
Halos 20 taon ang Agwat ng Edad ng Babaeng Hiwalay sa Asawang Ito sa Lalaking Nagkakainteres sa Kaniya; Maging Sila Kaya?
“Hi gorgeous, puwede bang makipagkilala sa ‘yo?”
Napatingin na lamang si Esmie sa lalaking estranghero na nagpakilala sa kaniya. Sinuyod niya ito ng tingin mula ulo hanggang paa. Tantiya niya ay bata pa ito, mga nasa pagitan ng 25 hanggang 29 taong gulang.
Parang tiyahin na siya nito.
O parang nanay kaya?
O baka naman lola. Aw!
“Sorry, I’m not into younger men,” dedmang sagot ni Esmie. Kasama niya sa isang club ang mga amigang naghahanap ng mga lalaking magpapaligaya sa kanila.
“Tamang-tama. I’m into older women kasi.”
Napatingin siya sa lalaki. Walang hiyang ito. Halata na ba sa kaniya na 50 taong gulang na siya?
“Sira ka ah. Mukha na ba akong lola?”
“Hindi ha. Pero kung totoo ‘yan, ang ganda mo namang lola.”
Bagay na totoo naman. Maraming nagsasabing mukha siyang bata sa kaniyang edad. Para lamang siyang nasa pagitan ng 35 hanggang 40 taong gulang. Palibhasa, may lahi kasi silang Latina.
Subalit wala na siyang interes na makipagkilala sa ibang mga lalaki. Sarado-kandado na ang puso niya. Nadala na siya sa panloloko at pananakit ng kaniyang dating mister na si Armando. Mabuti na lamang at mabilis na naisagawa ang kanilang annulment.
Kaya pangako niya sa kaniyang sarili, hinding-hindi na siya magmamahal muli.
“Hindi ako komportableng nakikipag-usap sa mga lalaking mas bata sa akin, maliban na lamang kung anak kita. Parang magkaedad nga lang yata kayo ng bunso ko.”
“Huwag mo akong tingnan sa edad ko. Grabe ka naman.”
Nagpaalam na si Esmie sa lalaking estranghero. Wala talaga siyang kainte-interes. Nagpaalam na rin siya sa kaniyang mga amiga na tila naka-jackpot na rin.
Ayaw naman niyang matawag bilang isang matrona.
Sumama lamang talaga siya sa kanila para magliwaliw. Siya na lamang kasi mag-isa sa bahay. Ang kaniyang mga anak, hindi na masyadong nakakadalaw sa kaniya dahil may sari-sarili na ring pamilya. Bagot na bagot na siya sa buhay niya.
Nang nasa labas na siya ng club, agad niyang kinuha ang kaniyang cellphone at naghanap ng taxi. Mabilis naman siyang nakakuha at mukhang malapit na malapit lamang ang lokasyon ng driver.
Wala pang 5 minuto ay nasa harapan na niya ang itim na kotse. Napatda siya nang makita kung sino ang driver.
“I-Ikaw?” gulat na bulalas ni Esmie. Ang lalaking estranghero na nagpakilala sa kaniya.
“Uy… ikaw pala ‘yan. Sakay na po kayo, Ma’am,” nakangiting sabi nito.
Tila gusto nang ikansela ni Esmie ang kaniyang nabook na sasakyan, subalit naisip niya, baka mahirapan pa siya mamaya. Sayang din kasi. Sumakay na siya sa loob nito.
“Akalain mo oh… talagang pinag-sadya talaga ng tadhana na magkatagpo ulit tayo,” natatawang sabi ng driver.
“Oo nga eh. Hindi ko rin mawari. Ito pala ang trabaho mo?” untag ni Esmie.
“Sideline ko lang. Sayang kasi kapag lumalabas ako, eh di habang nasa labas ako, gamitin ko na lang sa ganito para dagdag-kita rin. Mechanical Engineer pala ako mula Lunes hanggang Biyernes. Kapag ganitong Sabado at Linggo at naghahappy-happy ako, sumasideline na book driver,” paliwanag nito.
“In fairness masipag,” nasa loob ni Esmie.
“Tristan nga po pala, Ma’am. Saka 32 na po ako,” pagpapakilala nito.
Natawa naman si Esmie nang marinig ang pangalan nito.
“Bakit po kayo natawa, Ma’am? Pangit po ba pangalan ko?”
“Hindi, kasi… magkapangalan kayo ng anak kong bunso! Siya naman Tristan James.”
“Ahhh medyo diyahe nga po no?” napakamot na lamang sa kaniyang ulo si Tristan.
At iyon ang pagsisimula ng kanilang pag-uusap.
Dahil nakuha na ni Tristan ang numero ng cellphone ni Esmie, araw-araw na silang magkausap. Tuwing gabi naman ay tinatawagan ni Tristan si Esmie.
Hanggang sa ibinigay na ni Esmie ang kaniyang social media account kay Tristan. Gabi-gabi na sila nagvi-video chat.
“Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ng mga anak ko kapag ipinakilala kita,” nangangambang sabi ni Esmie kay Tristan, nang magkasundo silang maging sila na. Nahulog na kasi ang kanilang mga damdamin para sa isa’t isa.
“Haharap ako sa kanila. Ipaglalaban kita, Esmie.”
At isang araw nga, nagkarap-harap na sina Esmie at Tristan at ang kaniyang mga anak. Nagulat si Esmie sa sinabi ng kaniyang panganay na anak.
“Ma, deserve mong maging masaya. Saka edad lang naman ‘yan. Mahalaga, nagmamahalan kayo at may paggalang kayo sa isa’t isa.”
Dahil sa traumang naranasan niya sa kaniyang dating mister, pumayag si Tristan na magsama muna sila sa iisang bubong upang.
Makalipas ang dalawang taon, naramdaman ni Esmie na handa na siyang magpakasal ulit. Sa pagsasama nila ni Tristan, nakita niya kung gaano ito kabuti at karesponsableng tao. Kaya naman nang alukin siya nito ng kasal, hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa.
Sinong magsasabing hindi magtatagumpay ang ‘May-December’ affair? Patunay riyan sina Esmie at Tristan. Wala sa edad ang pagmamahal. Nasa maturidad ng dalawang tao, pagmamahal, at paggalang sa isa’t isa.