
Itinatago ng Mag-asawang Ito ang Tunay na Sitwasyon ng Kanilang Relasyon sa Kanilang Anak; Nagulat Sila Nang Marinig ang Talumpati Nito
Tahimik na kumakain ng hapunan ang mag-anak na Palma: ang ilaw ng tahanan ay si Almira, ang haligi ng tahanan ay si Ramil, at ang kanilang anak ay si James na magtatapos na sa Grade 6.
“Papa, Mama, sabi po pala ng adviser namin, may family day po sa darating na Sabado. Nariyan po ang letter na ibinigay niya. Sana po makapunta po kayo, kasi may plus points daw po kapag naisama ang Mama at Papa.”
Nagkatinginan naman sa isa’t isa sina Almira at Ramil.
“O-Oo naman anak. Para sa iyo, pupunta kami ng Papa mo huwag kang mag-alala,” garantiya ni Almira sa anak.”
‘Oo anak, tutal Sabado naman ‘yan. Huwag kang mag-alala, anak,” nakangiting sabi naman ni Ramil.
“Salamat po, Mama at Papa!” pasasalamat ni James sa kaniyang mga magulang.
Matapos ang kanilang hapunan, naghugas na ng mga pinagkainan si Almira habang si Ramil naman ay nanood ng balita sa telebisyon. Si James naman ay nasa kuwarto na nito at nag-aaral pa ng mga leksyon para sa paaralan.
“Gusto mo ba ng kape, Ramil?” kaswal na tanong ni Almira sa asawa.
“Kung okay lang naman sa iyo,” sabi ni Ramil.
“Magtitimpla kasi ako kaya baka gusto mo isabay na kita.”
Maya-maya ay handa na ang mapait na kape ni Ramil. Gusto niya ang black coffee na walang asukal, habang si Almira naman, ay may gatas.
Iniabot ni Almira ang kape kay Ramil. Pagkatapos, pumasok na sa kuwarto si Almira at nahiga na sa kama.
Maya-maya, pumasok na rin si Ramil sa kuwarto. Nakalatag na ang kutson sa sahig. Ang kutson na ito ay maingat na itinatago ng mag-asawa mula kay James. Nahiga na rito si Ramil. Matagal na silang hindi nagtatabi sa kama ni Almira, mga dalawang taon na.
Ganoon ang laging senaryo nina Almira at Ramil sa loob ng dalawang taon. Subalit ang lahat ng ito ay sinisikap nilang hindi ipahalata kay James. Hangga’t maaari, kapag kaharap nila ang anak, sinisikap nilang mag-asawa na umakto na gaya ng dati, mag-usap na gaya ng dati, at gumalaw batay sa hindi mahahalata ni James.
At sumapit ang Family Day sa paaralan ni James. Masayang-masaya ang lahat, masaya rin si James dahil kasama niya ang mga magulang. Sumali sila sa mga palaro na para sa mga mag-asawa lamang at sa buong pamilya. Ilang na ilang sina Almira at Ramil sa kanilang mga ginagawa. May bahagi kasi sa laro na kailangang halikan sa pisngi ng tatay ang nanay, at sa isa namang laro ay kailangang magsabihan ng ‘I love you.’
Kaya naman pagkauwi sa bahay, tahimik silang kumain ng hapunan, maliban kay James na tuwang-tuwa dahil nanalo sila sa dalawang larong sinalihan nila.
At matuling lumipas ang panahon, Graduation na ni James sa paaralan. Siya ang nakakuha ng pinakamataas na karangalan sa buong batch kaya siya ang nakatakdang magbigay ng talumpati.
At syempre, dumalo sina Almira at Ramil upang sabitan ng medalya ang kanilang anak, at mapakinggan ang talumpati nito para sa lahat.
Matapos ang seremonya ng pagsasabit ng mga medalya sa mga may karangalan at pagtanggap sa diploma, dumating na rin ang sandali ng pagtatalumpati ni James.
Pinasalamatan ni James ang kaniyang mga guro at kaklase na naging bahagi ng kaniyang paglalakbay sa pag-aaral. Hanggang sa hindi inaasahan nina Almira at Ramil ang sasabihin hinggil sa kanila ni James.
“Para po sa aking Mama at Papa, alam ko pong may pinagdaraanan kayo ngayon, pero maraming salamat po dahil pinili ninyong magsama para sa akin. Nariyan po kayo lagi sa aking tabi.”
Hindi napigilan ni Almira na maiyak sa sinabi ni James.
Pagdating sa bahay, masinsinang kinausap nina Almira at Ramil ang anak.
“Anak, ano pala ang ibig sabihin mo sa talumpati mo kanina?” untag ni Almira.
“Mama, Papa, nagpapasalamat lang po ako, na kahit hiwalay na po kayo ay mas pinili niyo pa rin na magsama para sa akin. Hindi po kayo naghiwalay. Hindi po ninyo ako pinapili kung kanino ako samama,” sagot ni James sa kaniyang mga magulang.
“Paano mo naman naisip na hiwalay na kami ng Mama mo?” tanong ni Ramil.
“Ma, Pa… magkakasama po tayo kaya alam kong may nagbago sa inyo. Minsan nakita ko si Papa hindi na nakahiga sa kama katabi si Mama. Alam ko pong may mali pero kapag kaharap po ninyo ako, hindi ninyo ipinakita sa akin na hindi kayo okay,” sagot ni James.
Napagtanto nina Almira at Ramil na matalino ngang talaga ang kanilang anak.
Niyakap nila ang bata.
“Anak, gusto ko lang malaman mo na kahit anong mangyari sa relasyon namin ng Papa mo, tatandaan mo na mahal na mahal ka namin. Gagawin namin ang lahat para sa iyo, anak,” naluluhang sabi ni Almira.
Hindi pa alam sa ngayon nina Almira at Ramil kung maaayos pa ba nilang mag-asawa ang kanilang relasyon, subalit ang mas mahalaga ngayon ay maayos ang kanilang relasyong tatlo.

Kung Susumahin ay Anim na Oras ang Ginugugol ng mga Bata sa Baryong Ito Upang Makapasok sa Paaralan at Makauwi sa Kanilang Bahay; Ganito na nga Lang ba ang Kanilang Kalagayan Habambuhay?
