Itinatanggi ng Amang Metro Aide ang Kaniyang Anak Tuwing Nasa Pampublikong Lugar; Ito pala ang Kaniyang Dahilan

“Candy, anak, gumising ka na at baka mahuli ka pa sa eskwela. Unang araw ng pasok mo ngayon, ‘di ba? Sabi ko naman kasi sa iyo na huwag kang magpuyat nang sa gayon ay maaga ka magising,” sambit ni Mang Cardo sa kaniyang anak.

“Pasensiya na po, ‘tay! Hindi po talaga ako makatulog kagabi dahil sa pagkasabik na pumasok sa paaralan. Paano ba naman kasi bago ang lahat ng gamit ko! Saka maraming salamat sa kaibigan n’yo may uniporme na po ako kaagad pagpasok,” saad naman ng bata.

“Mabait talaga ‘yung kasamahan ko na ‘yun! O siya, bumangon ka na riyan at baka mahuli ka pa. Nakahanda na ang mainit na tubig na pampaligo mo at pati na rin ang almusal,” sambit pa ng ama.

Pagkatapos na gumayak ni Candy ay sabay na sila ng kaniyang ama na umalis. Isang tagawalis ng kalsada si Mang Cardo at sa hindi kalayuan sa paaralan na pinapasukan ni Candy siya nakadestino.

Habang naglalakad ay napapansin ni Candy na medyo mailap ang ama.

“Ayos lang po ba kayo, tatay?” tanong ng bata.

“Ayos lang ako, Candy. Sige na at magmadali ka na at baka mahuli ka. Ako naman ay pupunta na sa pwesto ko baka hinahanap na rin ako ng mga kasamahan ko,” saad pa ni Mang Cardo.

“H-hindi n’yo lang po ba ako ihahatid, tatay? Unang araw po ng klase ko,” malungkot na sambit muli ni Candy. 

Advertisement

“Hindi na, anak. Malaki ka naman na. Kayang-kaya mo ‘yan! Huwag mong kalimutan na magdasal para sa araw na ito. Galingan mo, anak! O siya, aalis na ako,” nagmamadaling sambit pa ng ama.

Nadismaya si Candy bahagya dahil hindi tulad ng ibang mga magulang ay hindi siya inihatid ng kaniyang ama.

Sa araw-araw na pumapasok si Candy sa paaralan ay ni hindi man lang siya hinatid ng kaniyang ama.

Kaya isang beses ay kinausap niya ito.

“Tatay, bakit po ba ayaw niyong ihatid ako? Tapos, hindi n’yo rin po ako sinusundo. May problema po ba kayo?” sambit ng bata.

“Wala naman, anak. Ang gusto ko lang ay matuto ka nang hindi ka na dumepende sa akin dahil lumalaki ka na. Saka ayaw ko ring mahuli sa trabaho ko baka mamaya ay mabawasan pa ang sahod ko. Paano kita maibibili ng gamit?” dagdag pa ni Mang Cardo. 

Nagtatampo si Candy dahil hindi man lang niya maranasan ang ihatid at sundo ng ama sa kaniyang paaralan. Lagi lang itong nakikipagkita sa kaniya.

Sa paglipas ng panahon ay nasanay na si Candy. Madalas nga kapag nakikita niya ang ama sa lansangan ay hindi siya nito pinapansin.

Advertisement

“‘Tay! Tara na po umuwi na tayo! May meeting po ang professor ko kaya wala na po kaming klase. Sabay na po tayong umuwi. Tapos na po ba kayo sa trabaho n’yo?” tanong ni Candy sa nagwawalis na ama.

“Mauna ka na, Candy, at marami pa akong wawalisin. Hindi pa ako nakakapagwalis sa banda roon,” tugon ni Mang Cardo. 

“Pahiram po ako ng walis at tutulungan ko na po kayo, ‘tay, para mabilis po matapos ang trabaho n’yo,” pangungulit ng dalaga.

“Tumigil ka nga, Candy, at baka mamaya ay mapagalitan pa ako. Umuwi ka na at huwag ka nang magbabad sa init ng araw. Saka maalikabok dito baka ubuhin ka pa. Umuwi ka na sa bahay! Doon mo na lang ako hintayin,” saad pa ng ginoo. 

Napasimangot muli si Candy. Basta kapag nasa labas sila ng bahay ng ama ay masungit ito sa kaniya.

Kahit na patuloy ang pagtatanong ni Candy sa kaniyang ama ay hindi naman ito nagsasabi ng totoo. Isang araw ay nadestino ang kaniyang ama malapit naman sa pinapasukan niyang unibersidad. Masaya si Candy dahil maaari na silang magsabay ng ama sa byahe. At maaari ding magsabay na kumain ng pananghalian. Ngunit panay ang tanggi ng kaniyang ama. 

“‘Tay, tara na po at sabay na tayong magtanghalian. May mura po akong alam na kainan dito pero masarap! Tara na po!” pilit ni Candy sa ama.

“Ikaw na lang, Candy. Sige na at umalis ka na! Sumama ka na lang sa mga kaibigan mo at huwag mo na akong istorbohin dito. Isa pa, magdadala raw ng ulam ang kasamahan ko kaya sabay na kaming kakain. Sayang din ‘yun at makakatipid ako,” sambit ng ama.

Advertisement

“Nakakainis ka na, ‘tay! Palagi mo na lang akong tinatanggihan! Hindi ko talaga maintindihan kung bakit ganiyan ka sa akin!” sambit pa ng dalaga.

Maya-maya ay nilapitan si Candy ng iba niyang kaklase.

“Candy, huwag mong sabihin sa akin na kilala mo ang ‘yang metro aide na ‘yan?” saad ng isang kaklase.

Sasagot na sana si Candy nang biglang sumabat si Mang Cardo.

“H-hindi! Hindi kami magkakilala! Nagtanong kasi ako sa kaniya ng oras kaya kinakausap niya ako,” tugon bigla ni Mang Cardo.

“Sige, hija, salamat ha! Ang hirap talaga ng walang relos,” dagdag pa ng ama.

Sumama ang loob ni Candy nang itanggi siya ng ama. Kaya nang makauwi sa bahay ay agad niyang kinompontra si Mang Cardo.

“‘Tay, bakit n’yo ako itinanggi? Hindi n’yo po ba ipinagmamalaki na ako ang anak n’yo? Anak n’yo po ba talaga ako?” umiiyak na tanong ng dalaga.

Advertisement

“Anak kita, ano ba namang tanong ‘yan, Candy! Hindi sa hindi kita ipinagmamalaki, kaso –,” natigilan si Mang Cardo.

“Kaso, ano ‘tay? Wala na nga si nanay pati ba naman ikaw ay lalayo na rin sa akin? Ano po ba ang nagawa kong mali sa inyo?” pagtangis pa ng anak.

“Anak, ayaw kong malaman nila na ako ang tatay mo dahil ayaw kong mapahiya ka! Ayaw kong maging tampulan ka ng tukso kaya ko nagawa ‘yun. Gusto ko ay magkaroon ka ng ibang buhay at magagawa mo iyon kung hindi ka maiuugnay sa isang katulad ko,” paliwanag ng ama.

“Kaya kung talagang nakikinig ka sa akin, anak, ay sundin mo na lang ako. Kapag nasa labas tayo at malapit sa eskwelahan mo ay huwag mo na lang akong pansinin,” saad pa ng ginoo.

Ayaw man itong gawin ni Candy ay laging mailap talaga ang pakikitungo ni Mang Cardo sa kaniya sa labas.

Sa araw ng pagtatapos ni Candy ay pinag-ipunan talaga niya para maibili ng bagong damit ang ama. Ayaw kasing dumalo ni Mang Cardo dahil baka mapahiya ang anak.

“Ayan, ‘tay, ang gwapo-gwapo n’yo po! Bagay na bagay!” saad ng dalaga.

Ang hindi alam ni Mang Cardo ay mayroong surpresa sa kaniya ang anak.

Advertisement

Labis na nagulat si Mang Cardo nang tawagin ang pangalan ng anak sapagkat ito pala ang nagkamit ng pinakamataas na karangalan sa taong iyon.

Umakyat ng entablado si Candy at nagbigay ng talumpati.

‘Buong buhay ko ay walang nais ang aking ama kung hindi makatapos ako ng pag-aaral. Dahil ang sabi niya ay ito raw ang susi para mabago ang takbo ng buhay ko. Galing ako sa isang mahirap na pamilya. Maagang namayapa ang aking ina at tanging ang aking ama ang sumuporta sa akin. Hindi siya nagkulang sa pagbibigay ng lahat ng aking pangangailangan. Isusubo na lang niya ay ipapakain pa niya sa akin. Sobra ang pagmamahal niya sa akin. Ngunit ang hindi alam ng lahat ay kung ano nga ba ang trabaho ng aking ama. Kasi, ayaw niya itong ipaalam kahit kanino dahil natatakot siyang baka maging dahilan siya para maging tampulan daw ako ng tukso. Pero ang hindi niya alam, wala akong pakialam. Dahil labis ko siyang ipinagmamalaki. Ngayon, nais ko pong ipakilala sa inyong lahat ang aking ama na si Tatay Cardo. Isa po siyang tagawalis ng daan. At itong araw na pong ito ang huling araw niya sa trabaho dahil pagtapos ng araw na ito ay ako naman ang magtatrabaho para sa kaniya. Hindi na siya maiinitan pa at maaalikabukan. Hindi na madudumihan at hindi na aabutin ng gutom at uhaw sa daan. Dahil sa pagkakataong ito, ay ako naman po, ‘tay! Ako naman po ang gagawa ng paraan para ibalik sa iyo ang lahat ng sakripisyo mo at pagmamahal,” hindi na naiwasan ni Candy ang maiyak habang sinasabi niya ang mga katagang ito. 

Napuno ng luha ang lugar nang araw na iyon. Labis ang paghanga ng lahat kay Candy dahil taas noo niyang ipinagmalaki ang kaniyang ama kahit na ano pa man ang trabaho nito.

Ngunit lalo ang respeto at paghanga ng lahat kay Mang Cadro dahil kahit na walang katuwang ay pinilit niyang ibigay sa anak ang lahat ng pangangailangan nito.

Labis na ipinagmamalaki ni Cardo ang mga narating ng kaniyang anak sa buhay. Laking pasalamat niya na kahit pala wala siyang pinag-aralan at simple lang ang kaniyang hanapbuhay ay hindi siya ikinahihiya ng dalaga.

Sa wakas ay panahon naman ni Candy na gumanti sa lahat ng ginawa ng kaniyang tatay para sa kaniya.