
Hinusgahan ng Tinderang Ito ang Kapitbahay na Palagi na Lang Nangungutang sa Kaniya; Magugulat Siya kapag Nalaman ang Dahilan kung Bakit
“Aling Sora, p’wede pong pautang ulit ako? Sa susunod na sahod ko lang ho ulit babayaran.”
Napasimangot si Aling Sora dahil sa sinabing iyon ng kapitbahay na si Nathalie. “Utang na naman? Hindi ba at kababayad mo lamang noong isang linggo?” bulyaw niya pa rito nang nakangiwi.
Kakamot-kamot sa ulong sumagot naman sa kaniya si Nathalie. “A, e, naubos na ho kasi agad ang budget ko, e,” sabi pa nito sabay ngiti nang pilit.
“Ewan ko sa ’yo, Nathalie. Simula nang lumipat ka sa lugar na ito ay puro utang na lang ang ginagawa mo! Nalulugi na ang tindahan ko sa ’yo!” hiyaw pa ng tindera. Paano kasi ay buhat nang mapatira ang dalagang ito sa kanila ay palagi na rin itong nangungutang sa kaniyang tindahan. Kahit pa nagbabayad naman ito ay naiirita pa rin siya. Isa pa ay nagtataka siya dahil nag-iisa lang naman ito sa buhay ngunit napakalakas nitong mangutang!
“Bakit naman ho? Hindi ho ba at tinutubuan ko naman ang utang ko sa inyo? Saka, hindi naman ho ako pumapalya sa pagbabayad, e,” katuwiran naman ni Nathalie.
“A, basta! Ayaw ko nang magpautang. Malulugi ang tindahan ko sa ’yo! Saka, saan mo ba dinadala ang inuutang mo? Siguro, ika’y may boypren na at ikaw ang nagsusuporta sa kaniya, ano?!” ngunit muli ay hiyaw pa ni Aling Sora kay Nathalie na may kasama pang panghuhusga.
Ngayon napapatunayan ni Nathalie na talaga nga palang napakadamot ng tinderang ito sa kaniyang mga kapitbahay gayong alam naman nito na siya lang ang may kakayanan sa lahat ng nakatira sa mahirap na pamayanang iyon.
Sa buong compound kasing iyon ay tanging si Aling Sora lang ang may kaya sa buhay. Karamihan kasi sa nakatira doon ay pawang mga mahihirap lamang. Ngunit sa kabila noon, ang mga presyo sa paninda ni Aling Sora ay pawang napakamamahal, dahilan upang lalong magipit ang mga taong nangungutang sa kaniya. Kilala ito bilang isang madamot at mapanlamang na babae kaya naman halos wala na ring ni isa man sa magkakapitbahay ang naglakas ng loob na mangutang sa kaniya, bukod kay Nathalie na isa sa mga nangungupahan sa kaniya. Si Aling Sora kasi ay may-ari din ng mga paupahan sa lugar na iyon gayong hindi naman niya pagmamay-ari ang lupang kinatitirikan ng kaniyang bahay at mga apartment.
Lingid sa kaalaman ni Aling Sora, ang mga inuutang sa kaniya ni Nathalie ay hindi rin naman sa sarili nito napupunta. Madalas kasing nagpapa-free feeding si Nathalie sa mga bata sa kanilang pamayanan kaya naman mabilis ding maubos ang budget nito galing sa sarili nitong sweldo. Nang malaman ni Aling Sora ang tungkol doon, imbes na makapag-isip nang tama ay tila lalo siyang nainis. Wala kasi sa bokabularyo ng tinderang ito ang salitang ‘pagtulong’ sa kapwa. Likas itong maramot at masama ang ugali.
Ngunit may hindi pa alam si Aling Sora tungkol kay Nathalie, dahil ito pala ay apo ng may-ari ng lupa ng buong pamayanang iyon at buhat nang tuluyan na itong ipamana sa kaniya ng kaniyang lolo ay naisipan na niyang ibigay iyon sa mga taong nakatira sa lugar na iyon. Ngunit bago ang lahat ay gusto niya munang tingnan kung karapat-dapat ba ang mga ito sa kaniyang pagtulong kaya naman nagpanggap siyang isang nangungupahang dalaga sa apartment ni Aling Sora. At ngayon ay alam na niya kung sino ang hindi karapat-dapat sa tulong niya.
Nang malaman iyon ng ganid na tindera ay labis ang pagsisisi nito lalo na nang sabihin sa kaniya ni Nathalie na siya lamang ang paaalisin nito sa naturang lugar. Hindi kasi ito karapat-dapat sa tulong na inilaan lamang ni Nathalie para sa mga tunay na nangangailangan.
Sinubukang makiusap ni Aling Sora kay Nathalie ngunit desidido na ang dalaga na siya ay paalisin sa pamayanang iyon upang mas maging maayos ang naturang lugar. Iyon ang nagsilbing aral sa mga tagaroon upang lalo nilang pagtibayin ang pagtutulungan sa isa’t isa upang sila ay makaraos.
Hindi nagtagal ay napalayas na ang ganid na tindera sa lupa ni Nathalie na ngayon ay isa-isa na niyang ipinamamahagi sa mga mamamayan. Tuwang-tuwa ang lahat dahil sa wakas ay mapapasakanila na nang tuluyan ang lupang kanila nang kinalakihan. Habang si Aling Sora, ngayon ay uuwi muli sa kanilang probinsya na malungkot at hindi alam kung paano muling mag-uumpisa. Kung sana ay hindi siya naging ganid at maramot ay naambunan din siya ng suwerte. Tunay ngang nasa huli talaga ang pagsisisi.