Pinagdududahan ng Binata ang Nobya na Mayroon na Itong Iba; Nang Sinundan Niya Ito’y Doon Niya Nakumpirma ang Totoo

Pinagdududahan ng Binata ang Nobya na Mayroon na Itong Iba; Nang Sinundan Niya Ito’y Doon Niya Nakumpirma ang Totoo

FunHeartbreakingStories

Nandito ngayon si Lanz sa may mall na tila isang stalker na panay ang tago habang nakasunod sa dalawang taong ngayon ay nasa kaniyang harapan. Magkahawak ang kamay at tila bagong honeymoon sa ka-sweetan habang panay ang ngitian sa isa’t-isa at lambingan na para bang bagong kasal.

Noon pa man ay nagdududa na siyang may ibang lalaki ang nobyang si Alice, at naririnig din niya sa ibang mga kaibigan nila na palagi nga raw itong may kasamang lalaki, na gwapo at makisig— higit pa sa kaniya. Hindi nga lang niya lubos maisip na totoo ang naririnig niyang sabi-sabi, masyadong malaki ang tiwala siya sa nobya, kaya hindi niya talaga aakalain na lolokohin pa siya nito.

Doon na mas tumindi ang pagdududa niya nang hiwalayan siya nito nang walang dahilan. Ngayon niya iyon nakumpirma. Kaya pala hindi man lang ito nagdalawang isip na hiwalayan siya, may bago na pala itong pinag-iinitan. At ang mas masakit ay higit pang mas gwapo at makisig sa kaniya.

Kahapon pa niya sinusundan ang dalawa at naghahanap ng tamang pagkakataon upang kumprontahin ang dating nobyang taksil. Alam niya na ngayon… alam niyang sila na ng lalaking ito bago pa man tinapos ni Alice ang relasyon nila.

Nakita niyang pumasok ang dalawa sa isang mamahaling restawran. Ang loko, mukhang mayaman dahil pangmayaman ang restawran na pinasukan nila. Wala nga siyang binatbat, hindi pagtatakhang kay bilis lamang siyang napalitan ni Alice. Sinundan niya pa rin ang dalawa at ito na ang pagkakataon upang kumprontahin ang mga ito. Ito na ang tinatawag nilang closure

Nakita niyang nasa tagong parte ng restawran naupo ang dalawa. Gustong mag-solo kaya ayaw sa mataong pwesto.

“Ito ba? Siya ba ang ipinalit mo sa’kin, Alice?! Ang bilis ah,” aniya. Mahina ngunit may riin sa bawat salita.

Gulat ang nakita niyang gumuhit sa mukha ni Alice ng makita siya. Salubong ang kilay na tiningnan siya ng lalaking kasama ni Alice. Hindi ito nagsasalita, nakatitig lamang ito at tila pinag-aaralan ang kaniyang itsura.

Taglay ng lalaki ang kompyansang wala sa kaniya. Kaya nga hindi kataka-takang kay bilis lamang siyang napalitan ni Alice.

“Wala pang tatlong araw mula noong naghiwalay tayo, tapos ngayon may ipinalit ka na? Ang saklap naman, Alice! Sana man lang naghintay ka ng isang buwan!” mariin niyang sambit.

“Manahimik ka nga, Lanz, nakakahiya ka! Mahiya ka naman sa mga taong nandito,” nahihiyang wika ni Alice.

“Hindi ka nga nahiya sa ginawa mo sa’kin, sa kanila pa ako mahihiya e, hindi ko naman sila kilala!” ani Lanz. Hindi naman malakas ang boses niya, pero sapat upang malaman ni Alice na galit siya.

Nakita niyang bahagyang napangiti ang lalaking kasama ni Alice kaya mas lalo siyang nainis. Pinagtatawanan ba siya nito?

“Siya ba ang dahilan kaya nakikipaghiwalay ka sa’kin, Alice? Hindi ko man kayang pakainin ka sa ganito kamahal na restawran, maipapangako ko naman na magiging mabuting nobyo, asawa at ama ako ng mga anak natin. Pero iyang lalaking iyan!” aniya sabay turo sa lalaki. “Mukha pa lang at pormahan, halatang maloko na!”

Pumalag ang lalaking kasama ni Alice at nagalit sa sinabi niya.

“Masyado kang mapanghusga, pare, hindi tama iyang ginagawa mo. Mabuti akong tao at hindi ako gaya ng inaakala mo,” anito.

Mas lalong naguluhan si Alice kung paano aawatin ang dalawang lalaki. Ngunit hindi pa rin natigil ang pagpapalitan ng maaanghang na salita ang dalawang lalaki kaya wala siyang nagawa kung ‘di ang sigawan ang mga ito.

“Tama na iyan! Umuwi ka na sa inyo, Lanz, mag-usap tayo bukas,” gigil na sabi ni Alice saka akmang hihilain palabas ng restawran ang lalaking kasama.

“Saan kayo pupunta? Tatakasan niyo ako? Hindi kita mapapayagang sumama sa lalaking iyan, Alice!” matigas na wika ni Lanz.

Isang malakas na sampal ang natanggap niya kay Alice saka ito nagsalita.

“Kapatid ko ang tinatawag mo ng kung anu-ano, Lanz! Kaya nga sinabihan na kitang umuwi sa bahay niyo at mag-uusap tayo bukas, pero matigas talaga iyang ulo mo,” inis na wika ni Alice. “Iyang ugali mong iyan ang rason kaya nakipaghiwalay ako sa’yo. Bukod sa wala kang kompyansa sa sarili mo, wala kang tiwala sa’kin. Lahat na lang ng nakakasama ko’y pinagdududahan mo, nakakasawa ka na,” ani Alice.

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Lanz sa nalaman. Kapatid pala ni Alice ang lalaking kasama nito. Bakit hindi niya nalaman agad? Hawak ang nasampal na pisngi ay wala na siyang nasabi hanggang sa tuluyan nang nawala ang dalawa sa paningin niya.

Kung pwede lang niyang ibalik ang oras disin-sana’y nag-imbestiga pa siya bago sumugod sa labang siya lang din ang umuwing talunan. Ngayon niya mas napatunayan na sobrang halaga sa isang tao ang kompyansa sa sarili at tiwala para sa babaeng kaniyang minamahal.

Alam niyang sa mga oras na ito’y tuluyan nang nawala sa kaniya si Alice. Kung maibabalik lang ang lahat, babaguhin niya ang ugaling iyon at mas pipiliing pagkatiwalaan ang babaeng kaniyang labis na minamahal.

More Stories