Inday TrendingInday Trending
Inis ang Ginang sa Mister Dahil Ayaw Nitong Mag-Post sa Social Media ng Tungkol sa Kaniya; Bandang Huli’y Mauunawaan Niya ang Dahilan ng Mister

Inis ang Ginang sa Mister Dahil Ayaw Nitong Mag-Post sa Social Media ng Tungkol sa Kaniya; Bandang Huli’y Mauunawaan Niya ang Dahilan ng Mister

Hindi maialis ni Celine ang kaniyang mata sa selpon habang tinitingan niya ang mga lawaran ng kaniyang dating kaklaseng si Diane sa social media. Nangangarap rin siya na isang araw ay maging malambing sa kaniya ang asawang si George tulad ng asawa ni Diane. Sa mga post kasi ng dating kaklase ay kung anu-anong regalo ang binibigay sa kaniya ng asawa. Higit pa roon ay mahahalata mo sa lalaki na mahal na mahal nito si Diane sapagkat hindi ito nahihiya na mag-post ng mahahabang salaysay kung gaano niya kamahal ang misis.

Kung malambing lang din sana ang asawa ni Celine na si George ay malamang kasing ligaya siya ni Diane.

Pagkatapos isa-isahin ni Celine ang ilang larawan ni Diane ay tiningnan niya naman ang mga ipinopost ng mister niyang si George. Ni wala man lamang kalambing lambing ang mister ni Celine. Ni hindi nga siya nito nai-post man lang kahit na kaarawan niya.

Isang gabi, bago matulog ay kinausap ni Celine ang kaniyang mister.

“Mahal, napansin ko, wala kang post sa social media na tungkol sa akin? Hindi ka ba masaya sa relasyon natin? Hindi mo ba ako ipinagmamalaki?” saad ni Celine.

“Porket hindi ako nagpo-post ng tungkol sa atin sa social media ay ibig sabihin ba noon ay hindi na kita mahal? Hindi gan’on ‘yun! Hindi nasusukat sa gan’on ang pagmamahal, Celine. Saka isa pa, hindi naman ako talaga mahilig gumamit ng social media. Aksaya lang ‘yan sa oras! Bakit biglang naging interesado ka pala sa ganiyang bagay?” pahayag ni George.

“Wala naman. Naisip ko lang kasi na maraming lalaki ang nagpapahayag ng pagmamahal nila sa mga asawa o kasintahan nila. Pero ikaw, hindi ka gan’on sa akin. Pakiramdam ko tuloy ay ayaw mong malaman ng iba kung gaano kasaya ang relasyon natin. Parang ikinahihiya mo ako. Siguro, may mga kaibigan ka sa social media na hindi nakakaalam na may asawa ka na, ano?” biro pa ng ginang.

“Tumigil ka nga, Celine. Hindi na ako natutuwa sa mga sinasabi mo. Tandaan mo na hindi lahat ng nakikita mo sa social media ay totoo. Saka bakit pa kailangan nating ipakita sa mga tao na masaya tayo? Hindi ba sapat na basta masaya tayo at nagmamahalan? Ang hirap sa mga tao ngayon, ang nais nila ay maganda lagi ang iisipin sa kanila ng iba. Sana ay hindi ka tumulad sa gan’on, Celine. Maayos ang relasyon natin nang pribado tayo kaya panatiliin natin ganito,” wika muli ng mister.

Ramdam naman ni Celine ang pagmamahal sa kaniya ni George pero parang nakukulangan siya. Lalo na sa tuwing makikita niya ang mga larawan ng dating kaklase. Hindi niya maiwasang mainggit dahil hindi nahihiya ang asawa nito na ilahad sa mundo ang tunay nitong nararamdaman.

Isang linggo ang nakalipas at pinaghahandaan masyado ni Celine ang anibersaryo nila ng asawa. Alam niya na mayroon itong surpresa sa kaniya.

Tulad ng nakagawian, ipinagluluto siya nito ng almusal. Bukod pa roon ay nagbibigay rin si George ng mga bulaklak sa kaniya. Ngunit ang pinaka gusto niya ay ang taon-taon na paggawa nito ng love letter.

Dahil kahit anong pilit ni Celine na i-post siya ng asawa sa social media ay ayaw pa rin nito. Nakaisip si Celine ng isang paraan para patunayan rin niya sa mundo na nagmamahalan din silang mag-asawa.

Kinuha ni Celine ang selpon ni George at saka niya kinunan ng larawan ang mga bulaklak kasama ang love letter na bigay ng asawa at saka niya ito inilagay sa account sa social media ng kaniyang asawa. Ginawa niya ito para maisip ng iba na malambing rin si George at ipinagmamalaki siya nito.

Nang malaman ni George ang ginawang ito ni Celine ay nagalit ito.

“Hindi maintindihan, Celine, kung bakit kailangan mo pang i-post sa social media ang nilalaman ng liham ko sa iyo. Ginawa ko iyon para lang sa iyo! Sa iyo lang! Ang matindi pa no’n ay nagpost ka pa sa account ko! Para ano? Para isipin nila na ganiyang uri ako ng lalaki? Malambing at romantiko?” naiinis na wika ni George sa kaniyang misis.

“Ano bang masama sa ginawa ko? Asawa mo naman ako saka wala namang mali na i-post ko sa social media ang liham. Sa katunayan nga niyan ay hahangaan ka pa nila dahil hindi lahat ng asawa ay nakakagawa ng love letter para sa misis nila. Ayaw mo ba no’n?” sambit naman ni Celine.

“Hindi ko gusto na hangaan ako ng ibang tao. At higit sa lahat ay wala akong pakialam sa kung anong tingin nila sa akin. Basta ang gusto ko lang ay tahimik ang buhay natin! Alam mo, kakababad mo ‘yan sa social media kaya kung anu-ano ang naiisip mo. Tingan mo, dapat ay masaya ang araw na ito para sa atin pero bakit nag-aaway tayo?” muling saad ng mister.

Naiinis si George sa kaniyang misis. Pero mas naiinis sa kaniya si Celine dahil pakiramdam niya ay hindi siya mahal ng kaniyang mister.

Buong araw na hindi nagpansinan ang mag-asawa. Sa inis ni Celine ay umalis na lang siya ng bahay at pumunta sa isang cafe. Muli ay inubos niya ang kaniyang oras sa pagtingin ng mga larawan ng dating kaklase sa social media kaysa humingi ng tawad kay George.

Habang nasa cafe ay nakita ni Celine ang asawa ng dati niyang kaklase. Sigurado siyang kasama nito si Diane kaya hinintay niya para kaniyang malapitan. Ngunit laking gulat ni Celine nang ibang babae ang kasama ng ginoo. Ang masama pa roon ay grabe kung maglingkisan ang dalawa.

Muli ay tiningnan ni Celine ang mga larawan ni Diane sa social media at ang mga post ng asawa nito.

Dito na naisip ni Celine ang sinabi ni George na hindi nga lahat ng nakikita sa social media ay totoo.

Agad na umuwi si Celine upang humingi ng tawad sa kaniyang mister. Sa pagkakataong ito ay siya naman ang bumili ng regalo para kay George.

“Mahal, pasensiya ka na sa lahat ng mga nagawa kong mali. Tama ka nga. Masyado akong nabulag sa iisipin ng tao sa akin sa social media. Tunay ngang hindi lahat ng nakikita doon ay totoo,” wika ni Celine kay George.

Ikinwento ni Celine ang lahat ng nangyari. Mabuti na lang ay naunawaan siya agad ni George at hindi naman ito nagtanim sa kaniya ng sama ng loob.

“Aanhin mo ang isang asawang masalita kung sa gawa naman ay kulang. Mas nanaisin mo bang magpost ako ng tungkol sa iyo sa social media tapos sa likod naman nito’y sugarol ako, may iba akong babae o kaya’y hindi kita nirerespeto. Mas magiging matiwasay ang pagsasama ng mag-asawa kung mananatili itong pribado. Hayaan mo na ang iisipin ng iba, basta alam nating dalawa na nagmamahalan tayo at masaya tayo sa isa’t isa. Ito ang mga bagay na hindi mo na kailangan pang ipangalandakan sa mundo dahil kusa itong lalabas sa mga pananaw mo sa buhay,” saad pa ni George.

Mula noon ay hindi na kinulit ni Celine ang mister kung hindi siya nito kaya i-post sa social media. Kung tutuusin ay hindi naman talaga nasusukat rito ang tunay na pagmamahalan ng mag-asawa.

Advertisement