Ambisyosa raw ang Dalagang Ito dahil sa Pangarap na Maging Flight Attendant, Patuloy kaya Siyang Madapa o Magtatagumpay?

“Ang taas kasi masyado nang tingin mo sa sarili mo, Mojica! Hindi ka naman katangkaran at katalinuhan pero sumubok ka pa ring mag-apply bilang isang flight attendant! Tapos ngayong hindi ka natanggap, buong linggo kang iiyak d’yan sa kwarto mo!” sigaw ni Tintin sa kaniyang bunsong kapatid, isang umaga nang malaman niyang siya na naman ang kikilos sa kanilang bahay. 

“Pwede ba, ate? Huwag mo muna akong sermunan ngayon? Masyado na nga akong nanliliit sa sarili ko, ibaba mo pa ako lalo,” malamig na sagot ni Mojica saka agad na sinubsob ang mukha sa kaniyang unan.

“Bakit ba kasi hindi mo matanggap na hindi naman pang flight attendant ang istura’t utak mo, ha? Ako tuloy ang nahihirapan ngayon sa mga gawaing bahay! Panay inarte ka riyan, eh, kasalanan mo naman ‘yan dahil ambisyosa ka!” bulyaw pa nito sa kaniya na labis na tumagos sa puso niya.

“Ate, naman!” sigaw niya rito saka tuluyan nang naiyak.

“Tatahimik lang ako kung kikilos ka riyan! Ang daming maruming damit ang nag-aabang sa’yo! Kumilos ka na riyan!” utos pa nito sa kaniya dahilan para siya’y mapilitang tumayo at kumilos upang huwag na lang siyang pagsabihan ng kapatid.

Simula pagkabata, wala nang ibang pinangarap ang dalagang si Mojica kung hindi ang maging isang flight attendant. Una niyang nalaman ang trabahong ito nang minsang ipakita ng ama niyang nag-aabroad noon ang kinuhanang bidyo nito ng isang flight attendant habang nasa eroplano at simula no’n, hindi na muli pang natanggal pa sa isip niya ang propesyong iyon.

Ito ang dahilan para labis siyang magsumikap sa pag-aaral. Mahirap man ito para sa kaniya dahil nga hindi naman siya katalinuhan, sipag at tiyaga ang pinangpuhunan niya upang tuluyang makapagtapos.

Nang siya’y makapagtapos na, wala na siyang sinayang na oras. Alam niyang kailangan na niyang magtrabaho dahil sa pangangailangan ng kaniyang mga magulang na parehong may sakit. Kaya naman siya’y agad nang nag-apply sa iba’t ibang kompanya pero ni isa sa mga ito, walang tumanggap sa kaniya na talaga nga namang nakapagpawala ng gana niya sa buhay. 

Advertisement

Lalo pa siyang nakaramdam ng kawalan ng pag-asa sa mga sinasabi ng mga tao sa paligid niya, lalo na ng nakakatanda niyang kapatid na panay ang pagsasabing siya ay ambisyosa.

Nang araw na ‘yon, agad na niyang sinimulan ang paglalaba upang matigil na ang bunganga ng kapatid niya. Kahit na patuloy sa pagbagsak ang luha niya, hindi pa rin siya tumigil sa kakakusot ng kanilang mga damit.

Mayamaya, dahan-dahang lumapit sa kaniya ang nanay niya, niyakap siya nito mula sa likuran at sinabing, “Huwag mo masyadong parusahan ang sarili mo, anak. Hindi naman porque hindi ka natanggap sa unang pagkakataon, katapusan na ng pangarap mo. Mag-apply ka ulit, at ihanda mo ang sarili mo maigi,” na lalong nakapagpaiyak sa kaniya dahilan para mariing niya itong yakapin.

Ginawa niya nga ang sinabi ng kaniyang ina. Habang naghihintay sa muling pagtanggap ng mga flight attendant ng iba’t ibang airlines, sinubsob niya ang sarili sa pagsasalita ng ingles, pag-aayos ng sarili, at lalo’t higit, dinagdagan niya ang kumpiyansa niya sa sarili.

Muli man siyang sabihan ng kapatid na siya’y nagiging ambisyosa na naman, takip tainga niya itong pinakikinggan. Hanggang sa dumating na nga ang araw na siya’y muling naimbitahan ng isang kilalang airlines sa Pilipinas para sa isang interbyu.

Taimtim siyang nanalangin bago umalis ng kanilang bahay. Sabi niya, “Panginoon, higit akong magtitiwala sa’yo kaysa sa sarili ko. Ikaw na pong bahala sa akin. Madapa man ako muli, pangakong tatanggapin ko ‘to nang bulong.” 

Pagdating niya sa naturang airlines, agad na siyang nagpakitang gilas. Pinamalas niya ang galing niyang magsalita at mag-isip, at ang maganda niyang ngiti dahilan para kahit na hindi siya katangkaran, siya’y matanggap pa rin.

“Sigurado po ba kayo?” paninigurado niya sa mga nag-interbyu sa kaniya, tumango-tango ang mga ito na agad niyang ikinaiyak.

Advertisement

Nagmadali siyang umuwi sa kanilang bahay pagkatapos no’n upang ibalita sa kaniyang mga magulang ang tagumpay na nakamit.

“Ma, ‘pa, may flight attendant na po kayo!” sigaw niya nang tuluyan siyang makauwi sa kanilang bahay na labis na ikinatuwa ng mga ito.

Mangiyakngiyak siyang sabay na niyakap ng dalawa habang panay ang sabi, “Proud kami sa’yo, anak!”

Nakita niyang nakatanaw mula sa kusina ang nakatatanda niyang kapatid dahilan para yayain niya itong sumama sa yakapan nila.

“May pinatunguhan na ang pagiging ambisyosa ko, ate!” iyak niya rito dahilan para ito’y humingi ng tawad sa kaniya.

Iyon ang naging simula nang pagsabak niya sa pinangarap na propesyon. Anumang hirap ang naransan niya sa pagsasanay at mismong trabaho, hindi niya ito inalintana dahil alam niyang minsan niya itong ipinalangin sa Maykapal. 

“Salamat, hindi Mo ako hinayaang sumuko sa pangarap ko!” sigaw niya sa langit, isang araw bago ang flight niya patungong ibang bansa.