Inday TrendingInday Trending
Dismayado ang mga Magulang ng Dalagita Dahil Hindi Mataas ang Grado Nito; Dahil sa Isang Guro ay Mapagtatanto Nila ang Kamalian

Dismayado ang mga Magulang ng Dalagita Dahil Hindi Mataas ang Grado Nito; Dahil sa Isang Guro ay Mapagtatanto Nila ang Kamalian

Walang mapagsidlan ang saya ni Mayeth sapagkat siya ang mag-uuwi ng unang gantimpala sa table tennis. Hindi na siya makapaghintay na ipakita sa kaniyang mga magulang ang nakuhang tropeyo lalo pa at lingid sa kaalaman ng mga ito ang kaniyang pagsali.

Nais sana niyang surpresahin ang mga magulang kaya agad siyang umuwi pagkatapos ng klase. Pagpasok niya ng bahay ay agad niyang tinanong sa kasambahay kung nasaan ang kaniyang Mommy Kathleen at Daddy Carlos.

“Naroon sa may kusina kasama ang Kuya Paolo mo,” saad ng kasambahay.

Dali-dali siyang nagtungo sa kusina. Hindi na siya makapaghintay na sabihin sa mga magulang ang natanggap niyang parangal lalo pa at naroon din ang nakatatandang kapatid niya.

Papasok pa lang siya ng kusina ay napahinto siya nang marinig na tuwang tuwa ang kaniyang mommy at daddy dahil nakakuha ng mataas na grado ang kaniyang Kuya Paolo. Nag-aaral ito ng Political Science at nais maging isang abogado.

“O narito ka na pala, Mayeth. Kumusta naman ang klase mo? Batiin mo itong kuya mo dahil Dean’s Lister na naman siya. Bukod pa roon ay puro uno ang mga grado na nakuha niya. Iyon ang pinakamataas!” bungad ni Carlos sa anak.

Binati ni Mayeth ang kaniyang Kuya Paolo.

“A-ano naman ‘yang dala mo, anak? Tropeyo ba ‘yan sa isang quiz bee?” tanong naman ng inang si Kathleen.

“H-hindi po, mommy. Pero alam n’yo po ba na ako po ang nag champion sa table tennis?! Ang gagaling nga po ng mga kalaban ko, nahirapan ako kasi ‘yung iba mas matatanda pa po sa akin,” masayang kwento ni Mayeth.

“Table tennis? Anong mapapala mo sa paglalaro ng table tennis, anak? Tapos ay mapapabayaan mo ang akademiko mo! Hindi mo kailangan ang mga ganyang bagay. Alam mo naman ang plano namin ng mommy mo sa iyo! Nais ka naming maging isang doktor kaya ngayon pa lang ay pagbutihin mo na ang pag-aaral mo!” sambit muli ng ama.

“Oo nga, Mayeth! Inuubos mo lang ang oras mo sa ganiyang uri ng sports. Sana ba ay swimming o hindi naman kaya ay golf. Pero, table tennis? Anong klaseng laro ‘yan?” susog naman ng ina.

“Simula ngayon ay ititigil mo na ang paglalaro mo ng table tennis at itutuon mo na ang utak mo sa pag-aaral. Tularan mo itong kuya mo, puro karangalan ang inuuwi sa amin,” dagdag ni Carlos.

Nalumbay si Mayeth. Taliwas kasi sa inaasahan niya ang naging reaksyon ng kaniyang mga magulang. Ni hindi na nga siya nagkaroon pa ng pagkakataon na sabihin na pambato siya ng paaralan sa distrito nito.

Kinabukasan ay kailangan ni Mayeth na mag-ensayo para sa nalalapit niyang kompetisyon. Ngunit wala siyang gana. Nagtatalo kasi ang kaniyang isip kung itutuloy pa niya ito. Natatakot siya na baka lalong magalit ang kaniyang mga magulang. Lalo pa kung malalaman ng mga ito na hindi siya katulad ng kaniyang Kuya Paolo na laging mataas ang marka.

Dumating ang araw ng kuhaan ng report card nila Mayeth. Takot na takot siya sapagkat alam niyang may gradong inaasahan ang kaniyang mga magulang. Hindi siya mapakali at nahalata ito ng kaniyang mommy at daddy.

“Siguraduhin mong mataas ang marka mo kung hindi ay wala kang gagawin sa bahay kung hindi mag-aral. Bawal kang lumabas kasama ang mga kaibigan mo o makipag-usap man lang,” sambit ni Carlos sa anak.

Nang makita nila ang report card ni Mayeth ay labis silang nadismaya.

“Ayos naman po ang grado ko, mommy, daddy. Wala naman po akong bagsak,” saad ni Mayeth.

“Wala ka ngang bagsak pero mababa pa rin ang grado mo! Alam mo ba na ang pinakamataas na marka mo ay mas mataas pa ang pinakamababang gradong nakuha ng Kuya Paolo mo? Kababae mo pa namang tao, Mayeth! Bakit hindi mo paghusayan ang pag-aaral mo! Paano mo matutupad ang pangarap namin sa iyo ng mommy mo na maging isang doktor kung hindi ka magaling sa pag-aaral. Simula ngayon ay wala munang kaibigan. Hindi ka na rin maglalaro ng table tennis! Kukunin din namin sa iyo ang selpon mo nang sa gayon ay makatutok ka sa mga asignatura mo! Nakakahiya ka!” muling sambit ng ama.

Nangingilid na ang luha ni Mayeth dahil sa sakit ng mga sinabi ng mga magulang.

Napansin naman ito ng guro ni Mayeth na si Salve at agad na nilapitan ang mag-anak.

“May problema po ba rito?” tanong ng guro.

“Wala naman po. Pinagsasabihan lang namin itong anak namin dahil mababa ang mga marka. Kung anu-ano kasi ang inaatupag. Hindi katulad ng panganay ko puro awards. Laging mataas din ang grado!” sagot naman ni Kathleen.

“Naku, hindi naman po tama na ikompara ninyo itong si Mayeth sa kuya niya. Hindi nga po kasama sa top ten itong si Mayeth pero magaling po siya sa maraming bagay. Isa na po riyan ang paglalaro ng table tennis. Pinataob niya po ang lahat ng mga kalaban niya kahit na siya ang pinakabata. Pinatunayan niya na wala sa laki ang laban,” pahayag pa ng guro.

“Hindi naman siya mabibigyan ng magandang buhay ng paglalaro ng table tennis saka laro lang iyan na pampalipas ng oras. Kailangan niyang ihanda ang sarili niya para maging doktor. Dahil gaganda lalo ang buhay niya kung magiging isang doktor siya,” saad naman ni Carlos.

“Hindi po sa lahat ng pagkakataon ay nababase sa grado sa akademiko ang kinabukasan ng isang tao. Ang may ari po ng eskwelahang ito ay hindi magaling sa chemistry pero magaling siyang magpalakad ng eskwelahan. Ang ama ko po ay hindi magaling sa matematiko pero kilala siya sa larangan ng pagtatalumpati. Mayroong hindi magaling sa siyensiya pero magaling sa pagpipinta. At lahat sila ay naabot rin ang rurok ng tagumpay. Maging kaming mga guro ay may kahinaarin. Kaya imbes na ituon ninyo ang isip ninyo sa kahinaan ng inyong anak, bakit hindi ninyo purihin ang mga magaganda niyang nagagawa? Dapat po ay ipagmalaki ninyo itong si Mayeth dahil napakagaling niya sa sports at hindi rin naman niya pinababayaan ang kaniyang pag-aaral. Iba-iba ang kakayahan ng bawat tao kaya huwag po tayong nagkukumpara sa iba,” paliwanag pa ng guro.

Napahiya ang mag-asawa sa tinuran ni Ginang Salve. Napagtanto nilang simula’t sapul ay hindi nila nabigyang pansin ang galing ni Mayeth pagdating sa sports. Simula noon ay sinuportahan na nila ang anak sa mga nais nito.

Hindi man naging doktor itong si Mayeth tulad ng nais ng kaniyang mga magulang ay naging isang magaling na guro naman siya. Bukod pa doon ay ilang taon na rin niyang binibigyan ng karangalan ang Pilipinas sa olympics sa paglalaro niya ng table tennis.

Tunay ngang hindi nababatay sa grado sa paaralan o sa tinapos mong pag-aaral ang talino ng isang tao. Ang mahalaga ay imbes na magpagapi ka sa iyong kahinaan ay palakasin mo ang iyong kakayahan. Nang tulad ni Mayeth ay maabot mo rin ang rurok ng iyong tagumpay!

Advertisement