Inday TrendingInday Trending
Nagmamadaling Magpabakuna ang Dalagang Ito Kahit Siya’y May Sakit, Mapigilan kaya Siya ng Kaniyang Ina?

Nagmamadaling Magpabakuna ang Dalagang Ito Kahit Siya’y May Sakit, Mapigilan kaya Siya ng Kaniyang Ina?

“O, ang aga mo yatang gumising ngayon, ha? May importante ka bang lakad? Bakit hindi ka nagsasabi sa akin? Edi sana, napaghanda kita ng almusal mo,” sambit ni Aling Remi sa kaniyang anak, isang umaga nang makita niya itong nagkakape na sa kanilang kusina.

“Ah, eh, d’yan lang po sa health center natin, mama,” kabadong sagot ni Hannah saka agad na tinungga ang tinimpla niyang kape. “Teka, huwag mong sabihing magpapabakuna ka na ngayon?” pang-uusisa pa nito.

“O-opo, mama, nakita ko po kasing nasa listahan na ‘yong pangalan ko, eh. Sayang naman po kung hindi ko pupuntahan. Matagal na po akong naghihintay ng bakuna, ‘di ba? Para makapag-apply na rin po ako ng trabaho,” paliwanag niya rito na labis na ikinagalit nito.

“Anak, naman! Kagabi ka lang may lagnat, tapos magpapabakuna ka na agad? Tumigil ka nga riyan! Huwag kang maging atat sa pagpapabakuna, hindi biro ‘yon! Bumalik ka sa kwarto mo!” sigaw nito sa kaniya saka siya sapilitang pinapasok sa kaniyang silid.

“Mama, matanda na ako! Kaya na ng katawan ko ‘yon! Wala na naman akong nararamdamang sakit, eh!” pagpupumilit niya habang siya’y tinutulak ng ina papasok sa kaniyang silid.

“Tumahik ka riyan! Magpahinga ka!” bulyaw pa nito saka agad na sinara ang pintuan nang siya’y makapasok na.

Hindi na makapaghintay ang dalagang si Hannah na siya’y maturukan na ng bakuna kontra sa kumakalat na sakit ngayon. Bukod kasi sa nais niyang maging protektado mula sa sakit bago siya maghanap ng trabaho sa Maynila, inggit na inggit na rin siya sa kaniyang mga kaibigan na nakapagpabakuna na dahilan para ganoon na lang siya nagmadaling magpalista sa mga babakunahan sa kanilang lugar.

Sa katunayan, isang linggo na siyang may trangkaso at hirap na hirap makatayo dahil sa bigat ng katawan niya dahilan para ganoon na lang siya labis na alagaan ng kaniyang ina.

Ngunit nang araw na ‘yon, kung kailan nakaramdam siya ng kaginhawaan sa katawan at saktong lumabas ang pangalan niya sa listahan ng mga babakuhanan, hindi siya nagdalawang-isip na ituloy ang kaniyang pagbabakuna.

Maaga siyang nagising upang hindi na siya mapagbawalan ng kaniyang ina kaya lang, siya’y labis na nainis nang maaga rin itong magising at maabutan siya nito. Katulad ng iniisip niya, siya nga ay pinigilan nitong magpabakuna na labis niyang ikinainis.

Matapos siyang ikulong nito sa kaniyang silid, wala na siyang nagawa kung hindi ang magdabog doon dahil sa sobrang inis at dahil nga gustong-gusto niya na magpabakuna, naisipan niyang maghanap ng patunay mula sa internet na pupwedeng magpabakuna ang katulad niyang mula sa sakit.

Sa paghahanap niya ng patunay, siya ang nabigla sa kaniyang mga nabasa. Marami pa siyang nakitang larawan ng mga taong sumakabilang buhay dahil sa pagpapabakuna nang may sakit na nararamdaman.

“Kaso wala naman akong sakit ngayon, eh,” pagpupumilit niya pa saka siya nagpasiyang tingnan ang temperatura ng kaniyang katawanan at napapikit na lang siya nang makitang bumalik na naman ang lagnat niya ngayon araw.

“Ano? May idadahilan ka pa ba sa akin ngayon? Gusto mo na ba talagang mawala sa mundong ‘to?” sabat ng kaniyang ina na kanina pa pala nanunuod sa kaniyang ginagawa mula sa kaniyang bintana.

“Hi-hindi po, mama. Hindi ko naman po alam na sobrang delikado ng bakuna sa mga taong may sakit katulad ko,” nakatungo niyang tugon dito.

“Kaya nga sa susunod, kahit saan mang bagay, huwag kang masyadong maging atat dahil ilalagay ka nang emosyon mong iyan sa kapahamakan,” pangaral nito na ikinatango-tano niya na lang, “Sige na, magpahinga ka riyan, ipaghahanda kita ng pagkain para makainom ka na ng gamot,” dagdag pa nito saka tuluyang sinara ang kaniyang bintana.

Pagkahiga niya, paulit-ulit na tumakbo sa isip niya ang pangaral ng ina. Sabi niya, “Kung nagpadala pala ako sa emosyon ko, baka ngayon na ang huling araw ko sa mundong ito. Mabuti na lang talaga nand’yan si mama para ituwid ang mga baluktot kong pasya sa buhay,” saka siya nagpasiyang puntahan ang ina sa kusina at ito’y yakapin nang mahigpit dahil sa labis na pagpapasalamat.

Ilang buwan ang lumipas, siya nga ay tuluyan na ring nabakuhanan katulad ng nais niya kasabay ang kaniyang ina. Hindi katulad dati, wala siyang kabang nararamdaman ngayon dahil alam niyang nasa kondisyon na ang kaniyang katawanan. Agad na rin siyang naghanap ng trabaho sa Maynila katulad ng plano niya at ganoon na lang siya kasaya dahil umaayon ang tadhana sa kaniya.

“Siguro kung nagpumulit pa ako noong araw na ‘yon, hindi ko makakamtan ang biyayang ito,” sabi niya nang matanggap niya ang una niyang sahod mula sa isang sikat na kumpanyang pinagtatrababuhan na niya ngayon.

Advertisement