Inday TrendingInday Trending
Lumipad sa Ibang Bansa ang Dalagang Ito sa Paghahangad na Maiangat ang Pamilya sa Hirap; Iba Pala ang Matatagpuan Niya Roon

Lumipad sa Ibang Bansa ang Dalagang Ito sa Paghahangad na Maiangat ang Pamilya sa Hirap; Iba Pala ang Matatagpuan Niya Roon

“Bon, huwag mo hayaang lagi na lang si nanay ang naglalaba pati na mga damit nila kuya ha. Isumbong mo sa akin kapag puro na lang si nanay ang inuutusan,” bilin ng dalaga sa kapatid.

“’Nay, ikaw, huwag ka na magpaalila masiyado kina kuya. Malaki na ‘yan at mayroon nang sariling pamilya. Hayaan mo na silang gumalaw para sa pamilya nila. Mami-miss ko kayo, hay!” huling habilin ni Seng habang bitbit sa kanang kamay ang malaking maleta at kaniyang tiket naman sa eroplano sa kaliwang kamay.

Maluha-luha pa ang tatlo at tuluyan na ngang nagpaalam si Seng sa kaniyang pamilya. Limang taon ang kaniyang kontrata upang mag-alaga ng matanda sa ibang bansa. Kung mayroon man siyang maipon na sobrang pera, hindi na para bumili pa siya ng tiket para lumipad pauwi, ipapadala na lamang niya ito sa pamilyang hikaos. Isa pa, marami rin siyang utang dahil marami siyang mga papeles na inasikaso upang makalipad.

Pagkaraan ng isang buwan, sa unang pagkakataon ay nakapagpadala kaagad si Seng ng singkwenta mil. Masaya naman ang kaniyang ina’t mga kapatid kahit na hindi nila palaging nakakausap ang anak. Palagi kasi itong abala sa kaniyang trabaho at wala nang oras para makipag-usap sa ina.

Isang madaling araw, nagising si Aling Lolet sa tawag ni Seng.

“Nay, ayoko na rito… Ayaw ko na…” lumuluhang sabi ni Seng habang sila ay nag-uusap sa selpon.

“Bakit, ‘nak? Ano’ng nanyari diyan? Umuwi ka na rito…” hindi na natapos ang sinasabi ni Aling Lolet dahil naputol na ang kanilang tawag. Simula naman ng mga oras na iyon, hindi na muling nakatulog nang maayos ang ina. Hindi na rin kasi tumawag ulit si Seng at nag-iwan na lamang ng mensahe na ayos lamang siya sa kaniyang kinalalagyan.

Lumipas pa ang ilang mga buwan at nagpatuloy ang pag-iwas ni Seng sa kaniyang pamilya. Umiiwas man siya na makausap ang mga ito ngunit patuloy naman ang pagpapadala niya ng pera. Naging maalwan ang pamumuhay nina Aling Lolet hanggang sa naipaayos na nila ang dating tagpi-tagping bahay. Maayos na bahay, masarap na ulam, iyan ang matagal ng pinapangarap ni Aling Lolet bilang nag-iisang magulang sa kaniyang mga anak. Ang lahat ng ito ay laking pasasalamat niya sa sakripisyo ng kaniyang anak na si Seng.

Isang gabi, nagising si Aling Lolet habang hinahabol ang kaniyang paghinga. Isang taon na rin ang lumipas noong huli niyang makita ang anak. Maraming mga tumatakbo sa kaniyang isip at napanaginipan niya na mayroong masamang nangyari sa anak. Agad niyang tinawagan ng maraming ulit si Seng subalit hindi ito sumasagot. Hindi mapakali si Lolet at kinabukasan ay agad siyang nagtungo sa kapulisan.

“May nangyayaring masama sa anak ko! Bakit ba ayaw niyong maniwala sa akin? Napanaginipan ko nga kagabi. Nakita ko na sinasaktan siya ng amo niya doon. Kitang kita ng dalawang mga mata ko na nagdudusa siya doon!” pagwawala ni Aling Lolet sa presinto. Ilang saglit pa ay dumating na rin ang kaniyang panganay na anak na lalaki dahil pinatawag na ito ng mga pulis.

“Pasensya na po, sir. Pasensya na po…” paghingi naman ng tawad ni Marlon sa mga pulis at halos kinaladkad si Aling Lolet palabas.

“Marlon, tulungan mo ako… Tulungan natin si Seng na makauwi. Tulungan natin siyang maligtas…” nagmamakaawang wika ni Lolet sa kaniyang anak na lalaki.

“’Ma, ayos lang si Seng. Kausap ko siya kanina, ‘ma… Ayos lang siya at huwag na huwag na kayong babalik ulit sa presinto dahil baka sa susunod ikaw na ang hindi makauwi dito dahil diyan sa pagwawala mo!” galit na tugon naman ni Marlon sa kaniyang ina.

Simula ng araw na iyon, nagpatuloy ang pagpunta ni Aling Lolet sa presinto upang isuplong na sinasaktan daw ang kaniyang anak sa ibang bansa. Marami rin siyang pinuntahan na mga opisina upang humingi ng tulong na makauwi na ang kaniyang anak. Subalit ang kaniyang pag-aalala, sa masamang palad ay ikinasira na ng kaniyang ulo.

Walang magawa si Marlon kundi ang ikulong ang kaniyang ina sa kaniyang silid. Kahit na labag ito sa kaniyang kalooban, wala siyang magawa para pigilan ang ina sa pagpunta sa kung saan saan. Subalit isang tanghali, nakita na lamang ni Marlon ang ina na nakahiga sa sahig habang hawak nito ang litrato ni Seng na walang malay. Kahit na paulit-ulit niya itong gisingin, hindi na ito magising.

Agad niyang dinala sa ospital si Aling Lolet. Doon ay tinapat siya ng mga doktor na nararapat lamang na dalhin na sa tamang pasilidad ang ina upang magamot na ang kaniyang pag-iisip. Labag man sa kalooban, alam ni Marlon na wala siyang magagawa kundi sundin ang payo ng doktor.

Lumipas ang ilang mga buwan, isang maaliwalas na hapon, binisita ni Marlon ang ina. Agad siya nitong nakilala at niyakap ang anak. Subalit muli na naman nitong sinabi ang mga salitang, “si Seng, iligtas natin.”

Ilang sandali pa, nagpakita sa harap ni Aling Lolet ang isang pamilyar na mukha- si Seng. Lumuluha itong pinagmamasdan ang ina. Niyakap niya ang ina nang mahigpit habang patuloy sa pagtangis.

“Sino ka? Galing ka ba sa mga pulis? Kilala mo ba si Seng, iyong anak ko? Ililigtas ko siya kasi nanghihingi siya ng tulong…” pagpapatuloy pa ni Lolet habang yakap siya ng kaniyang anak.

Hindi na naging maayos ang lagay ni Lolet. May mga oras na nasa tama siyang pag-iisip ngunit mas maraming panahon kung saan mas lumalala ang kaniyang lagay. Laking pagsisisi ni Seng na tiniis niyang hindi kausapin ang ina matapos niyang malaman mula kay Marlon na hindi pala pinapagamot ng kaniyang ina ang ama kung kaya ito maagang sumakabilang buhay. Kinain siya ng galit kahit na siya ay nagtatrabaho sa ibang bansa. Ngayong may sakit na ito, hindi na niya masabi ang lahat ng kaniyang nais sabihin sa ina.

Hindi na muling lumipad patungong ibang bansa si Seng at ginamit na lamang ang perang naipon niya upang magtayo ng maliit na negosyo sa ‘Pinas. Mukha mang huli na ngunit alam ni Seng na balang araw ay muli nilang makakapiling ang ina na labis labis ang pagmamahal sa kanilang magkakapatid.

Advertisement