Nagpanggap na May Sakit ang Lalaking Ito upang Makakuha ng Libreng Gamot; Nabigla Siya nang Biglang Magkatotoo ang Kaniyang Kalokohan

May kumakalat na epidemya sa lugar na iyon kung saan nakatira ang lalaking ito na nagngangalang Harold—isang dakilang tambay na noon pa man ay nabubuhay na lang sa panloloko, panlalamang at pangunguha ng hindi kaniya dahil katuwiran niya ay mabilis daw ang pera sa ganoong gawain. Sa katunayan ay ilang beses nang labas-pasok ang binatang ito sa piitan sa paulit-ulit na kaso ngunit tila hindi naman ito nadadala.

Buhat nang kumalat ang nasabing epidemya ay halos hindi na alam ni Harold kung saan siya kukuha ng ipanggagastos niya sa kaniyang pagkain, lalong-lalo na sa bisyo, sapagkat hindi naman lumalabas ang mga tao. Sa takot na mahawa sa naturang sakit na kumakalat ay minabuti ng mga ito na manatili na lamang sa kani-kaniya nilang mga bahay, ’tuloy ay walang delihensya si Harold.

Ngunit nang mapabalitang isang medical mission ang isasagawa sa kanilang lugar para sa epidemyang iyon ay tila nabuhayan ang dakilang tambay. Tila nakaisip siya ng isang malaking kalokohan para lang kumita ng pera.

“Ano kamo, pare? Magpapanggap kang may sakit para lang makakuha ka ng libreng gamot, ’tapos ay ibebenta mo?” gulat na tanong sa kaniya ng kaibigang si Tisoy—kapwa niya tambay—habang uubo-ubo sa kaniyang kamay na hindi naman alintana ng nangingising si Harold. Paano kasi’y lumulutang ang kaniyang isip sa kung gaano kalaki ang kikitain niya kung sakali dahil balita niya ay kahon-kahon ang gamot na ibibigay ng mga magsasagawa ng medical mission na iyon.

“Oo, pare. Aba, tiba-tiba ako pag nagkataon!” sagot niya pa habang pinagkikiskis ang kaniyang mga palad na animo sabik na sabik nang mahawakan ang perang kaniyang kikitain sa panggagantso.

“Napakahusay mo talaga pagdating sa mga ganiyan, pare! Apir nga d’yan!” Itinaas ni Tisoy ang kaniyang kamay na agad namang hinampas ni Harold gamit ang kaniyang palad.

Dumating na nga ang araw ng inaabangan nilang medical mission at handang-handa na si Harold sa kaniyang plano. Sa katunayan ay naensayo na niya ang kaniyang mga sasabihin at ang kaniyang mahusay na pag-acting para lang siya ay mabigyan ng libreng gamot. Bukod doon ay sisiguraduhin niyang doble rin ang kaniyang makukuha upang doble rin ang kaniyang magiging kita.

“Siguradong tiba-tiba ako nito,” aniya pa sa sarili na sabik na sabik. Tila nakikini-kinita na rin niya ng dami ng salaping maaari niyang kitain pagkatapos nito.

Advertisement

Nagsimula na ang medical mission. Kahit kainitang tapat ay talagang tiniis iyon ni Harold para lang matupad ang kaniyang kalokohan. Ngunit nang siya na ang sumalang sa check-up ay tila nakaramdam siya ng kakaiba. Parang biglang sumama ang pakiramdam niya. Hindi niya tuloy maituloy ang kaniyang plano dahil parang ni hindi niya kayang magsalita.

Narinig niyang pumalatak ang doktor bago siya nito hinarap. “Sir, manatili po muna kayo ng ilang minuto para hintayin ang final result ng test sa inyo,” sabi nito at wala nang nagawa pa si Harold kundi ang sumunod kahit na nagtataka siya kung bakit sa lahat ng nakapila ay siya lang ang pinaiwan nito. Nang muling humarap sa kaniya ang doktor ay ganoon na lang ang gulat ni Harold nang bigla itong magsalita…

“Sir, kailangan n’yo pong manatili dahil positive po kayo,” sabi nito sa kaniya na talagang ikinapanlumo ng kaniyang tuhod.

“H-ho?!” Iyon na lang ang tanging nasabi niya.

“Mukhang nakuha n’yo ho iyon sa paghawak sa isang bagay na contaminated ng virus. Bukod po roon, sabi rito sa aming record ay kasama raw po kayo sa huling nakasalamuha ng isa pang positive patient na kilala sa palayaw na Tisoy,” sabi pa nito sa kaniya na lalong ikinabagsak ng balikat ni Harold!

Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Papaanong ang noo’y planong kalokohan lang dapat ay naging totoo na?!

“D-doc, hindi po ba at nakakabawi ng buhay ang virus na ito?” kabadong pangungumpirma ni Harold sa doktor na walang nagawa kundi tanguan siya.

Dahild doon ay lalong natakot si Harold. Pakiramdam niya ay nakarma siya dahil sa kaniyang kalokohan. Ngayon ay mukhang kukulangin pa ang dalawang kahon ng gamot na pinaplano niyang ibenta sana! Sising-sisi ang dakilang tambay sa kaniyang kalokohan, lalo na nang unti-unti na niyang maramdaman ang epekto ng virus sa kaniyang katawan. Bigla siyang nanghina at bumagsak ang kaniyang katawan. Mabuti na lamang at nabigyan siya ng dalawang kahong gamot na maaari niyang inumin habang nakalagak siya sa isang pasilidad na para lang sa mga katulad niyang pasyente ng naturang epidemya.