon niya. Walang mairereklamo sa kanya pagdating sa trabaho dahil mahusay siya at matalino, ngunit pagdating sa pag-uugali ay wala ng mas gagaspang pa sa ugali niya.

Maganda ang pakikitungo niya sa mga mayayaman at sosyal na kustomer na nagpupunta sa shop pero kapag walang perang pambayad ang kustomer at naroon lang para mag-window shopping ay minamata niya at sinusungitan ang mga ito.

Isang araw, nakatikim sa masama niyang ugali ang isang matandang babae at isang dalaga na kanina pa paikot-ikot at minamasdan ang mga paninda. Tingin pa lang niya sa matanda ay mahirap ito at walang perang pambili dahil sa suot nitong daster na parang binili lang sa ukay-ukay at bitbit na bag na halatang pinaglumaan na. Ang dalaga naman ay kupas na ang suot na sapatos at mukhang mumurahin ang suot na bestida. May hawak pa itong envelope na tila mag-a-apply ng trabaho. Kung sa shop na iyon ito magtatangkang mag-apply ay siguradong bagsak na ito sa kanya. Mukha kasing tat*nga-t*nga ito na napakalaki pa ng suot na salamin sa mata.

“Hoy ale, hindi ka pa ba tapos sa pagtingin-tingin mo riyan ha? Baka lumuwa na ang mata mo kakatitig sa mamahaling souvenir items na ‘yan,” inis niyang sabi nang lapitan ang matanda na tinaasan pa niya ng kilay.

“Pasensya ka na ineng. Hindi kasi ako makapamili ng maayos. Ang gaganda kasi ng mga paninda niyo rito, eh,” sagot ng kustomer.

Inirapan niya ito.

“Hindi ka makapili o wala kang pambili? Kanina ka pa naka-t*nga rito at kunwaring pumipili ng bibilhin at diyan pa talaga sa mahal na mga items ka tumitingin. Kung wala kang pera, bukas ang pinto ng shop na ito at maaari ka nang umalis. Hindi ka kailangan dito tanda,” maangas niyang sabi sabay duro sa kausap.

Hindi na nakatiis ang dalagang kustomer na kanina pa rin naroon at nilapitan siya.

Advertisement

“Miss, hindi mo dapat pinagsasalitaan si lola ng ganyan. Remember, customer is always right at nakikita mo bang matanda na ang kausap mo? Hindi ka man lang marunong gumalang?” mahinanong tanong nito sa kanya.

Pinandilatan niya ito ng mata.

“Isa ka pa, anong karapatan mo para pagsabihan ako? Wala akong pakialam kung kustomer kayo, ang kailangan namin dito ay mga kustomer na may pera at hindi ang mga kagaya ninyong dukha. Kung makapagsalita ka, eh isa ka rin na kanina pa nagmamasid sa loob ng shop pero wala namang binibili,” matigas niyang tugon saka dinuro rin ang dalaga.

Imbes na gantihan nito ang pagkamaangas niya ay mahinahon pa rin itong sumagot.

“Kung ayaw mo kaming narito, sabihin mo ng maayos at hindi ‘yung kung anu-anong pamamahiya ang sinasabi mo sa amin. Kung hindi mo kami kayang respetuhin bilang kustomer, respetuhin mo na lang kami bilang tao,” matapang nitong sagot sa kanya.

Lingid sa kanila ay kanina pa sila pinagmamasdan ng iba pang kustomer at sales staff sa loob ng souvenir shop. Napapailing na lang ang mga ito sa pagiging maldita ni Aubrey kaya ang ilang kustomer ay umalis na at hindi na bumili.

Nagngitngit sa galit ang babae dahil sa mga kustomer na umalis.

“Tingnan ninyo? Dahil sa inyo ay may mga umalis na kustomer. Sinisira ninyo ang araw ko, ang mabuti pa ay lumayas na kayo rito at huwag nang babalik pa. Ano pang hinihintay ninyo? Gusto niyo bang ipakaladkad ko pa kayo sa guwardiya sa labas?”

Advertisement

Akmang aalis na ang dalawa nang dumating ang manager ng shop na si Mrs. Regala. Iyon ang araw nang pagbisita nito roon. Bukod sa branch nila na iyon sa Makati ay pinamamahalaan din ng mabait na ginang ang dalawa pang branch sa iba pang lugar.

Biglang nag-iba ang timpla ng mukha ni Aubrey. Kung kanina ay isa siyang nakakatakot na leon, ngayon ay isa ng maamong tupa nang makita ito.

“Anong nangyayari rito?” kunot noong tanong ni Mrs. Regala na narinig pala sa labas ang malakas niyang boses.

Nagpanggap na api-apihan si Aubrey.

“Pinagtulungan po kasi nila ako, ma’am. Iyang matanda na ‘yan at ang kasama niyang babae. Nakita ko pong nangungupit ng mga paninda rito sa shop. Itong si tanda ay may inilalagay na key chains sa loob ng bag niya at ito namang babae na kasama niya ay nagtangkang kumuha ng mamahaling pigurin sa estante. Mabuti na lang at nahuli ko sa akto ang mga kawatang ‘yan,” sumbong niya.

Nang makita ng ginang ang matandang babae ay nanlaki ang mga mata nito at nag-iba ang ekspresyon ng mukha.

“Diyos ko, Aubrey anong sinasabi mo? Hindi mo ba kilala ang kausap mo?” kinakabahang tanong ni Mrs. Regala.

“Hindi ma’am, pero natitiyak kong mahihirap lang ang mga ‘yan na pumunta lang dito sa shop para magnakaw ng mga paninda natin. Mga wala kasing pinag-aralan,“ sagot pa niya.

Advertisement

“Shut up, Aubrey. Hindi mo dapat pinagsasalitaan ng ganyan ang may-ari nitong souvenir shop,’ malakas na tugon ng ginang.

“What?!” gulat niyang tanong.

“Ang isa sa pinagbibintangan mong magnanakaw ay si Mrs. Benavidez na may-ari nitong shop na pinagtatrabahuhan mo,” bunyag ng babae.

Parang sinampal sa magkabilang pisngi si Aubrey at napako sa kinatatayuan niya. ‘Di siya makapaniwala na ang matandang hinamak niya’t pinagsalitaan ng kung anu-ano ay ang may-ari ng souvenir shop.

“I am very disappointed, Aubrey. Na-promote ka pa naman bilang supervisor pero hindi ka pala karapat-dapat sa posisyong iyan. Masyado kang mapanglait at mapangmata sa iyong kapwa,” wika ng ginang.

Sa sobrang pagkapahiya ay nagtatakbong umalis si Aubrey at hindi na bumalik pa sa souvenir shop. Wala na siyang mukhang maihaharap pa.

Nagpasalamat naman si Mrs. Benavidez sa dalaga na nagpakilalang si Stacy. Ang totoo ay nagpanggap lang ang matanda na isang mahirap na kustomer. Inalam nito ang totoong pag-uugali ni Aubrey bilang supervisor sa pagmamay-aring shop at nalaman nga nito ang tunay na kulay ng babae na matagal na palang inirereklamo ng mga kasama sa trabaho dahil sa sobrang kagaspangan ng ugali.

“Salamat sa pagtatanggol mo sa akin kanina, hija,” anito, ngunit may napansin ang matanda sa hawak na envelope ng dalaga. “T-teka, resume ba ‘yang nakikita ko sa loob ng envelope mo?” tanong nito.

Advertisement

“Walang anuman, lola este ma’am. Opo, mag-a-apply po sana akong sales staff dito sa shop niyo pero nawili po akong magtingin-tingin sa mga magagandang souvenir items kaya nakalimutan kong ipasa ang resume ko,” sagot ni Stacy.

Ngumiti si Mrs. Benavidez.

“Dahil sa iyong kabutihan ay tanggap ka na sa trabaho, hija,” wika ng matanda na tumingin kay Mrs. Regala na napansin naman ng dalaga na tumango sa tinuran nito.

Naiyak si Stacy sa sinabi sa kanya ng mabait na may-ari. Nangangailangan talaga siya ng mapapasukan dahil bukod sa malaking tulong iyon sa kanyang pag-aaral sa kolehiyo ay mapag-aaral din niya ang dalawa pa niyang kapatid na nasa hayskul na. Working student si Stacy na masuwerteng nakapasok sa souvenir shop ni Mrs. Benavidez. ‘Di nagtagal, dahil sa angking sipag at galing ay mabilis siyang na-promote at naging supervisor.

Laking pasasalamat niya kay Mrs. Benavidez sa pagkakaroon niya ng trabaho. Ipinangako niya sa sarili na mas pagbubutihan pa at hindi sasayangin ang magandang pagkakataon na ibinigay nito sa kanya.

Kung sinuwerte si Stacy ay minalas naman si Aubrey, napunta sa dalagang hinamak-hamak niya ang posisyon na pinaghirapan niya. Karma ang dumali sa kagaya niyang matalino at magaling nga, pero maitim naman ang budhi.