
Sa Isang Ospital ay Hindi Tinatanggap ang mga Walang Pera; Paano Mababago ang Patakaran na Ito?
“Ano kamo, Dok? Hindi ko yata maintindihan ang sinasabi mo,” magkasalungat ang kilay ng matandang pasyente nang marinig ang sinabi niya. Halatang hindi nito naunawaan agad ang sinabi niya.
Napangiwi si Doktor Jason bago iniabot sa mga ito ang mga dokumento na naglalaman ng mga resulta ng pagsusuring kinailangan ng pasyente.
“Ayon sa mga resultang nakuha namin, kailangan niyo pong sumailalim sa operasyon at syempre magbabayad kayo ng malaking halaga. Ngayon pa lang ipinaalala ko sa inyo na hindi ito biro. Sa tingin niyo ba kakayanin niyong bayaran ang lahat ng kailangan niyong bayaran kapag nagkataon?” direktang tanong niya sa mga kaharap.
Nagkatinginan ang mag-ama. Matagal bago may sumagot.
“Oo naman po, Dok. May trabaho naman ho ako at siguradong magagawan ko ng paraan,” sabi ng anak.
“Mawalang galang na, pero hindi ba’t sa pabrika ka nagtatrabaho? Ilang taon kaya ang aabutin bago kayo makaipon nang sapat? Pribadong ospital ito, natural, mahal ang bayad dito. Bakit hindi kayo lumipat na lang kayo sa pampublikong ospital?” malumanay na suhestiyon niya sa mag-ama.
Alam niya naman na baka maging isyu ang sinabi niya. Ayaw niya lang talaga na may hindi nakakapagbayad.
Agad-agad namang umalma ang anak ng matanda.
“Bakit naman po ganoon, Dok? Kaya ko nga dito dinala si Tatay dahil alam kong nandito ang lahat ng kailangan niya para mas mabilis siyang gumaling. Bakit pakiramdam ko pinagtatabuyan niyo kami dahil lang sa pera?” kunot-noong tanong nito.
“Hindi naman ho sa ganoon, Sir. Sinasabi ko lang para hindi kayo mabigla. Panuntunan kasi ng ospital na ito. Hindi kami tumatanggap ng pasyente na hindi makapagbabayad nang maayos, kaya pasensiya na.”
Unti-unti nang nawawalan ng pasensya si Jason sa kaharap ngunit pilit siyang kumalma.
Iyon na ang naging panuntunan ng ospital na minana niya pa sa kaniyang mga magulang magmula noong siya ang naupo sa pinakamataas na posisyon.
Sinigurado niya na alam ng lahat ng doktor ang patakaran nila: ‘wag tatanggap ng pasyente basta-basta. Siguraduhin na kayang bayaran ng mga pasyente ang kahit na anong serbisyong kailangan.
Gusto niya kasing lumago ang ospital at magagawa niya lang iyon sa ganoong paraan.
Hindi naman siya nagkamali dahil tuwang-tuwa ang kaniyang mga magulang sa biglaang pagtaas ng kita ng ospital.
“Mukhang epektibo talaga ang pamamalakad mo dahil ang laki ng pinagbago magmula noong ilipat namin sa’yo ang posisyon. Ipagpatuloy mo lang ‘yan, anak,” papuri ng kaniyang ama habang kumakain sila.
“Oo nga pala, anak. Tinawagan ko sila Nanay at Tatay kanina, ibinalita ko na ikaw na ang nagpapatakbo ng ospital, at siyempre tuwang-tuwa sila. Sino ba namang hindi? Parang kailan lang, ikaw ang batang habol habol nila sa parke dahil sa sobrang kulit,” pagkukuwento nito.
Hindi niya maiwasan ang ngumiti dahil sa narinig. Ang tagal na nga noong huli niyang nakita ang kaniyang Lolo at Lola. Noong lumipat kasi sila sa Maynila ay nagpaiwan ang mga ito sa probinsya dahil mas gusto ng mga ito ang sariwang hangin doon.
Naging abala siya sa pag-aaral, kalaunan ay sa pagtatrabaho, kaya hindi na siya nagkaroon pa ang pagkakataong bisitahin ang mga ito.
Kaya tuwang-tuwa siya sa magandang balita ng kaniyang ina.
“Ang sabi nila bibisitahin ka nila ngayong Linggo. Sigurado miss ka na talaga nila at bagot na rin sa buhay probinsya. Hindi sinabi kung kailan, surprise daw,” natatawang sabi ng kaniyang Mama.
Isang araw, matapos ang isang mahabang operasyon ay napansin niya ang maraming missed call sa kaniyang cellphone.
Napangiti siya nang makita na ang Lola niya ang tumawag. Dali-dali niya itong tinawagan pabalik. Agad naman itong sumagot.
“‘La? Nakaluwas na po ba kayo?” masaya niyang bungad dito.
Naalarma siya nang imbes na ang masiglang tinig nito ang marinig niya ay humahagulgol ito.
“Lola! Bakit po? Ano pong nangyari riyan?” kumakabog ang dibdib na tanong niya.
“Ang Lolo mo, apo. Inatake siya! Tulungan mo kami! Andito kami sa labas ng ospital niyo!”
Mabilis naman siyang tumakbo at hinanap ang ito sa labas ng ospital. Tila may kumurot sa puso niya nang maabutang nakahandusay ang kaniyang Lolo sa isang tabi habang umiiyak ang kaniyang lola.
May mga nakikiusyoso, pero wala nang ni isang nars o doktor na sumaklolo.
“Apo, inatake ang lolo mo pero wala man lang nagtangkang tumulong samin! Anong klaseng ospital ba ito?” sumbong nito.
Agad-agad siyang humingi ng tulong sa mga empleyado upang maasikaso ang kaniyang lolo na hirap na hirap sa paghinga.
“Pasensya na po, Dok Jason. Hindi namin alam na pamilya niyo po sila. Hindi naman po nila sinabi,” hinging paumanhin ng isa sa mga doktor.
Tango lamang ang kaniyang tugon. Gusto niya man magalit, alam niyang wala siyang karapatan lalo’t siya ang gumawa ng panuntunan na sinusunod lamang ng mga ito.
Ikinuwento ng kaniyang Lola ang nangyari.
“Nataranta ako noong inatake siya kaya nabitiwan ko ang mga gamit ko. Nawala ang iba naming gamit pati na ang pitaka ko. Mas importante kasi na makarating kami sa ospital kaya hindi ko na hinanap pa, pero pagdating dito, hindi raw sila natanggap ng pasyente na hindi kayang mag-abot ng paunang bayarin,” umiiyak nitong kuwento.
Agad siyang nilingon ng kaniyang ama sa narinig.
“Anong klaseng panuntunan iyon, Jason? Alam mo ba ang tungkol dito?” gulat na tanong nito.
“Opo, ako po ang nagpatupad noon, Papa,” pag-amin niya.
Napabuntong hininga ito sa sobrang pagkadismaya. Siya naman ay walang nagawa kundi ang yumuko sa hiya.
Ramdam na ramdam niya ang pagsisisi dahil alam niya na siya ang may kasalanan ng lahat, siya ang gumawa ng panuntunan na iyon.
“Bakit mo naman ginawa iyon, anak? Hindi ba’t ang kabilin-bilinan namin sa’yo na mas mahalaga ang buhay ng mga pasyente at sila ang dapat na unahin sa lahat ng pagkakataon?” sermon ng kaniyang ama, na isang retiradong doktor.
Tumango siya. Alam niya iyon, ngunit pansamantala niyang nakalimutan dahil sa kagustuhan niyang iangat ang estado ng ospital nila.
“Sorry po,” naluluhang bulong niya. Maging siya ay labis na nadismaya sa kaniyang sarili.
Alam niyang kahit na magsisi siya ay wala na siyang magagawa dahil nangyari na ang nangyari, ngunit alam niya rin na hindi pa huli ang lahat para baguhin at itama ang pagkakamali. Masuwerte siya at walang masamang nangyari sa kaniyang lolo. Hindi niya alam kung mapapatawad niya ba ang sarili kung napahamak ito dahil sa kaniyang kapabayaan.
Agad-agad na binago ni Jason ang panuntunan sa kanilang ospital: ang tanging mahalaga ay mailigtas ang nasa kapahamakan.
Napagtanto niya na tunay ngang hindi mo lubusang maiintindihan ang isang bagay maliban na lang kung ikaw mismo ang makakaranas nito.