Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Lalaki ang Batang Umiiyak sa Daan na Inabandona Pala ng Kaniyang Ina; Ito pala ang Magpapabago sa Buhay Niya

Tinulungan ng Lalaki ang Batang Umiiyak sa Daan na Inabandona Pala ng Kaniyang Ina; Ito pala ang Magpapabago sa Buhay Niya

Sakay ng kaniyang motorsiklo ang lalaking si Bernard nang hapong iyon. Kahit maulan ay papunta siya ngayon sa bahay ng kaniyang kabarkada upang makipag-inuman, ’tulad ng mga karaniwang araw sa kaniyang buhay. Simula kasi nang iwan siya ng dating kinakasama upang sumama sa ibang lalaki ay tila nawalan na ng gana sa sarili niyang buhay si Bernard. Buhat noon ay wala na siyang ginawa kundi ang gabi-gabing lunurin sa alak ang kaniyang sarili upang makalimot.

Isang taon na ang nakalipas ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakausad sa nangyari. Marami namang ibang babae, ’tulad nga ng payo ng kaniyang mga kabarkada, ngunit talagang hindi niya kayang kalimutan si Emily—ang kaniyang ex girlfriend na sumama sa iba.

Nasa kalagitnaan na siya ng pagbiyahe nang mga sandaling iyon, nang mamataan niya ang isang batang malakas na pumapalahaw sa gilid ng daan. Naglalaro ang edad nito sa apat hanggang limang taong gulang. Hindi naman mabigat ang trapiko noon ngunit talagang nakuha ng naturang bata ang atensyon ni Bernard lalo na at wala itong kasamang magulang. Hinintuan niya ito at tinanong kung bakit umiiyak.

“Bata, bakit umiiyak ka? Anong problema?” tanong niya sa kawawang musmos na bagama’t basang-basa na ng ulan ay hindi nito alintana.

“Iniwan po ako ni mama,” umiiyak namang sumbong nito.

Nagulat si Bernard sa narinig. Parang hindi siya makapaniwalang may isang magulang na kayang mag-abandona ng anak nito sa gitna ng kalsada habang malakas ang buhos ng ulan. Dala ng awa ay nagpasya si Bernard na isakay na lamang ang bata at isama ito pauwi sa kaniyang tahanan.

“Ano’ng pangalan mo, bunso?” tanong ni Bernard sa bata nang sa wakas ay makauwi na sila.

“Enchong po,” sagot naman nito.

Napatango si Bernard bago siya pumasok sa kaniyang kwarto upang kumuha ng tuwalya. Naghanda na rin siya ng pampaligo sa kaniyang banyo upang malinisan ang bata. Marungis kasi ito dahil ni wala man lamang itong suot na sapin sa paa nang kaniyang maabutan. Pinakain niya si Enchong, binihisan at inaruga na animo sarili niya itong anak, habang hinahanap niya ang mga magulang nito. Dahil doon ay mabilis na napamahal sa kaniya ang bata lalo na at nakikita niyang tila sabik na sabik din talaga ito sa pag-aalaga.

Ilang linggo pa ang lumipas at sa wakas ay nahanap na ni Bernard ang tunay na ina ni Enchong sa pamamagitan ng pagdulog niya sa pulisya. Ngunit imbes na matuwa ay tila ikinagalit pa nito nang makitang isasauli na niya ang bata.

“Bakit ba iniuwi n’yo pa rito ’yan, e, iniwan ko na nga ’yan? Malas sa buhay ko ang batang ’yan dahil bunga ’yan ng pananamantala sa akin ng damuho niyang ama! Hindi ko mahal ang batang ’yan!” hiyaw sa kaniya ng babae na tila napakalaki talaga ng galit sa bata.

Kahit anong paliwanag ni Bernard dito na hindi naman kasalanan ni Enchong ang masaklap na pangyayaring iyon sa buhay niya ay hindi na talaga nito gustong alagaan pa ang bata. Dahil doon, wala nang nagawa si Bernard kundi ang magdesisyong ampunin na lang nang tuluyan si Enchong sa legal na paraan. Dumulog siya sa isang abogado at doon ay nagkaroon sila ng kasunduang ibibigay na ng ina ni Enchong kay Bernard ang buong kustodiya para kay Enchong.

Simula noon, tuluyan nang inilipat ni Bernard sa kaniyang pangalan ang responsibilidad sa bata. Ginawa niya ang lahat upang lumaki itong mabait, matalino at kumpleto sa pangangailangan. Hindi na rin siya nag-asawa pa sa takot na baka ang babaeng mapili niya ay hindi mahalin si Enchong nang katulad ng sa kaniyang pagmamahal sa bata.

Buhat nang dumating ang batang ito sa buhay niya ay tila nagbago na rin ang kaniyang kapalaran. Pakiramdam ni Bernard ay nabuo ang kaniyang pagkatao at muli siyang nagkaroon ng silbi sa mundo. Pakiramdam niya ay sapat nang silang dalawa lamang ng kaniyang itinuturing na anak ang kailangan upang siya ay maging masaya.

Lumipas ang mga taon at mabilis na nagbinata si Enchong. Lumaki itong mabait at masunuring binata na ayon sa pagpapalaki rito ni Bernard. Hindi naman lingid kay Enchong ang lahat ng nangyari sa kaniya sa nakaraan ngunit hindi niya pinanghihinayangan ang pang-iiwan sa kaniya ng ina. Sapagkat dahil doon ay natagpuan niya ang kaniyang pinakamamahal na Tatay Bernard.

Ngayong nakapagtapos na siya ng pag-aaral, ipinapangako niya rito na siya naman ngayon ang mag-aalaga sa ama. Siya naman ang babawi sa lahat ng sakripisyong inilaan nito para sa kaniya.

Advertisement