
Ang Tunay na Negosyante Raw ay Hindi Natatakot Sumugal; Subalit Kasawian ang Nangyari sa Lalaking Ito
“Mahal, mayaman na tayo!” hiyaw sa tuwa ng lalaking si Gino habang pinapakita sa kaniyang nobya ang papel na nagpapatunay ng kaniyang pagkapanalo sa isa sa mga sugal na kaniyang tinatayaan.
“Sa wakas, mahal ko, at magkakaroon na tayo ng sarili nating bahay, magpapakasal at magkakaroon ng maraming anak! Hindi ko na kailangan pumasok kina Aling Tetay para maghugas ng tambak na pinggan sa karinderya niya. Hindi na ako makapaghintay pa!” tugon naman ni Clara sa kaniyang nobyo.
Mabilis na nagtungo ang dalawa sa pinakamalapit na opisina kung saan niya makukuha ang premyo. Halos hindi naman mapahid ang mga ngiti sa mga mukha ng magkasintahan. Hanggang sila ay matagumpay na nakauwi dala-dala ang pera.
Ilang araw din ang lumipas at matagumpay na nakapagbukas ng sariling bank account si Gino. Dahil raw siya ang nanalo, siya raw ang dapat na ipangalan sa kaniyang pera. Habang nagdaraan ang mga araw, unti-unting tinupad ng magkasintahan ang kanilang mga pangarap.
Unang binili ni Gino at Clara ay ang malaking bahay na matatagpuan sa isang sikat na siyudad. Kasunod nito ay dalawang magagagarang kotse para raw sa kanilang dalawa. Isa pa rito ay ang pamimigay niya ng malalaking halaga sa pamilya’t kamag-anak ng isa’t isa. Ngunit sa kabila ng mga magagarang pamumuhay at mga bagay, kulang pa rin ito para kay Clara.
“Ano’ng problema, mahal? Parang matamlay ka yata nitong mga nakaraang araw? May mga iniisip ka na naman ba?” nag-aalalang tanong ni Gino kay Clara habang sila ay patulog na.
“Iyong totoo? Ah… Ehh… Sabi mo kasi magpapakasal tayo. Pero ilang buwan na rin ang lumipas ngunit kahit pahapyaw e wala ka man lang binabanggit sa akin,” malungkot at pautal-utal pa nang ito ay sabihin ni Clara kay Gino.
“Iyon lang ba? Akala ko pa naman kung ano na ‘yang problema mo diyan! Huwag ka na ngang madrama diyan. Dati naman hindi natin pino-problema ‘yan eh. Matulog ka na, umayos ka na diyan. Dadating din tayo diyan. Okay?” natatawang wika pa ni Gino sa babae. Ngunit lalo naman itong ikinalungkot ni Clara. Natatakot kasi siyang balang araw ay iwan siya ni Gino tulad ng mga sabi sabi sa paligid.
Lumipas ang isang taon at matumal ang benta ng negosyong itinayo ni Gino. Paubos na rin ang pondo na nasa kaniyang bangko kung kaya’t nag-isip siya ng paraan upang hindi siya maubusan ng pera. Sa kaniyang pagsisiyasat, nakilala niya ang isang lalaking negosyante na nag-aalok sa kaniya kung saan niya dapat ilagay ang kaniyang pera.
“Sobrang solid ng kitaan dito, brad! Promise! Isang buwan dodoble na agad ‘yang pera mo,” panghihikayat ng lalaki kay Gino habang kausap niya ito sa isang kapehan.
“Gusto ko na nga sana eh. Kaso ayaw ng nobya ko. Baka raw kasi malugi,” nanghihinayang na tugon naman ni Gino.
“Ha? Eh bakit ka niya mamanduhan diyan? Eh ang alam ko pera mo naman ‘yan. Tama ba? O baka naman sa kaniya ‘yan?” muling tanong ng lalaki.
“Ha?! Hindi ah! Akin ‘to. Lahat ito. Kahit piso wala siyang pagmamay-ari diyan!” mariing na pagkontra naman ni Gino. “Oh, sige! Hintayin mo sa susunod na linggo ilagay na natin sa negosyong iyan ang lahat ng mayroon ako.” huling wika ni Gino at pagkatapos ay mabilis na umuwi na.
Pagkauwi ay nakita niya si Clara na naghahanda na ng kanilang pagkain para sa hapunan. Mabilis na lumapit si Gino at niyakap ang kaniyang nobya. Habang sila ay kumakain ng hapunan, dito na sinabi ni Gino ang kaniyang plano na pag-iinvest ng pera sa isang napakagandang negosyo. Subalit katulad ng kaniyang inaasahan, agad itong kinontra ni Clara.
“Hindi ba’t nag-usap na tayo tungkol diyan? Bakit itutuloy mo pa rin? Talaga bang hindi mo na ako nirerespeto at ikaw na lahat ang masusunod?” sunod sunod na tanong ni Clara kay Gino.
“Bakit? Kung tutuusin nga dapat hindi ko na sinasabi sa’yo eh. Alam mo kung bakit? Dahil pera ko ‘yon! Lahat ng nasa bangko ko pati itong kinakain mo, ang pambayad ng kuryente pati itong bahay, akin naman ‘to hindi ba?” natatawa pang pagmamataas ni Gino kay Clara at agad na tinalikuran ang nobya.
Lumipas ang mga araw na hindi nag-uusap ang dalawa. Pinaparamdam ni Gino na walang karapatan si Clara na kwestiyunin ang mga desisyon niya lalo na kung ito ay tungkol sa pera. Subalit sa bawat araw na nararamdaman ito ni Clara, unti-unting napapalayo ang kaniyang loob sa nobyo.
Dumating ang araw ng muling pagkikita ng lalaking negosyante at ni Gino. Lingid sa kaalaman ni Clara na ipinagbili na ni Gino ang kanilang naluluging negosyo upang maging mas malaki pa ang perang maibibigay niya sa lalaking negosyante. ‘Ika nga nito, “mas malaki ang puhunan, mas malaki ang kita.”
Dumaan ang isa, dalawa, tatlong buwan at hindi na muling nagparamdam ang lalaki kay Gino. Ginawa na niya ang lahat pati na ang pagpapa-report sa mga pulis ngunit bigo siyang matunton ang lalaki na tumangay ng kaniyang natitirang pera. Sa bawat araw, unti-unting naubos ang mga gamit at pagmamay-ari ni Gino. Pati kaniyang bank account ay wala na ring laman. Sa bawat gabi, nilulunod na lamang ng binata ang sarili sa alak at bisyo.
Isang umaga, nagising na lamang si Gino na masakit ang ulo at hinahaplos ang katabi ngunit espasyo lamang na walang laman ang kaniyang natagpuan. Sa katabing lamesa ay sulat ni Clara ang kaniyang natagpuan.
“Hindi na ito ang buhay na pinangarap natin… Hindi na rin ikaw ang lalaking pinapangarap kong makasama habang buhay… Salamat sa lahat, Gino. Hanggang sa muli…”
Nagising si Gino sa katotohanang binago siya ng pera na kaniyang nakuha. Ngunit ngayong wala na ang pera, nagsisisi siyang hinayaan niyang mawala ang tunay niyang yaman- ito ay ang taong lubos na nagmamahal sa kaniya, si Clara.
Sa ngayong walang-wala na siya, hindi na niya alam kung paano muling babangon at magsisimula. Ngunit dahil sa pagkalugmok na ito, saka niya napagtanto kung ano talaga ang mahalaga – ang babaeng pinakamamahal niya. Desidido na siyang babangon muli at ibabalik ang dating sarili, ang dating siya na minahal ni Clara. Ngayon ay sisimulan na niyang tumayo muli mula sa pagkakadapa. Babalikan niya si Clara at mangangakong wala nang makapaghihiwalay pa sa kanilang dalawa. Kailangan niya na lamang ngayon na magsipag at mataimtim na manalangin na sana ay hindi pa huli ang lahat.