Inday TrendingInday Trending
Galit na Galit ang Ginang na Ito sa Aso ng Kanilang Bahay; Hindi Siya Makapaniwalang Mababago Ito Dahil sa Isang Insidente

Galit na Galit ang Ginang na Ito sa Aso ng Kanilang Bahay; Hindi Siya Makapaniwalang Mababago Ito Dahil sa Isang Insidente

Nagpupuyos na naman ang damdamin ni Aling Nessa sa kahol ng aso ng kanilang kapitbahay.

“Kapag ako nainis, hahagisan ko na talaga ng lason ang asong ‘yan para matahimik na rito sa ating lugar! Naririndi na ako sa ingay!”

Narinig ng kaniyang anak na si Marife ang pahayag ng kaniyang ina.

“Mama naman eh, ‘yan ka na naman. Relax lang. Aso lang ‘yan, huwag kang ma-high blood.”

“Ah basta… alam mo namang ayoko sa aso dahil nga may trauma na ako riyan,” at saka napatingin si Aling Nessa sa kaniyang binti. Naroon pa ang marka ng sakmal ng aso sa kaniya noong maliit pa siya.

Natatandaan niya, noong paslit pa lamang siya, mahilig na siya sa mga tuta at aso. Kaya lamang, hindi niya malilimutan ang isang karanasan. Sinakmal siya ng isang aso habang siya ay naglalakad papasok sa eskuwela. Katakot-takot na tahi ang inilapat sa kaniyang nawakwak na binti, gayundin ang injeksyon upang hindi siya magka-rabies.

Simula noon ay kinasusuklaman na niya ang anumang uri ng aso. Ni tahol ay ayaw niyang marinig sa kanila.

Ngunit para namang nananadya na biglang nag-alaga ng aso ang kanilang kapitbahay, na ilang beses na rin niyang inirereklamo.

Kesyo maingay ang tahol.

Kesyo mabaho ang dumi.

Kesyo umiihi sa kanilang bakuran.

Subalit wala naman siyang magagawa. Karapatan ng isang tao na mag-alaga ng aso o iba pang hayop, maliban na lamang kung ito ay makapagpapahamak ng kapwa.

Kaya naman, nang makawala ang naturang aso na si Chuchay ay galit na galit si Aling Nessa nang sirain nito ang mga tanim niyang mga ornamental na halaman sa kaniyang bakuran. Ang ilang mga paso niya ay nagkabasag-basag. Nagkalat ang mga lupa.

“Diyaskeng aso na ito! Bakit kasi pinapakawalan ng may-ari?” tungayaw ni Aling Nessa.

Agad namang sumaklolo ang may-ari nito na kanilang kapitbahay na si Aling Wilma.

“Pasensya na ho, Aling Nessa at nakawala ang alaga naming si Chuchay. Naku, sinira pala ang mga halaman ninyo.”

“Oo, sinira ng alaga mong ‘yan. Nagtataka ako sa aso mong ‘yan at laging punta nang punta rito sa bakuran ko, at perwisyo pa ang dala! Pakitali mo nga ‘yan at nang hindi nakakapagdulot ng perwisyo rito sa bahay ko!” inis na sabi ni Aling Nessa.

“Pasensya na po Aling Nessa, pero huwag naman po sana kayong magsalita nang ganyan laban sa aso ko. Kung sa tingin ninyo ay karaniwang alaga lamang sila, para sa akin po ay katumbas sila ng isang kapamilya. Huwag po kayong mag-alala, babayaran ko na lang po ang anumang mga nasira ni Chuchay namin,” hiyang-hiyang pangako ni Aling Wilma.

Binayaran nga ni Aling Wilma ang mga paso at halaman na nasira ni Chuchay. Ngitngit na ngitngit naman si Aling Nessa sa naturang aso.

Isang gabi, nagising sa galit na galit na tahol ni Chuchay si Aling Nessa. Mahimbing na sana ang kaniyang pagkakatulog at naghihilik na.

“Buwisit talaga! Istorbo sa pagtulog!” anas ni Aling Nessa. Kinuha niya ang isa sa mga unan niya at itinakip sa kaniyang mukha.

Subalit lalong lumalakas ang tahol ng aso na para bang galit na galit. Nagpasya si Aling Nessa na silipin kung ano ba ang tinatahulan ng naturang aso.

Nanlaki ang mga mata niyang makita ang dalawang lalaking tila tinutungkab ang kanilang pinto; sa tantiya niya ay mga akyat-bahay ang mga ito.

Nabulabog ang dalawang akyat-bahay at nagpulasan palabas ng bakuran. Hindi niya nakita ang mga mukha nito dahil mabilis kumilos at medyo madilim.

Kaya naman kinabukasan, nagluto si Aling Nessa ng kaniyang paboritong lutuin na puchero. Tiniyak niyang masarap na masarap ito. Pagkatapos, nagluto rin siya ng adobong atay ng baboy. Nang maluto na ay inilagay niya ang mga ito sa isang tupperware.

Gulat na gulat si Aling Wilma nang mabungaran si Aling Nessa sa tapat ng kaniyang bahay. Ito pala ang kumakatok.

“A-Aling Nessa, ano ho ang atin?” untag ni Aling Wilma.

At isinalaysay na nga ni Aling Nessa ang nangyaring insidente sa nagdaang gabi.

“Naku mabuti na lamang ho at walang nangyaring masama sa inyo. Grabe na talaga ang mga tao ngayon, wala nang takot gumawa ng hindi maganda,” nasabi na lamang ni Aling Wilma.

“Kaya nga labis akong nagpapasalamat kay Chuchay kasi kung hindi siya tumahol, hindi ako magigising, at malamang ay napasok na ang bahay namin at nalimas na ang mga gamit namin. Kaya bilang pasasalamat, narito ang puchero para sa iyo at adobong atay naman para kay Chuchay. Alam kong gustong-gusto ng mga aso ang atay,” nahihiyang sabi ni Aling Nessa.

Nilapitan ni Aling Nessa kay Chuchay. Hinawakan niya ang magkabilang psingi nito. Para namang nakikilala siya ng aso. Parang ngumiti pa ito sa kaniya.

Simula noon ay unti-unti nang nawala ang pagkainis ni Aling Nessa kay Chuchay at sa iba pang mga aso na wala namang ginagawang masama sa kaniya.

Advertisement