
Nang Makalaya ang Binatang Ito, Siya’y Agad na Naghiganti sa Lalaking Nagpakulong sa Kaniya; Masolusyunan nga Kaya Nito ang Bigat sa Dibdib Niya?
“Kuya, isang linggo na lang, makakalaya ka na. Magpakabait ka na rito, ha? Para hindi na magdagdagan ang araw na mamamalagi ka rito sa kulungan. Paglabas mo naman, huwag ka nang gumawa ng kalokohan, para naman masulit mo ang malayang buhay na mayroon ka,” payo ni Aireen sa kaniyang kapatid, isang hapon nang dalhan niya ito ng makakain at damit sa kulungan.
“Nahihibang ka na ba? Anong silbi ng paglaya ko kung hindi ako makakaganti sa nagpakulong sa akin kahit sila naman ang may kasalanan sa atin, ha?” galit na sagot ni Eugene habang kinakain ang dalang pagkain ng kapatid.
“Maghunos dili ka, kuya, hindi ka pa man nakakalaya, gan’yan ka na. Baka mamaya, paglaya mo, bumalik ka lang ulit dito dahil sa binabalak mong ‘yan,” sabi pa nito na ikinapintig ng tainga niya.
“Huwag mo akong pakialamanan sa buhay ko, Aireen,” malamig niyang tugon dito.
“Para kay tatay lahat ng ‘to, kuya! Hindi para sa’yo! Alam kong nalulungkot ang tatay sa langit dahil sa ginawa nila sa’yo kaya ayokong muli kang babalik dito sa kulungan dahil lang sa paghihiganti mo sa kanila!” mangiyakngiyak nitong sagot na lalo niyang ikinagalit.
“Manahimik ka! Umalis ka na!” bulyaw niya rito dahilan para tuluyan na itong umalis habang umiiyak.
Nakulong sa bilangguan ng halos limang taon ang binatang si Eugene dahil sa isang kasalanang wala naman siyang kinalaman. Sa katunayan, ang pamilya niya pa ang naagrabyado noong panahong iyon dahil nabaril ang kaniyang ama at agad na sumakabilang buhay.
Ngunit dahil mahirap lang sila at mayaman ang pamilyang kanilang nakabangga, siya tuloy ay nauwi sa kulungan nang minsan niyang pagbuhatan ng kamay ang taong naging dahilan ng pagkawala ng kaniyang ama.
Isang payapang araw noon para sa kanilang mag-ama. Nagtatawanan pa nga sila habang naghahanap ng mabebentang kalakal sa basurahan nang biglang may bumanggang kotse sa kaniya na agad na kinabahala ng kaniyang ama.
Ngunit imbis na siya’y tulungan ng lasing na drayber, pinagmumumura at binaril pa nito ang ama niyang nahihingi lang ng tulong upang siya’y madala sa ospital.
Ang labis niya pang ikinagalit no’n, binaliktad ng drayber ang nangyari. Siya raw ang lasing at inagaw niya ang baril sa drayber upang mabaril ang kaniyang ama na talagang nagpasama maigi sa loob niya.
Kaya naman, ngayong nalalapit na ang kaniyang paglaya, masusi na niyang pinagpaplanuhan ang hakbang na kaniyang gagawin upang makuha ang hustisya nang pagkawala ng kaniyang ama. Pilit man siyang hinahadlangan ng bunsong kapatid, desidido na siya sa naiisip niyang paghihiganti.
Hanggang sa dumating na nga ang araw ng kaniyang paglaya. Katulad ng plano niya, siya nga ay nagpunta sa bahay ng lalaking nakabaril sa kaniyang ama. Gusto niya itong turuan ng leksyon. Sabi niya pa, “Kahit makaisang s*ntok lang ako o s*ksak, matatahimik na ako.”
Matiyaga niyang hinintay na lumabas ito ng bahay at saktong alas siyete ng gabi, nakita niyang sumakay ito ng sasakyan at agad na nagmaneho palapit sa kinatatayuan niya. Dali-dali siyang naghanap ng matulis na bagay hanggang sa makakita siya ng isang basag na bote ng alak.
Bago pa man ito makadaan sa kinatatayuan niya, agad na siyang gumitna sa kalsada dahilan para mapatigil ito at siya’y agad na babain.
“Anong problema mo?” sigaw nito at nang siya’y makilala, nagmadali itong bumalik sa loob ng sasakyan.
Ngunit bago pa nito maisara ang sasakyan, nas*ksak na niya ito gamit ang bubog na napulot niya at dahil nga galit na galit siya sa lalaking ito, hindi na niya napigilan ang sarili niya at tuluyan nang tinapos ang buhay nito.
Tatakas pa lang sana siya sa ginawang kasalanan, may bigla namang dumaang mga pulis dahilan para siya’y agad na madakip.
Panay man ang pagtanggi niya, agad na napatunayan ang pagkakasala niya nang mapanuod ang bidyo ng CCTV ng kapitbahay nito.
Katulad ng pinag-aalala ng kaniyang kapatid, siya nga ay muling bumalik sa pagkakakulong.
“Kuya, ano ba talagang nasa isip mo, ha? Wala pang bente kwatro oras na nakalaya ka, bumalik ka na naman dito! Kailan ka ba matuto?” sermon nito sa kaniya.
“Gusto ko lang ipaghiganti ang tatay,” nakatungo niyang sagot habang hinihinamas-himas ang rehas.
“Hindi solusyon ‘yon, kuya! Mali ang pamamaraan mo, mas lalong magagalit ang tatay!” sigaw nito sa kaniya saka malakas na humagulgol sa harapan niya dahilan para siya’y labis na makaramdam ng pangongonsenya,
“Para ka na ring tumulad sa taong iyon na tumapos sa buhay ni tatay,” dagdag pa nito na talaga nga namang bumiyak sa puso niya.
Nagsisisi man siya sa kaniyang ginawa, tila huli na ang lahat dahil siya’y muling makukulong ng ilan pang mga taon.
“Pangako, tatay, pagkalaya ko ulit, magbabagong buhay na ako,” sabi niya sa hangin.
Habang nasa loob ng kulungan, wala siyang ibang ginawa kung hindi ang pagsisihan ang kaniyang kasalanan at manalangin. Wala na siyang ibang masandalan kung hindi ang Panginoon dahil pati kapatid niya, tumigil na sa pagdalaw sa kaniya.
At dahil nga lumalim ang relasyon niya sa Diyos, ang dating puno ng galit na binata, naging isa na ngayong bintanang may mataas na pangarap sa buhay.
Kaya naman, nang siya’y muling lumaya pagkalipas ng ilan pang mga taon, siya nga ay nagbagong buhay. Siya’y agad na naghanap ng trabaho, at bumawi sa kapatid niyang ngayo’y tuwang-tuwa sa malaking pagbabagong kaniyang pinapakita.
“Salamat po, binago niyo ko. Ngayon ko napatunayang hindi pa huli ang lahat para sa mga makakasalanang katulad ko,” mangiyakngiyak niyang sabi, isang araw nang siya’y matanggap sa isang kumpanya.