Inday TrendingInday Trending
Pinagtatawanan ng mga Estudyante ang ‘Kalbo’ Nilang Kaklaseng Babae; Magugulat Sila sa Gagawin ng Pinakamaganda Nilang Kaeskuwela

Pinagtatawanan ng mga Estudyante ang ‘Kalbo’ Nilang Kaklaseng Babae; Magugulat Sila sa Gagawin ng Pinakamaganda Nilang Kaeskuwela

“Kalbo, kalbo, ano’ng shampoo mo?”

Halos mabingi si Shaira sa lakas ng hagalpakan ng kanilang mga ka-eskuwela matapos nilang tuksuhin ang isa sa kanilang mga kaklase na nagngangalang Lian. Kalbo kasi ito at walang ni isang piraso man lang ng buhok sa katawan kaya’t madalas itong maging tampulan ng tukso sa loob ng kanilang paaralan. Mayroon kasi itong isang kondisyon sa katawan na nagiging dahilan upang unti-unting maglagas ang buhok nito hanggang sa tuluyan na iyong mawala at hindi iyon naiintindihan ng kapwa nila mga estudyante. Ngunit si Shaira, na siyang pinakamaganda at matalinong estudyante sa klaseng iyon ay ang tanging ka-eskuwela ni Lian na nakaiintindi sa kaniyang sitwasyon.

Sa katunayan ay palaging nakadarama ng awa si Shaira sa kaeskuwela, dahil sa totoo lang ay nakakaugnay siya sa kuwento nito. Ang kaniya kasing kapatid, na sumakabilang buhay na tatlong taon na ang nakalilipas, ay nakadaranas din ng ganitong sitwasyon.

Sa tuwing makikita ni Shaira si Lian ay palagi niyang naaalala ang kaniyang kapatid kaya naman madalas niya itong ipagtanggol. Bukod kasi sa si Shaira ang pinakamaganda at matalino sa klase ay siya rin ang pinakamatapang. Siya ang itinalagang peace maker sa kanilang klase kaya naman madalas siyang maging tagapagtanggol ni Lian sa mga bully.

Katulad na lamang ngayon. Kitang-kita ni Shaira ang biglang pagtulo ng luha sa mga mata ni Lian matapos katukin ng isa sa kanilang mga kaklaseng lalaki ang ulo nito na animo isa iyong niyog na tinitingnan kung maganda ba ang loob. Mukhang nasaktan ito ngunit imbes na humingi ng tawad ay tinawanan pa ito ng kanilang kaklase!

Dahil doon ay napatayo sa kaniyang kinauupuan si Shaira at sinaway ang kaklase nila. “Hindi ka ba titigil? Akala mo nakakatuwa ’yang ginagawa mo, a!” galit na hiyaw niya sa mukha nito.

“Bakit mo ba ipinagtatanggol ang kalbong ’yan, Shaira? E, mukha ngang alien ’yang si Lian! Hindi kagaya mo na ang ganda-ganda dahil napakaganda rin ng mahaba mong buhok!” sabi pa nito na lalong ikinainis ng dalaga.

“Talaga bang maganda ang buhok ko?” tanong pa ni Shaira dito.

“Oo. Kaya nga gustong-gusto ka namin, e. Napakaganda mo hindi kagaya ng kalbong ’yan!”

Ngumisi si Shaira sa narinig. “Kung ganoon…” sandali siyang tumigil sa pagsasalita. Pagkatapos n’on ay kinuha niya ang gunting sa kaniyang bag at dali-daling ginupit nang napakaiksi ang mahaba niyang buhok! “P’wes, patutunayan ko sa ’yo na kaya naming maging maganda kahit wala kami nito!” aniya pa sabay taas ng hibla ng mga buhok na kaniyang pinutol!

Napasinghap ang lahat sa kaniyang ginawa ngunit hindi iyon alintana ni Shaira. Bagkus ay tinabihan niya si Lian at niyakap. “Maganda tayo mayroon man o wala tayong buhok,” bulong pa niya sa kaeskuwela na nagpangiti rito kahit ito ay umiiyak.

Hindi lang doon nagtapos ang ginawa ni Shaira para kay Lian, dahil nang araw na iyon, pagkauwing-pagkauwi niya galing sa eskuwelahan ay tuluyan niyang ipinakalbo ang kaniyang ulo!

Matapos ang pangyayaring iyon ay ilang araw na hindi pumasok si Shaira sa eskuwelahan, hindi dahil nahihiya siyang ipakita na isa na siya ngayong kalbo katulad ni Lian, kundi dahil tinapos niya pa muna ang munting sorpresang handog niya para sa kaibigan.

Paano kasi ay ipinagawa niya ang kaniyang pinutol na buhok upang maging isang napakagandang wig na maaaring gamitin ni Lian!

Pinuntahan pa mismo ni Shaira ang kaibigan sa bahay nito upang personal na iabot ang kaniyang regalo na labis naman nitong ikinatuwa. Matapos iyon ay sabay din silang pumasok sa eskuwelahan na siyang nagpagulat sa lahat ng kanilang mga kaeskuwela!

Paano kasi ay ngayon lang nila nakitang nakasuot ng wig si Lian at ngayon lang nila napagtantong napakagandang babae pala nito! Habang si Shaira naman ay nanatiling maganda kahit pa ngayon ay ito na ang kalbo!

Walang masabi ang mga bully ni Lian sa ginawa ng pinakamagandang babae sa kanilang klase. Hindi nila iyon inaakala at dahil doon ay nakaramdam sila ng pagkapahiya sa kanilang mga sarili. Habang sila ay nagtatawa sa kaklase nilang mayroong kondisyong kaiba sa karamihan, ang pinakamaganda at matalino sa kanila ay gumawa ng paraan upang ito ay matulungan! Ni hindi ito natakot na sa kaniya naman mapunta ang lahat ng tukso noon tungkol kay Lian. Pinatunayan nito na siya ang pinakamaganda sa lahat, dahil sa maganda niyang kalooban!

Advertisement