Inday TrendingInday Trending
Kung Susumahin ay Anim na Oras ang Ginugugol ng mga Bata sa Baryong Ito Upang Makapasok sa Paaralan at Makauwi sa Kanilang Bahay; Ganito na nga Lang ba ang Kanilang Kalagayan Habambuhay?

Kung Susumahin ay Anim na Oras ang Ginugugol ng mga Bata sa Baryong Ito Upang Makapasok sa Paaralan at Makauwi sa Kanilang Bahay; Ganito na nga Lang ba ang Kanilang Kalagayan Habambuhay?

Alas-singko pa lamang ng umaga ay gising na ang magkapatid na Kulas at Bebang. Hindi na sila kumain ng agahan; mabilis na hilamos lamang sa mukha ang gumising ka sa kanilang diwa. Pagkaginaw-ginaw sa kanilang baryo. Kumakaligkig si Bebang ngunit wala siyang magawa nang utusan na siya ng kuyang si Kulas na magbihis na ng kanilang uniporme.

Gaya ng nakagawian, hindi pa man ngumingiti ang Haring Araw sa silangan ay nagsimula nang maglakad ang magkapatid. Hinayaan nilang mabasa ng mga hamog na nasa damuhan ang kanilang mga butas-butas na damit. Maingat ang kanilang paglalakad dahil baka bumuka ang kanilang sapatos. Maputik ang kanilang dinaraanan subalit sanay na sila.

Dalawang oras pa silang maglalakad patungo sa ilog kung saan sasakay sila ng isang malaking balsa upang makatawid sa kabilang bayan. Naroon kasi ang pampublikong paaralan kung saan sila pumapasok.

Upang hindi mainip ay nagbabalik-aral na lamang ang magkapatid sa kanilang mga leksyon upang makasagot sa guro kung sakaling matawag sila.

Kahit na dalawang taon ang tanda ni Kulas kay Bebang ay magkaklase sila sa ikaapat na baitang. Nahinto kasi si Kulas dahil nagkasakit ang kanilang tatay. Kinailangan niyang tulungan ang kanilang nanay sa mga gawain sa bukid.

“Oh Bebang, ano-ano nga ulit ang tatlong aspekto ng pandiwa?” tanong ni Kulas habang naglalakad sila.

“Nakaraan, Kasalukuyan, at Hinaharap,” sagot ni Bebang na halatang inaantok-antok pa.

“Hindi na ‘yan ang tawag. Ano ‘yung tinuro sa atin ni G. de Leon na bagong tawag?”

“Kuya, hindi ko matandaan eh. Mahirap bigkasin. Ano nga ba?”

“Perpektibo, Imperpektibo, at Kontemplatibo. Paano kung magbibigay ng maikling pagsusulit ang guro mamaya? Ikaw talaga,” sermon ni Kulas kay Bebang.

“Eh hindi ako masyado nakatulog kagabi. Masakit ang ngipin ko,” katwiran ni Bebang.

“Magsipilyo ka kasi bago ka matulog! Teka muna, ang perpektibo ay nakaraang kilos na, ang imprepektibo ay kasalukuyan o nagaganap pa lamang, at ang kontemplatibo naman, hinaharap o magaganap pa lamang,” pagpapaalala ni Kulas sa kaniyang kapatid.

“Oo na, kuya, tatandaan ko na.”

“Bigyan mo nga ako ng pangungusap na nasa aspetong perpektibo?”

“Kami ay nagpunta sa ilog upang sumakay sa balsa patungong paaralan,” sagot ni Bebang.

“Magaling. Eh pangungusap na may pandiwang imperpektibo?”

Saglit na nag-isip si Bebang.

“Tayo ay naglalakad ngayon patungo sa ilog kung saan naroon ang balsa.”

“Magaling! Eh kontemplatibo?”

Saglit na nag-isip ulit si Bebang.

“Tayo ay magbabasa ng ating mga leksyon at mag-aaral mabuti para maging mayaman sa ating paglaki!”

“Naku, maganda ‘yang pangungusap mo na ‘yan, Bebang. Sana magkatotoo.”

Hindi nila namalayan na nakarating na sila sa ilog. Saktong naroon na rin ang iba pang mga batang sasakay sa balsa upang makatawid sa kabilang bayan. Isang oras ang gugugulin nila. Si Mang Oscar, na siyang bangkero nito, ay sinisingil lamang ang mga bata ng limang piso bawat isa sa kanila.

Ngunit kakaiba ang umagang ito dahil may kasama silang isang lalaking may malaking bag sa likuran at may hawak na malaking camera.

Pagpapakilala nito, isa itong vlogger at nais nitong maitampok ang kanilang araw-araw na ginagawa. Hindi naman nila alam kung ano ang ibig sabihin ng vlogger. Basta ang alam nila, dayo ito.

Habang binabaybay ng balsa ang ilog, tanong nang tanong ang lalaking may dalang camera. Kahit sino raw ay puwedeng sumagot. Walo silang lahat kasama na ang dayong lalaki. Wala rin itong tigil sa pagsasalita sa harap ng kaniyang camera. Makalipas ang isang oras ay payapa naman silang nakarating sa kabilang bayan. Gugugol ulit sila ng tatlumpung minutong lakaran upang makarating sa paaralan. Kasama pa rin nila ang dayong may hawak na camera.

“Maraming salamat mga bata. Huwag kayong mag-aalala, malapit nang matapos ang paghihirap ninyo,” saad nito.

Makalipas ang tatlong araw, nagulat sina Kulas at Bebang na maraming nagsadyang taga munisipyo sa kanila. Muli nilang nakita ang lalaking dayo at may iniaabot na pera sa kanila, at sa iba pang mga mag-aaral na kasa-kasama nila sa pagsakay ng balsa.

“Nabagbag ang damdamin ng mga subscribers ko sa inyo. Viral na kayo sa social media. Dahil sa pagtatampok ko sa inyo, gagawa na nang paraan ang lokal na pamahalaan ninyo para hindi na kayo mahirapan sa pagpasok sa paaralan,” paliwanag ng lalaking dayo.

Sa magkatulong na puwersa ng lokal na pamahalaan, paaralan, at mga taong may mabubuting kalooban ay nakapagbigay sila ng mga school service upang maihatid-sundo ang mga batang kagaya nina Kulas at Bebang patungo sa paaralan.

Isang oras na lamang ang naging biyahe nila patungo sa paaralan. Tuwang-tuwa ang mga bata at maging mga magulang nila sa nangyaring ito.

Kaya naman naniniwala sina Kulas at Bebang na makakatapos na sila ng pag-aaral, kahit na mahirap lamang ang kanilang buhay. Sabi nga ni Bebang, “Tayo ay magbabasa ng ating mga leksyon at mag-aaral mabuti para maging mayaman sa ating paglaki!”

Advertisement