
Inutusan ng Pamilya ang Babae na Idispatsa ang Dinadala Niyang Sanggol; Magugulat ang mga Ito sa Gagawin Niya
Si Krista ay isang entertainer sa Japan. Nakatakda na ang kanyang muling pag-alis pagkaraan ng ilang buwang pagbabakasyon sa Pilipinas. Nakahanda na at kumpleto na ang lahat ng papeles niya ngunit isang hindi inaasahang pangyayari ang dumating.
“Hindi ka maaaring umalis dahil buntis ka ng dalawang buwan. Pagdating mo sa Japan ay siguradong mabibisto ka, single pa naman ang inilagay mo sa kontratang pinirmahan mo sa pinagtatrabahuhan mong club doon,” wika ng nakatatanda niyang kapatid na si Elsie.
“Eh, anong gagawin ko, ate? Kailangan kong makaalis. Mag-aaral na sa susunod na pasukan ang bunso nating si Renz. Si nanay naman ay nagtu-tuloy ng gamot niya sa Diabetes. Hindi ako puwedeng hindi matuloy,” tugon niya.
“Wala kang ibang puwedeng gawin kundi ang ipal*glag ang nasa sinapupunan mo para walang hadlang sa pag-alis mo,” suhestyon ng kapatid.
Ikinabigla ni Krista ang gusto nitong mangyari.
“Ate, hindi ko kaya ‘yon. Hindi kakayanin ng konsensiya ko.”
“Kung itutuloy mo ang pagbubuntis, tiyak na itatakwil ka nina nanay at tatay,” sabi pa ng ate niya.
Sa kanyang pag-iisa ay hindi siya mapakali. Hindi siya dalawin ng antok nang sumapit na ang gabi. Tinatanong niya ang sarili.
“Ano bang gagawin ko?”
Kung hindi naman siya aalis ay uusigin siya ng kanyang pamilya. Malaki kasi ang naipapasok niyang pera sa kanilang tahanan mula nang magtrabaho siya sa Japan. Sunud na sunod ang luho ng mga ito kaya hindi makakapayag ang pamilya niya lalo na ang mga magulang kung hindi siya makakabalik sa trabaho niya bilang entertainer. Sayang nga naman ang lapad na buwan-buwan niyang ipinapadala ‘di ba?
Kinaumagahan ay naisipan niyang ipagtapat sa kanyang kasintahan na si Gio ang tungkol sa dinadala niya.
“Krista, wala pa akong trabaho. Hindi ko pa kayang mag-asawa’t bumuhay ng pamilya,” sabi ng lalaki.
“P-pero, a-anong gusto mong gawin ko? Anong plano mo sa akin at sa magiging anak natin?” tanong niya.
“Ipal*glag mo ang batang ‘yan, Krista. Hindi pa ako handang maging ama at asawa,” walang kagatul-gatol na sagot ni Gio sa kanya.
Sa narinig ay dali-dali niyang tinalikuran ang walang kuwentang lalaki.
“Isa kang duwag. Wala kang bay*g!” galit niyang sabi sabay alis sa harap ng kausap.
Sinubukan siya nitong pigilang umalis ngunit wala na siyang pakialam dito pagkatapos na harap-harapang sabihin sa kanya na gusto nitong mawala ang kanilang anak. Napaka-iresponsableng lalaki.
Tinatagan ni Krista ang sarili. Kung hindi siya kayang panagutan ng kasintahan ay kakausapin na lamang niya ang mga magulang, baka sakaling mahabag ang mga ito at maunawaan siya ngunit gaya ng ate niya at ni Gio ay iisa rin ang sinabi ng mga ito.
“Hinding-hindi namin matatanggap ang pagdadalantao mo, Krista. Lumayas ka rito kung hindi ka rin lang susunod sa gusto namin na bumalik ka sa Japan. Kapag itinuloy mo ‘yan ay huwag ka nang magpapakita pa rito,” galit na sabi ng nanay niyang si Aling Paula.
“Isa lang ang solusyon, ipal*glag mo ang dinadala mong ‘yan,” sabad ng tatay niyang si Mang Arnaldo.
Lumisan siya roon na masama ang loob. Hindi niya inasahan na sa bibig pa ng mga magulang niya maririnig ang katagang ‘ipalagl*g’.
“Puro pera ang nasa isip nila. Wala silang pakialam sa magiging apo nila,” bulong niya sa isip.
Makalipas ang limang taon
Napatingin si Krista sa suot na wristwatch, alas dos na ng hapon sa Pilipinas. Kakarating lang niya galing sa Japan. Dala-dala ang kanyang mga bagahe habang patingin-tingin sa paligid, baka kasi naroon na ang pamilya niya na sasalubong sa kanya. Napadaan siya sa bilihan ng mga pasalubong.
“Ano kaya ang puwedeng mabili para kina nanay?” sambit niya sa sarili habang nagiikot-ikot.
Napadako siya sa bilihan ng mga laruan at napansin niya ang isang laruang kotse-kotsehan na ibinebenta. Dinampot niya iyon at pinagmasdan, maya-maya ay ‘di niya napigilan na maluha habang hawak-hawak ang laruan. May naalala kasi siya.
“Limang taon…limang taon na,” aniya.
Paglabas niya sa bilihan ng mga pasalubong ay namataan na niya ang nanay, tatay at mga kapatid niya na kakarating lang.
“Krista, Krista, anak!” sigaw ni Aling Paula na patakbo siyang nilapitan.
“Na-miss ka namin, anak. Maligayang pagbabalik,” wika naman ni Mang Arnaldo na tuwang-tuwa nang makita siya.
“Kumusta na, Krista? Limang taon kang hindi umuwi a! Pinag-alala mo kami, akala namin ay hindi ka na babalik at doon ka na sa Japan maninirahan,” naiiyak namang sabi ng ate niyang si Elsie.
“Pasensya na kayo kung ngayon lang ako nakauwi. Dapat sana ay noong nakaraang taon pa ako nakabalik rito kaso may mga inasikaso pa kami ng aking asawa,” sagot niya.
“So, kumusta ang buhay may asawa, anak? Balita namin ay isang mayamang Hapon ang napangasawa mo roon,” usisa ng ina.
Tumango siya.
“Opo, ‘nay. Sayang nga lang at hindi siya nakasama sa aking pag-uwi. Marami pa kasi siyang tinatapos na trabaho kaya sabi niya ay susunod na lamang siya rito,” sagot pa niya.
“Tama lang talaga ang ginawa mong pag-alis noon, anak. Hindi mo makakamtan ang mariwasang buhay mo ngayon kung hindi ka nakinig sa amin, kaya pasalamat ka sa amin ng nanay mo,” sabad ng tatay niya.
“Tama po na itinuloy ko ang pag-alis papuntang Japan dahil kung hindi ko ginawa iyon ay hindi ko makikilala ang napakabuti kong asawa na si Yukihiro. Sa kabila ng aking naging nakaraan ay minahal at tinanggap pa rin niya ako. Nang umalis ako noon ay hindi na ako nagtrabaho bilang entertainer. Sa tulong ng isang kaibigan ay ipinasok niya akong sekretarya sa isang kumpanya. Doon ko nakilala si Yukihiro na siyang may-ari ng kumpanyang aking pinagtrabahuhan. Niligawan niya ako at inalok ng kasal. Dahil mabait siya at matiyaga ay nahulog din ang loob ko sa kanya. Siya ang nagbangon ng aking pagkababae na nasira nang hindi ako pinanagutan noon ni Gio. Malaki ang pasasalamat ko sa aking asawa dahil tinanggap niya ng buong-buo ang karugtong ng aking pagkatao,” makahulugan niyang sabi.
Nagkatinginan ang mga magulang niya at mga kapatid. Hindi maunawaan ng mga ito ang tinuran niya. Maya-maya ay may lumapit sa kanilang babae na may kasamang batang lalaki.
“Ate, ate, narito na kami. Sorry, ate, ang tagal kasi sa CR nitong si Yuri, eh,” wika ng babae.
“O, Jenny, mabuti at nabasa mo ang text ko sa iyo kanina kung nasaan na ako. Alam mo naman ang batang ‘yan, kapag napaparami ang kain ay palaging ‘di mapigilang magbawas,” natatawa niyang sabi. “Ngayong narito na kayo ay maipapakilala ko na ang anak ko sa aking pamilya,” aniya pa.
Tuwang-tuwa naman ang mga magulang niya’t mga kapatid nang makita ang cute na cute niyang anak.
“Siya na ba ang anak ninyo ng asawa mong Hapon, anak? Ang guwapo, manang-mana sa amin ng tatay mo,” wika ni Aling Paula.
Umiling si Krista.
“Hindi po siya anak ni Yukihiro, ‘nay. Siya po ang anak namin ni Gio na si Yuri na gusto ninyong ipal*glag ko, pero hindi ko ginawa. Naisip ko noon na kung hindi ninyo matatanggap ang anak ko’y kakayanin kong mag-isang buhayin siya’t palakihin. Itinuloy ko ang pagbubuntis nang makaalis ako noon. Hindi na ako nagtrabaho bilang entertainer dahil alam kong hindi papayag ang employer ko kapag nalaman na ako’y nagdadalantao kaya humingi ako ng tulong sa isang kaibigan kong entertainer din na ipasok ako ng ibang trabaho at masuwerte nga akong napunta sa kumpanya ni Yukihiro. Nagtrabaho ako roon para patuloy kaming mabuhay na mag-ina. Nang malaman ni Yukihiro na buntis ako’y tinanggap pa rin niya ako sa buhay niya at itinuring na tunay na anak ang dinadala ko na hindi ginawa noon ng duwag na si Gio na hindi na nagparamdam pa sa akin. Isa pa, baog si Yukihiro at hindi na kailanman magkakaroon ng anak kaya laking tuwa niya nang malamang may sanggol na sa aking sinapupunan. Nga po pala, siya naman po si Jenny, ang yaya ng aking anak. Isinama ko siya rito para may katulong ako sa pag-aalaga kay Yuri,” bunyag niya.
Iniabot din ni Krista sa bata ang binili niyang laruan kanina.
“Yuri, anak, binilhan ka ni mama ng toy, o.”
“Wow, toy car! Ganda nito, mama. Thank you po,” tuwang-tuwang sagot ng anak.
Ang nakita niyang laruang kotse-kotsehan sa bilihan ng mga pasalubong ay binili niya para kay Yuri. ‘Di niya napigilang maluha kanina dahil bumalik sa alaala niya ang mga nangyari noon. Kung sinunod niya ang mga magulang, nakatatandang kapatid at ang walang kuwenta niyang nobyo na ipalagl*g ang anak ay wala sana siyang kasamang anghel na nagpapasaya at nagbibigay kulay sa buhay niya.
Natulala at hindi nakakibo ang nanay, tatay at mga kapatid niya. Walang kaalam-alam ang pamilya niya na sa kabila ng pag-alis niya noon at muling pagtatrabaho sa Japan upang patuloy na mabigyan ang mga ito ng magandang buhay ay itinuloy pa rin niya ang pagbubuntis. Hindi niya kayang isakripisyo ang buhay ng anak na kahit mahirap ang mga pinagdaanan niya ay mas pinili niyang maging responsableng ina. Wala siyang pinagsisisihan sa kanyang ginawa dahil binigyan siya ng Diyos ng cute, mabait at matalinong anak.
“Say hello sa lolo, lola at tita, tito mo, anak,” utos ni Krista.
Nilapitan ng bata ang pamilya niya at nagmano.
“Hi po, lola, lolo, tita, tito. Nice meeting you po,” malambing na sabi ni Yuri.
Napaluha ang mag-asawang Aling Paula at Mang Arnaldo pati na rin ang mga kapatid ni Krista na sina Elsie at Renz sa ginawa ng bata. Kahit ngayon lang sila nakita at ginusto nila itong idispatsa noon ay pinakitaan pa sila nito ng paggalang.
Labis ang pagkapahiya nila sa mga sinabi nila noon. Puno sila ng pagsisisi na mas nanaig sa kanila ang pera at mga materyal na bagay kaysa sa buhay ng isang walang muwang na bata na sarili pa nilang kadugo. Humingi sila ng tawad kay Krista at sa anak nito at nangakong babawi sa mga panahong hindi nila nakasama ang mag-ina.
Napatawad na ni Krista ang kanyang pamilya na pinasalamatan pa rin niya na kundi dahil sa ginawa ng mga ito ay hindi siya magiging mas matatag at mabuting ina.

Ipinahiya at Pinagbintangang Magnanakaw ng Babaeng Bisor ang Matanda at Dalagang Kustomer; Pagkawala ng Trabaho ang Naging Kabayaran sa Inasal Niya
