Abot Langit ang Inis ng Dalaga sa Antipatiko Niyang Kapitbahay; May Lihim pala Itong Itinatago sa Kaniya

Abot Langit ang Inis ng Dalaga sa Antipatiko Niyang Kapitbahay; May Lihim pala Itong Itinatago sa Kaniya

FunLoveStories

“Delivery po!” 

Nang marinig ang pamilyar na tinig ay dali-daling tumayo si Shane para buksan ang pinto ng kaniyang apartment. 

Awtomatiko siyang napangiti nang ang maaliwalas na mukha ni Aira ang sumalubong sa kaniya. Bitbit nito ang order niya.

“Ate Shane!” nakangiting bati nito. 

Si Aira ay ang “delivery girl” na nakapalagayan niya na. Magaan ang loob niya rito lalo pa’t kaedad ito ng nakababata niyang kapatid. 

Sa dalas niyang bumili ng kung ano-ano online ay halos linggo-linggo nang may dine-deliver si Aira sa bahay niya. Naalala niya pa noong unang beses na kinausap niya ito. 

“Hindi ka ba naiinis na paulit-ulit kang nagde-deliver rito?” tanong niya sa seryosong delivery girl. 

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niya itong ngumiti. 

“Hindi po, Ma’am. Nagpapasalamat nga po ako, kasi dahil sa inyo, may trabaho ako,” nakangiting tugon nito. 

Simula noon ay lumaki nang lumaki ang bilib niya sa dalaga. Napakasipag kasi nito, napakabait, at magalang. Ito raw ang breadwinner sa pamilya. 

Kaya naman sa t’wing nagde-deliver ito ay binibigyan niya ito ng malaki-laking tip. Madalas niya rin ito pabaunan ng kung ano-anong pagkain at inumin. 

Parang kapatid na nga talaga ang turing niya rito, kaya nang lumaon, imbes na “Ma’am” ay “Ate” na ang itinawag nito  sa kaniya. 

“‘Te, wala pang pakain diyan? O kaya inumin man lang?” nakangising hirit nito. 

Napahalakhak na lang si Shane sa tanong nito.

“Alam mo, ibang-iba ka na sa dating Aira. Medyo kumapal na ang mukha mo, neneng,” biro niya, kaya naman nagkatawanan sila nang malakas. 

Naudlot ang tawanan nila nang isang baritonong boses ang nagsalita mula sa likod ni Aira. 

“Pakihinaan naman ang mga boses niyo. Parang kayo lang ang tao rito, eh,” masungit na wika ng lalaki. 

Agad na tumiklop si Aira. “Sorry po, Sir. Hindi na po mauulit.”

Tila nakonsensya naman ito dahil sa inakto ni Aira. 

“Hindi ikaw, hija. ‘Yung kausap mo,” anito na itinuro pa siya bago pumasok sa unit na katabi niya. 

Nakaalis na ang lalaki nang makabawi si Shane sa pagkabigla. 

“Antipatiko talaga ‘yung Blue na ‘yun! Kala mo gwapo!” inis na bulalas niya. 

Unang araw pa lang nito roon ay hindi niya na ito nakasundo. Aksidente niya kasing nabangga ito noon. Tinanong ba naman siya kung bulag ba siya! Maldito! 

Si Aira naman ay nanunukso ang tingin na ibinato sa kaniya. 

“Gwapo ng bagong kapitbahay mo, ‘Te! Bagay kayo!” halos magtatalon ito sa sobrang kilig. 

Napaismid na lang siya. “Hay naku. Sungit-sungit nun. Pinaglihi yata sa sama ng loob!” inis na pakli niya sa sinabi ng kausap. 

Nang mga sumunod na araw ay mas lalo lamang siyang nanggalaiti sa kaniyang antipatikong kapitbahay. 

Inireklamo ba naman kasi siya nito! 

“Nakanta po siya sa umaga, hindi naman ho maganda ang boses niya,” seryosong saad nito sa kanilang mabait na landlady na kilala bilang si “Tita Tessie.”

“Shane, ‘wag mo namang bulabugin ang kapitbahay mo!” napapabungisngis na sabi sa kaniya ng matanda. Tila aliw na aliw ito sa alitan nila ng kaniyang kapitbahay. 

“Tita Tessie! Palayasin mo na nga ‘yan dito!” inis na wika niya. 

Isang masamang tingin ang ibinato niya sa binata bago siya nag-walk out sa sobrang pagkapahiya.

“Nakakainis siya!” gigil na gigil na tili niya. 

Nabawasan ang inis niya nang marinig ang sumigaw sa labas ng kaniyang unit. 

“Ate! Delivery!” tila nagmamadaling sigaw ni Aira.

Napakunot noo si Shane. 

“Wala naman akong order?” takang tanong niya bago binuksan ang pinto. 

Bumungad sa kaniyang si Aira na may bitbit na isang pumpon ng rosas sa kanang kamay, habang isang kahon ng cake naman sa kabila. 

“Ate! May nag-order para sa’yo!” tila kilig na kilig na sabi nito. 

“Sino naman?” aniya. 

Umiling ito. 

“Hindi ko alam, ‘Te. Order lang ‘to tapos pinapadala sa address mo. Baka admirer mo!” ngiting-ngiting sabi nito. 

Dahil hindi niya kakilala ang nagpadala ay wala siyang ibang nagawa kundi tanggihan ang bulaklak at cake. 

“Sayang naman, ‘Te! Akin na lang,” nakangusong sabi ni Aira. 

Pinandilatan niya ito. “Lukaret ka! Hindi natin ‘yan pwede kunin! Baka mamaya may lason ‘yan o kung ano! Sige ka, ikaw rin!” pananakot niya sa dalaga.

“Sabagay…” anito. 

Nang mga sumunod na linggo ay tuloy-tuloy pa rin ang pagdating ng bulaklak sa bahay ni Shane.

“Hindi mo ba talaga alam sino nagpadala? Malalaman mo naman ‘yan sa kompanya niyo,” pangungulit niya kay Aira. Kahit kasi papaano ay interesado rin siya na malaman kung sino ang misteryosong tao. 

Lumikot ang mata ni Aira. 

“H-hindi ko nga k-kilala talaga ‘Te. Saka kahit alam ko, bawal ‘yun. Mawawalan ako ng trabaho,” umiiling na sabi nito. 

Noon naman sumabat sa usapan nila ang magaling niyang kapitbahay na napadaan lang. 

“Baka naman ikaw ang nagpadala niyan sa sarili mo,” bulong nito, na hindi nakaligtas sa pandinig niya. 

Inis na hinarap niya ang lalaki. 

“Hoy! Ano bang problema mo?”

Lumingon ito bago nang-aasar na ngumiti. 

“Wala lang. Naisip ko lang. ‘Wag kang magalit, kung hindi naman totoo,” pilosopong sagot nito. 

“Bakit mo naman naisip na papadalhan ko ang sarili ko? Baliw ka ba?” maanghang na banat niya sa lalaki. 

Bago pa ito makasagot ay umawat na si Aira. 

“Sandali! Bago pa kayo magsigawan. Magkaaminan nga tayo. Bakit ba kayo inis na inis sa isa’t isa?” tanong ni Aira. 

“Mayabang kasi, lagi niya akong iniinis!” asar na tugon niya. 

Bumaling si Aira sa lalaki.

“Ikaw naman po, Sir Blue, bakit lagi mong iniinis si Ate Shane?” 

Hindi sumagot ang lalaki. Nanatili itong nakatingin sa malayo.

Ang sumunod na sinabi ni Aira ang labis na nagpagulat sa kaniya. 

“Kasi kung inis na inis ka kay Ate Shane, bakit lagi mo siya pinapadalhan ng bulaklak? Ayaw ko po sanang ibuko ka, kaso nag-away pa kayo sa harap ko, eh,” ani Aira.

Napanganga siya sa labis na gulat. 

“I-ikaw? Sa’yo galing ang mga bulaklak?” gulat na bulalas niya. 

Pulang-pula ang mukha ng lalaki. Marahil ay hindi nito inaasahan na mabibisto ito sa harapan niya mismo, 

“Mauuna na po muna ako. Mukhang may pag-uusapan kayo ni Sir Pogi, ‘Te. ‘Te sabihin mo ‘wag ako isumbong sa kompanya ha. Para naman sa love life mo, kaya binuking ko na,” natatawang bulong ni Aira bago ito umalis. 

“S-sorry, Shane. H-hindi ko lang a-alam k-kung paano mo a-ako mapapansin kung h-hindi kita iinisin…” utal-utal na pag-amin ni Blue. 

Malayong-malayo ito sa masungit niyang kapitbahay!

Nang makita niya ang kaawa-awang nitong mukha na pulang-pula sa hiya ay tila naglahong parang bula ang inis niya sa lalaki. Hindi kasi siya sanay na hindi ito nang-aasar. 

“Y-yaan mo na ‘yun, basta ‘wag mo na kong pagtripan. Pati kay Tita Tessie, pinahiya mo ako eh…” malumanay na sagot niya sa lalaki. 

“Eh hindi naman talaga maganda ang boses–”

Bago pa nito matapos ang sasabihin ay inis na nahampas niya na ito sa braso, dahilan para mauwi ang asaran nila sa halakhakan. 

Makalipas ang isang linggo ay pormal na nanligaw sa kaniya si Blue. Pagkaraan ng tatlong buwan ay sinagot niya ang binata at opisyal sila na naging magkasintahan. 

Salamat sa kanilang kupido, ang makulit na si Aira, at nagkalabasan sila ng tunay na damdamin. Marahil ay totoo ang sikat na kasabihan: the more you hate, the more you love! 

More Stories