
Nagulat ang Apo sa Tuhod ng Lolong Ito Dahil sa Kaniyang Ginagawang ‘Higaan’ sa Loob ng Silid; Ano ang Kakaiba sa Higaang Ito?
“Teban, napakaaga na namang umalis ni Lolo Artemio. Palagay ko ay nagpunta na naman sa kakahuyan para manguha ng mga kahoy. Ano kayang balak niyang gawin?” untag ni Aling Nemesia sa kaniyang mister na si Mang Teban.
Matandang-matanda na si Lolo Artemio, sa katunayan ay lolo na ito sa tuhod ni Mang Teban. Sa kabila ng edad nito ay malakas na malakas pa rin, at kaya pang mag-igib ng tubig sa balon, o kaya naman ay magsibak ng kahoy para sa panggatong nila. Kumakain pa nga ito ng Balbacua, at walang takot na tumaas ang presyon ng dugo dahil sa kolesterol.
“Hayaan mo na nga ang lolo, matandang-matanda na siya at alam na niya ang ginagawa niya,” pabirong sabi naman ni Mang Teban habang ngumunguya ng pandesal at hinihigop ang umuusok pa sa init na kapeng barako. Nakataas ang kanang binti nito sa isang maliit, luma, at giray na upuan.
“Anong hayaan? Matanda na si Lolo Artemio, aba’y kahit na sabihin nating malakas-lakas pa siya, paano kung matalisod iyan sa mga ugat-ugat sa kakahuyan, o baka may baboy-ramo at silain siya? Kinakabahan ako sa kaniya eh,” totoo ang kabang nararamdaman ni Aling Nemesia.
“Alam ko na kung bakit ka nag-aalala sa kaniya. Iniisip mo siguro ang sinabi ng mayor na isang taon na lang eh magiging sentenaryo na ang matanda. Makukuha na natin ang 100,000 piso na pabuya sa mga umaabot ng ganoong edad.”
Hindi naman kumibo si Aling Nemesia.
“Oh kita mo na. Huwag kang mag-alala, mas malakas pa sa kalabaw ang lolo. Makukuha natin ang pabuya. Huwag ka masyadong mag-iiisip, papangit ka niyan.”
Maya-maya ay nakarinig na sila ng kaluskos at pagbagsak ng mga kahoy sa lupa. Sinilip nila ang bintana. Nakauwi na si Lolo Artemio.
“Lolo, saan na naman kayo galing? Kinakabahan ako sa inyo eh,” usisa ni Aling Nemesia sa matanda.
“Diyan lang ako sa kakahuyan nagpunta. Huwag kayong mag-alala, mas malakas pa ako sa kalabaw,” tugon naman ni Lolo Artemio. Nagkatinginan naman ang mag-asawa dahil kasasabi lamang ni Mang Teban ang pahayag na iyon.
Isang araw, galit na galit si Lolo Artemio nang manguha ng panggatong sa mga kahoy na kinuha niya sa kakahuyan si Aling Nemesia.
“Dapat magpaalam muna kayo sa akin! Hindi naman panggatong ‘yan!” galit na galit na sabi ni Lolo Artemio. “Nakita mo naman na nilinis ko, kinayas, at kininis ko hindi ba? Wala ka bang muwang?”
“Pasensya na po kayo lolo, hindi ko naman po alam na hindi naman pala mga panggatong iyan,” paghingi ng paumanhin ni Aling Nemesia.
“Sa susunod magtatanong ka!”
“Ano po ba ang gagawin ninyo sa mga kahoy na iyan?”
“Wala kang pakialam. Para iyan sa higaan ko sa silid.”
At hindi na nga inusisa ni Aling Nemesia ang matanda. Inisip niya, baka sira na ang papag na ginagamit nito kaya gagawa na ito ng panibago.
Simula noon ay halos araw-araw nang naririnig ng mag-asawa ang pagpukpok ng matanda sa loob ng silid nito. Nagtataka ang mag-asawa kung bakit sa tuwing gumagawa ang matanda, nakasarado ang pinto ng silid nito. Hindi lang basta nakasarado kung hindi nakapinid pa ang seradura.
Madaling-araw pa lamang ay gumagawa na ang matanda kaya naiinis si Aling Nemesia dahil nabubulahaw ang kanilang pagtulog.
“Ano kayang ginagawa ng matandang ito?” palaisipan kay Aling Nemesia ang inililihim ng matanda.
Nang minsan ay maligo ito, naglakas-loob na si Aling Nemesia na tingnan kung ano ang kinukumpuni ng matanda sa loob ng silid nito.
Nanlaki ang mga mata niya sa nakita. Isang kabaong! Ang mga kagamitang ginamit niya ay ang mga kahoy na kinuha nito mula sa kakahuyan.
Buo na ito, at ang mas lalong ikinagulat ni Aling Nemesia na may sapin ito sa loob at mga unan.
“Anong ginagawa mo rito sa loob ng silid ko?” untag ni Lolo Artemio sa nagulat na si Aling Nemesia.
“Lolo naman… bakit naman kayo gumawa ng kabaong? Buhay pa kayo!”
“Tumigil ka nga riyan Nemesia at huwag kang maghisterya. Pasasaan ba’t doon din naman ang punta ko. Kaya gumawa na ako ng sarili kong kabaong para hindi na kayo mamroblema. At habang buhay pa ako, gusto kong maranasan kung paano humiga rito.”
Wala na ngang nagawa sina Mang Teban at Aling Nemesia sa bagong higaan ni Lolo Artemio: walang iba kung hindi sa ginawa nitong kabaong.
Isang araw bago ang ika-100 kaarawan nito, hindi na nagising pa si Lolo Artemio habang natutulog sa kaniyang ginawang kabaong. Payapang-payapa ang mukha nitong nakahimlay sa kabaong na siya mismo ang gumawa, na noong nabubuhay pa siya, ay ginawa niyang kama.
Malungkot si Mang Teban sa pagkawala ng kaniyang Lolo Artemio subalit mas malungkot si Aling Nemesia dahil hindi na natuloy pa ang pagbibigay ng Isang Daang-libong pisong pabuya para sa pagiging sentenaryo sana ni Lolo Artemio.
Hindi na rin sila namroblema sa libing ng matanda dahil nasa loob ng kabaong nito ang lumang pitaka nito, na naglalaman ng mga perang inipon nito, para sa kaniyang libing.
Hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay, napanatili ni Lolo Artemio ang payak na pamumuhay.

Itinatago ng Mag-asawang Ito ang Tunay na Sitwasyon ng Kanilang Relasyon sa Kanilang Anak; Nagulat Sila Nang Marinig ang Talumpati Nito
