
Sabik na Sabik ang Dalagang Ito na Mapasakamay Ang Kayamanan ng Yumaong Ama, Siya nga ba ang Tunay na Tagapagmana?
“Ang tagal naman ni Attorney! Sabi niya alas diyes daw ng umaga niya tayo kikitain, hindi ba? Mag-aalas onse na, wala pa rin siya! Hindi niya ba alam na lahat tayo ay may kaniya-kaniyang kailangang gawin?” inis na reklamo ni Linda habang panay ang sipat sa kaniyang relo.
“Manahimik ka nga riyan, Linda! Matuto kang maghintay! Alam mo namang marami ‘yong kliyente, eh!” sigaw sa kaniya ng nakatatanda niyang kapatid na ikinangisi niya.
“Hindi na kasi ako makapaghintay na marinig na sa pangalan ko ipinasa ng daddy ang mga ari-arian niya!” patawa-tawa niyang sabi habang iniisip na kaagad kung anong maaari niyang gawin sa manang kaniyang matatanggap.
“Paano ka naman nakakasiguro na sa’yo niya ibibigay ang lahat ng mana? Samantalang ni hindi mo nga siya nagawang alagaan kahit isang araw noon! Tiyak, sa akin niya ‘yon ipapangalan dahil ako ang naghirap sa kumpanya simula noong manghina siya!” bulyaw pa nito sa kaniya na labis niyang ikinagalit.
“Asa ka! Ako ang paborito niyang anak simula pa lang noong mga bata pa tayo!” sigaw niya rito at laking gulat niya nang mapansing nasa pinto na ang ginoong kanilang hinihintay, “Ay, magandang umaga po, attorney!” bati niya rito saka agad na itong inusisa tungkol sa pamana ng ama.
Ngayong yumao na ang ama ng dalagang si Linda, hindi na siya makapaghintay na mapasakamay niya ang lahat ng mga ari-arian nito. Sigurado siyang sa kaniya nito lahat ibibigay ang kayamanan nito dahil siya ang paborito nitong anak simula pa lang noong bata siya.
Kahit na ang panganay niyang kapatid ang umasikaso at nagpatuloy ng kumpanya nito simula nang magkasakit ang kanilang ama sa pag-iisip, hindi ito nagbigay kaba sa kaniya dahil alam niya kung gaano siya kamahal ng kanilang ama.
Hindi man niya naaalagaan ito noong mga huling buwan nito sa mundo, malaki pa rin ang kumpiyansa niya dahil siya ang naghanap ng dalagang nag-alaga rito na agad niya ring tinanggalan ng trabaho matapos mawala ang kaniyang ama.
Sabi niya pa nga, “Maaaring bigyan din ng daddy ang kapatid ko pero tiyak, mas malaki ang parte ko!”
Nang araw na ‘yon, matapos niyang batiin ang attorney ng kanilang ama, agad na niya itong pinapasok. Ngunit laking gulat niya nang pumasok din kasunod nito ang dalagang nag-alaga sa kanilang ama.
“O, anong ginagawa niyang babaeng ‘yan dito? Hindi ba’t tinanggal ko na ‘yan sa trabaho simula nang mawala ang daddy?” pagtataka niya.
“Gusto ko lang sabihin sa inyong magkapatid na sa pangalan niya ipinasa ng inyong ama ang lahat ng kayamanang naiwan,” pahayag ng ginoo saka iniabot sa kanilang magkapatid ang kopya ng sulat ng ama.
“Ano? Huwag mo kaming pinaglololoko, attorney, ha? May nawawala ba na tornilyo sa utak mo?” galit niyang tanong dito saka nilamukos at binato sa ginoo ang naturang papel. “Linda! Huwag kang bastos!” saway ng nakakatanda niyang kapatid na nakatungo lamang.
“Ako pa nga masama ngayon?” sigaw niya rito.
“Naiintindihan ko ang desisyon ni daddy dahil ang dalagang ‘yan ang tangi niyang naging sandalan noong mga panahong nanghihina siya. Ni hindi niya tayo nakitang dalawa sa mansyon dahil parehas tayong abala sa kung anu-anong bagay. Kaya kung mahal mo talaga ang daddy, respetuhin mo ang desisyon niya!” paliwanag nito dahilan para siya’y mapaupo sa isang silyang nasa likuran niya.
“Tama ang sinabi ng kapatid mo, Linda. Iyon ang dahilan ng inyong ama. Tinuring na niyang isang anak at kaibigan ang dalagang ito. Nakakasiguro naman daw siyang makakaraos kayo sa buhay dahil may sarili na kayong kayamanan noon pa man. Samantalang ang dalagang ‘to, sa lansangan na pupulutin kapag nawala siya,” katwiran pa ng ginoo habang tinapik-tapik ang dalagang gulong-gulo na sa nangyayari.
Habag na habag man siya sa mga narinig, unti-unti siyang nakaramdam ng pangongonsenya nang mapagtanto niyang hindi niya nga napakitaan ng pagmamahal ang ama sa mga huli nitong araw. Wala siyang ibang inisip noong may sakit ito kung hindi ang yamang makukuha niya.
Kaya naman, bilang pagbawi na lang sa ama, pinilit niyang tanggapin ang desisyon nito at pinakitunguhan nang maayos ang dalagang biglang gumanda ang buhay dahil sa kaniyang ama.
“Hanggang sa huli talaga, walang inisip ang daddy kung hindi ang kapakanan ng iba,” sabi niya sa kapatid habang pinagmamasdan ang dalagang masayang nag-aayos sa kanilang dating mansyon.
“Iyon ang pamana niya sa ating dalawa na hinding-hindi matutumbasan ng pera. Sana maisabuhay natin ang huling aral na bigay niya,” sagot nito na talagang ikinangiti niya. Siya’y labis na nangako rito na gagawin niya iyon hanggang sa huling hininga niya sa mundong ito.