
Nakiusap ang Batang Lalaki na Sumama sa Kaniya Kahit Hindi Naman Niya Ito Kilala; Sino Nga ba ang Batang Ito?
Pauwi na si Jerwin nang napansin niya ang batang nagmamadaling tumakbo at biglang yumakap sa kaniya.
“Kuya, itago mo ako,” anito.
Hiningal at tila takot na takot na nakiusap ito sa kaniya. Sa labis na pagkataranta ay wala sa loob na sinunod niya ang ipinakiusap ng bata. Hinila niya ito at ngali-ngaling ipinasok sa isang convenience store at doon itinago.
Wala naman syang nakitang humahabol sa bata, kaya hindi niya mawari kung bakit natatakot ito at animo’y may pinagtataguan.
“Kuya, baka pwede mo akong bilhan ng gan’yan,” anang bata sabay turo ng naka-display na pagkain sa tindahan. “Gutom na po kasi talaga ako, kuya,” dugtong pa nito.
Gusto niyang tumutol dahil hindi sapat ang pera niya upang makabili ng pagkaing itinuro nito. Ngunit hindi naman niya matiis ang batang lalaking makitang nagugutom, kaya tumayo siya at inaya itong sumama sa kaniya sa bahay nila.
Sa bahay nila, paniguradong may iniwang pagkain ang kaniyang pamilya. Kaya paniguradong mabubusog ito, at saka na lamang niya ihahatid sa bahay ng mga magulang nito ang bata kapag tapos na itong kumain.
“Hindi ka ba takot na baka masamang tao ako? Hindi ka man lang kasi tumanggi noong inaya kitang sumama sa’kin,” ani Jerwin.
“Hindi ka naman po mukhang masamang tao, kuya,” sagot ng batang lalaki. “Pwede bang ampunin mo na ako?”
Labis ang pagkabigla ni Jerwin sa sinabi ng batang lalaki kaya hindi siya agad nakasagot sa sinabi nito.
“Mabait po akong bata at pangako hindi ko pasasakitin ang ulo mo, kuya. Basta, ampunin mo na lang ako. Sa katunayan, dala ko nga po ang lahat ng papeles para mapabilis ang pag-aampon niyo sa’kin,” anito. Sabay abot sa kaniya ng nakatuping sobre.
Hindi siya makapaniwala sa sinabi ng batang lalaki. Nagpapa-ampon ito sa kaniya, hindi nga niya ito kilala at gano’n rin ito sa kaniya, isa pa’y malay ba niya kung isang modus ang batang ito. Tinawanan lamang niya ang bata at binalewala ang sinabi nito.
“Seryoso ako, kuya,” anito nang makita siyang tumawa. “Isa ako sa mga batang ibinebenta ng mga halang na kaluluwang tao sa mga mayayamang uhaw sa dugo ng mga batang kagaya ko. Ang totoo’y lima kaming nakatakas sa bus na maghahatid sa’min sa mga nakapagbili na sa’min, iyong ibang bata, lalo na ang mga babae ay naiwan roon sa sasakyan. Kaming lima ay nakatakas, pero nagkahiwa-hiwalay rin kami at hindi ko na alam kung nasaan na sila ngayon, sana nakaligtas sila kagaya ko,” malungkot na wika nito.
Kinilabutan si Jerwin sa narinig na kwento ng batang lalaki. Awa at takot ang naramdaman niya rito.
“Kaya ampunin niyo na lang ako, kuya. Kung ikaw ang aampon sa’kin, sigurado akong nasa mabuting kamay ako, dahil mukha ka namang mabait. Pero kung iyong mga nakabili sa’kin ang kukuha sa’kin, hindi ako sigurado sa kinabukasan ko sa kanila kung aabutan pa ba ako ng umagang hindi nahihiwa ang tiyan ko para kunin ang laman loob ko.”
Sa takot na naramdaman ni Jerwin ay niyakap niya ang batang lalaki at lihim na nagpasalamat sa Diyos dahil nakaligtas ito sa kapahamakang pwede sanang mangyari rito.
Dinala niya sa bahay nila ang batang lalaki na ang buong pangalan pala’y si Carlo Mariano, iyon ang nakalagay sa dala nitong birth certificate. Ikinuwento niya sa buong pamilya ang nangyari rito at gaya niya’y awa ang naramdaman ng mga ito sa labing dalawang taong batang si Carlo.
Ang kaniyang ina na ang nagpresentang aampon kay Carlo at sinabi nitong nais nitong palitan ang pangalan ng batang si Carlo ng Victor Gamboa, dala ang apelyido ng kanilang buong pamilya. Si Carlo ang kanilang naging bunso.
Naging masaya ang batang si Carlo na ngayon ay si Victor na at gano’n rin ang kaniyang buong pamilya. Nangako si Victor na magiging mabait sa buong pamilya ni Jerwin na kumupkop sa kaniya sa panahong kailangan na kailangan niya at tatanawin iyong malaking utang na loob. Nangako rin siyang balang-araw tutulungan ang mga batang kagaya niya’y sa lansangan na itinapon ng mga magulang na takot sa obligasyon at tutulungan ang mga batang kagaya niya’y pinagkakakitaan ng mga sindikatong halang ang kaluluwa.
Makalipas ang maraming taon, nakapagtapos ng pag-aaral si Victor ng abogasya, sa tulong ng kaniyang kinalakihang pamilya at sa kaniyang Kuya Jerwin na kahit ano mang mangyari ay palaging nakaalalay sa kaniya.
Tinupad pa rin ni Victor ang kaniyang pangako noong siya’y dose anyos pa lang na tutulungan niya ang mga batang sa lansangan na iniwan ng mga magulang. May itinayo siyang bahay para may matirhan at mag-alaga sa mga batang iyon at hindi magkawatak-watak at mapahamak. Bukod pa roon ay tinutulungan rin niya ang mga mahihirap na may kaso at hindi nagpapabayad nang malaki upang ipagtanggol sa batas.
Malayong-malayo na si Victor sa kaniyang nakaraan bilang si Carlo, pero hanggang ngayon ay nakaukit pa rin ito sa kaniyang alaala at hindi kailanman nabura ang peklat na iyon. Kung hindi siya tumakbo at yumakap noon kay Jerwin, baka hindi ito ang naging buhay niya, o baka hindi na siya umabot pa sa ganitong buhay kung naging mahina siya noon.
Kaya kahit ano man ang mangyari, ang puso niya’y nasa mga batang kagaya niya na napabayaan ng mga magulang na nag-anak lang, pero hindi naman pinanindigan at inalagaan.