Nagulat ang Pamilyang Ito nang Dagsain Sila ng Kanilang mga Kaanak; Dahil Iyon sa Balitang Tumama Raw Sila sa Lotto

Napanganga sa gulat si Aling Gracia nang magising siyang puno ng napakaraming tao sa labas ng kanilang bahay. Ang mga ito ay pawang nagpapakilalang kanilang mga kaanak, ngunit ang nakapagtataka’y ngayon lamang nila nakita ang iba sa mga ito. Halos lahat sila ay may mga dala-dalang kani-kaniya nilang handog na pagkain para daw kanila ’yong mapagsaluhan bilang selebrasyon. Halos napuno ng mga taong gustong maambunan ng ’di umano’y dumapo sa kanila ngayong ‘swerte’ ang kanilang maliit at tagpi-tagping barung-barong.

“Swerte? Ano hong ibig ninyong sabihin?” tanong ni Aling Gracia sa kanila dahil tunay namang wala siyang kaalam-alam sa sinasabi ng mga ito.

“Ito namang si Gracia, nagmamaang-maangan pa. Huwag mo nang itanggi. Aba’y kalat na ang balitang tumama nga raw kayo sa lotto at ngayo’y bilyonaryo na kayong pamilya,” sagot naman ni Aling Vita—ang kapitbahay nilang ngayon ay nagpapakilala nang tiyahin niya.

Nanlaki ang mga mata ni Aling Gracia sa narinig. “Saan naman galing ang balitang ’yan? Aba’y ni hindi nga ako tumataya sa lotto, papaanong tatama ako? Heto nga’t namomroblema ako sa ibabayad sa operasyon ng mister kong may sakit.” Napakamot pa sa ulo si Aling Gracia.

Matapos niyang sabihin iyon, sa isang iglap ay nagbago ang ekspresyon ng mga taong naroon. Ang kanina ay nakangiti nilang mga mukha, ngayon ay pawang mga napangiwi at napasimangot.

“Pero, tutal ay narito naman na rin kayong lahat at sinasabi ninyong kayo’y mga kaanak naming pamilya, baka naman maaaring humingi sa inyo ng kahit kaunting tulong para lang sa pagpapagamot ng asawa kong nasa ospital,” puno ng pag-asang ani Aling Gracia sa mga taong iyon na nagsasabing sila raw ay kanilang mga kaanak. Ngunit imbes ay sinagot siya ng isang nakakabinging katahimikan na ilang saglit ding namayani bago may nagpasyang basagin iyo.

“N-naku, anong oras na ba? Hinahanap na yata ako ng mister ko sa amin. Ako’y uuwi na,” sabi ng isa sabay kuha sa isang bilaong pansit na kanina ay dinala nito para sa pamilya nina Aling Gracia.

“Ay, oo nga. Ako rin pala!” singit naman ng isa pa.

Advertisement

“Ano, Gracia, n-nagkamali lang pala ako. Hindi pala tayo magkamag-anak,” bawi naman ng isa pa sabay bitbit ng dala-dala nitong mga prutas.

Ganoon din ang sinabi ng iba pa. Binawi nila ang kanina ay pagpapakilala nila bilang mga kaanak ’di umano ng pamilya nina Aling Gracia, dahil ang totoo ay nagpunta lang naman sila roon upang ‘humingi’ at hindi upang ‘magbigay’ sa pag-aakalang totoo ang balitang tumama nga sila sa lotto. Ang iba naman ay nagdahilang wala silang pera habang ang iba pa ay hindi na nagsalita pa at akmang aalis na lang sa kanilang tahanan, bitbit ang mga pagkaing kanilang dinala.

Halos manlumo si Aling Gracia nang makitang bigla na lang nagpulasan ang mga taong kanina ay nagpapakilalang mga kaanak nila. Nalungkot siya nang todo dahil napagtanto niyang tunay nga na sa ngalan ng salapi ay makikilala mo ang tunay na kulay ng mga tao sa iyong paligid. Sa dami ng taong nagpunta rito sa kanila kanina ay ni wala man lang gustong magbigay kahit ng kaunting tulong sa kanila.

Akmang sabay-sabay nang lalabas ang mga taong iyon ng kanilang bahay, nang bigla na lang dumating ang kaniyang panganay na anak. Humahangos ito at tuwang-tuwa ang mukha.

“Inay! Inay! May maganda po akong balita sa ’yo!” hiyaw ng binatang si Jojo, ang panganay na anak ni Aling Gracia na ngayon ay nagtatrabaho bilang isang kargador sa palengke

“O, anak, bakit humahangos ka? Ano ba ’yon?” tanong naman ng nagtatakang si Aling Gracia.

“Inay, maipagagamot na natin si itay! Mayaman na tayo! Tumaya ako sa lotto at ngayon ay tinamaan ko ang jackpot price! Bilyonaryo na tayo, ’Nay!” mangiyak-ngiyak ngunit masayang bulalas ni Jojo sa kaniyang ina na nagpahinto naman sa akmang pag-alis ng mga tao sa kanilang tahanan.

Hindi mapaniwalaan ni Aling Gracia ang kaniyang narinig mula sa anak. Tunay nga palang tumama sila sa lotto! Habang ang mga taong kanina lang ay tatalikuran na sana sila, ngayon ay hindi na ulit magawang makisaya sa mag-ina, pagkatapos nilang itanggi na sila ay mga kaanak ng pamilya nina Aling Gracia.

Advertisement

“Inay, maaari na tayong makatulong sa mga kaanak nating naghihirap din katulad natin,” masayang sabi pa ni Jojo ngunit hinawakan ni Aling Gracia ang kaniyang balikat.

“Oo nga, Jojo. Maaari nga sana… ang kaso, wala naman tayong kamag-anak,” seryosong sagot naman ni Aling Gracia sa malamig na tinig.

Pahiya ang mga taong nakikinig sa labas ng kanilang bahay. Umuwi silang dismayado dahil ngayon ay wala na talaga silang aasahan sa nalalapit na pag-asenso nina Aling Gracia dahil sa pagtama nila sa lotto!

Hindi nagtagal ay lumipat sa ’di hamak na mas magandang tahanan ang pamilya nina Aling Gracia. Ganoon pa man ay hindi nila nakalimutang tumulong sa mga tunay na nangangailangan ng tulong sa lugar na dati nilang tinitirahan, maliban na lang sa mga ‘kaanak’ na noon ay tinalikuran sila sa oras ng pangangailangan.