Nakaramdam ng Ilang ang Dalaga Dahil sa Lagkit ng Tingin ng Lalaking Hindi Niya Kilala; May Masama Kaya Itong Binabalak sa Kaniya?

Habang papasok siya sa silid ay napansin niya ang lalaking panay ang sunod ng tingin sa kaniya. Bigla tuloy nakaramdam ng ilang si Darlene sa klase ng tingin nito na animo’y may hinahanap sa mukha niya o may kakaibang nakita sa kaniya na hindi niya mawari kung ano.

Nang gumanting tingin siya sa lalaki’y bigla itong nagbawi ng tingin na nagpakunot ng kaniyang noo. Hindi ito pamilyar sa kaniya at sigurado siyang hindi niya pa ito nakita kailanman. Inisip na lamang ni Darlene na baka namumukhaan lamang siya nito sa ibang tao, kaya nagpatuloy siya sa paglakad at binalewala ang presensya ng estrangherong lalaki.

Ngunit ang inakalang tatantanan na siya nito ay hindi nangyari. Bagkus ay sinundan siya nito kung saan man siya pupunta. Mas lalo siyang kinabahan sa kinikilos ng estrangherong lalaki, dahil baka may masama itong binabalak sa kaniya.

Hindi na nakatiis si Darlene at kinumpronta na niya ang estrangherong lalaki na halata pa ang pagkagulat nang sinita niya ito.

“Kanina ko pa napapansin na panay ang sunod mo sa’kin,” aniya. “Sino ka at ano’ng kailangan mo?”

“P-pasensya na, miss, kung minasama mo ang pagsunod ko. Ang totoo’y gusto ko lang na titigan ka sa malapitan, kamukhang-kamukha mo kasi ‘yong kapatid kong babae,” anito.

Pilit mang itinatago ng lalaki’y napansin niya ang lungkot sa tono nito nang banggitin ang kapatid na babaeng sinasabi nitong kamukha niya.

“Gusto ko sanang makuhanan ka ng litrato, para ipakita sa pamilya ko na kamukha ka nga talaga ni Jessica, ‘yong bunsong kapatid namin na dalawang taon nang namayapa. Ang kaso’y nahihiya akong pakiusapan ka’t baka magalit ka sa’kin at mag-isip nang masama,” paliwanag nito.

Advertisement

Ngayon niya nakumpirma kung ano ang dahilan ng lungkot sa boses nito.

“Ito siya, miss, oh,” anito.

Sabay abot ng pitakang may litrato ng magandang babaeng matamis na nakangiti sa harap ng kamera.

“Iyan ang huling litrato ng kapatid ko, graduation day niya iyan, tapos kinabukasan ay naaksidente ang kotse ng kaibigan niya at kasama siya sa nasawi, kaya iniingatan namin ng mga kapatid ko ang litrato niyang iyan,” paliwanag pa nito.

Tama ang estranghero na kamukha nga niya ang nasa litrato. Buhok lang yata ang pinagkaiba, dahil mahaba ang buhok niya at maiksi naman ang buhok ng babaeng nasa litrato.

“Una kitang nakita rito’y akala ko talaga ikaw si Jessica, na bumaba sa langit upang balikan kami. Ang kaso’y alam ko naman na imposible iyon,” anito na bahagya pang ngumiti. “Nang sinabi ko sa pamilya ko na may nakita akong kamukha ni Jessica, umiyak sila sa tuwa at nakiusap na kuhanan kita ng litrato, ilang beses kong sinubukang kuhanan ka nang palihim, ang kaso’y hindi naman malinaw ang pagkakakuha,” nagkamot ito sa ulo at tila nahihiya sa ginawa.

Ngumiti siya sa lalaki saka marahang tumango. “Ang buong akala ko’y masamang tao ka’t may masamang binabalak sa’kin kaya panay ang sunod mo. Nalulungkot ako, kuya, sa nangyari sa bunso niyong kapatid. Pero sige po, pwede niyo na po akong kuhanan ng litrato ngayon,” aniya saka umismid. “Panigurado sa pagkakataong ito’y malinaw at maganda na ang pagkakakuha niyo sa’kin,” aniya saka malapad na ngumiti.

Mangiyak-ngiyak na tumango ang lalaki saka inilibas ang selpon at kinuhanan siya ng litrato. Pagkatapos nitong gawin iyon ay nagpasalamat ito sa kaniya at saka nagpaalam.

Advertisement

Nagpatuloy si Darlene sa pamimili nang may ngiti sa labi. Ang akala niya’y masamang tao ang lalaking panay ang sunod at titig sa kaniya iyon naman pala’y naaalala lamang niya sa namayapang kapatid nito.

Makalipas ang isang linggo mula noong namili siya sa mall ay muli na namang bumalik si Darlene upang mamili ulit dahil marami na naman ang kulang sa mga kailangan niya sa bahay. Nang mapansin niya ulit ang estrangherong lalaki, kumaway ito na para bang malapit sila sa isa’t-isa at ngumiti.

Naiilang man ay lumapit siya sa pwesto nito at binati ito. Tama ang kaniyang hinala, narito ang lalaki upang muli siyang makita. Sa pagkakataong ito’y kasama na ang mama at papa nito na sa pagkakita sa kaniya’y agad namuo ang luha sa mga mata, tanda ng labis na pagkamiss sa bunsong anak na maagang nawala sa mundo.

“Tama nga si David, kamukhang-kamukha mo si Jessica,” anang ale, na sa kaniyang hinala’y ina ng sinabi nitong David.

Nakaramdam man ng labis na pagkailang sa mga taong estranghero sa kaniya’y hinayaan niya ang mga itong yakapin siya. Labis nga siguro ang pangungulila ng mga ito sa sumakabilang buhay na anak, upang maibsan ang pangungulilang iyon ay nais ng mga itong makita siya upang sa ganoong paraan ay isipin ng mga ito na hindi nawala ang bunsong anak.

Hindi lang ang mga magulang ni David ang nakilala niya, pati pa ang mga kapatid nito’y pareho niyang nakilala noong inimbitahan siya ng pamilyang pumunta sa bahay ng mga ito, na hindi naman niya tinanggihan. Nakikita ng mga ito sa mukha niya ang kapatid na nawala, ngunit nirerespeto siya ng mga ito bilang si Darlene, na hindi nila kaano-ano.

Naging malapit si Darlene sa pamilya ni David, at parang itinuring na nga niya ang mga itong pamilya dahil sa kabutihan ng mga ito. Naging tulay ang pagkakahawig nila ni Jessica kaya nakilala niya ang mabait na pamilya nito at nagpapasalamat siya sa Diyos dahil nagkaroon siya ng pangalawang pamilya, dahil sa pamilya ni Jessica.

May dahilan nga talaga ang bawat pagtatagpo. Nakilala niya ang pamilya ni Jessica, dahil magkahawig sila, dahilan upang magkaroon siya ng tinatawag na pamilya, naibsan ang pangungulila niya sa sariling pamilya dahil sa pamilya nito. Sa ibang bahagi naman ay naibsan niya ang lungkot sa pamilya ni Jessica, dahil magkahawig sila. Kaya palaging may dahilan ang Panginoon kung bakit pinagtatagpo Niya ang bawat tao.