Inday TrendingInday Trending
Iniasa ng Mag-asawa ang Lahat sa Nag-iisa Nilang Anak; Isang Pangyayari ang Gumising sa Kanila

Iniasa ng Mag-asawa ang Lahat sa Nag-iisa Nilang Anak; Isang Pangyayari ang Gumising sa Kanila

“‘Nay, pasok na po ako sa trabaho,” paalam ng anak ni Lorna na si Ralph.

“‘Nak, sandali,” pigil niya sa binata.

Agad naman itong lumapit sa kaniya. Nang mabistahan niya ang mukha ng anak ay noon niya napansin na tila nangayayat ito.

“Parang pumayat ka yata?” puna niya.

Umiling ito. “Guni-guni niyo lang po ‘yun,” anito.

“Bakit po, ‘Nay?” kapagkuwan ay tanong ng anak.

Noon naalala ni Lorna ang pakay.

“Baka naman may pera ka pa, anak. Wala na kasi tayong pambayad ng kuryente,” aniya sa anak bago inilahad ang kamay.

Ilang sandali rin itong hindi nakaimik. Tila nagdadalawang isip.

“Sige na, noon nakaraang sweldo naman, kulang ng dalawang libo ang bigay mo. Alam ko may ekstra ka pa riyan,” wika niya pa.

Dumukot rin naman ito sa bulsa bago siya inabutan ng isang libo.

“Pwede na po muna siguro ‘to, ‘Nay? Wala na ho kasi akong ekstra, ilang araw bago ang sweldo,” anito.

Napangiti nang malawak si Lorna.

“Ay, pwede na ito, anak! Sige na, mag-ingat ka sa pagpasok, ha!” pasimpleng taboy niya sa binata.

Nang makaalis ito ay hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Agad niyang tinungo ang bahay ng kaniyang kumare na si Susan.

Naabutan niyang marami-rami nang tao roon. Naroon na nga rin ang asawa ni Domeng!

Nang makita siya ng asawa ay agad na kumunot ang noon nito.

“Ba’t ka nandito? Kala ko ba wala kang pera?” tanong nito.

Ngumisi siya.

“Binigyan ako ni Ralph. Isang libo,” natatawang kwento niya sa asawa.

“Anak ng tokwa naman! Nauto mo na naman! Ako hindi na makahingi, kota na ako eh!” natatawa ring komento nito.

Ilang sandali pa ay pokus na pokus na ang mag-asawa sa hawak nilang mga baraha. Ngunit wala ni isa sa mag-asawa na pinanigan ng swerte. Sunod-sunod ang pagkatalo ng dalawa.

“Wala na akong pampuhunan. Hihiram ako kay Susan,” baling niya sa asawa.

Agad naman itong kumontra. “‘Wag na! Baka matalo ka lang lalo. Umuwi ka na lang!” anito.

“Hindi, hindi, sayang naman, baka makabawi pa ako, eh!”

“Bahala ka riyan. ‘Wag mong sabihin na hindi kita binalaan ha,” sabi pa nito bago umuwi at iniwan siya.

Mahigpit ang hawak niya sa dalawang libo na pinahiram ng kaniyang kumare.

“Kailangan manalo,” sa loob-loob niya.

Ngunit ilang minuto lang ay tila nilipad ng hangin ang dalawang libo niya.

“Mare, asahan ko sa sweldo ‘yung utang mong pera, kasama tubo, ha!” sigaw pa ni Susan nang paalis na siya.

“O-oo, mare!”

Habang naglalakad pauwi ay gumagana ang isip ni Lorna.

“Hihingi na lang ako kay Ralph,” sa isip-isip niya.

Ngunit nang dumating ang araw ng sweldo ay tila lumaki lang ang problema niya. Imbes kasi anim na libo ay tatlong libo lang daw ang kayang ibigay ni Ralph para sa kinsenas na iyon!

Agad na tumaas ang boses ni Lorna dahil sa pag-iinit ng kaniyang ulo.

“Ano? Tatlong libo? Anong mararating nito?” inis na pakli niya sa anak. Kung kailan naman kasi kailangan niya ng pera, saka siya nito tinitipid.

Nakatungo lamang ito. Hindi nagsasalita.

“Noong nakaraang sweldo, apat na libo lang ang binigay mo! Ano ba naman ‘yan, Ralph?” talak niya pa sa anak.

Umaasa siya na kahit papaano ay dadagdagan nito ang bigay sa kaniya.

“”Wag mo namang pagdamutan–”

Bago niya pa matapos ang sasabihin, ikinagulat niya nang walang ano-ano ay mabuwal si Ralph. Nang lapitan niya ang anak ay wala itong malay.

Tarantang tinawag niya ang asawa. Nagtawag naman ito ng kapitbahay para maisugod nila ang ang anak sa ospital.

Nanginginig ang mga kamay ni Lorna habang papunta sa ospital. Ano ang nangyari kay Ralph? May sakit ba ito?

Napaluha siya nang mamasdan ang mukha ng anak na walang malay. Nakapikit ito ngunit halatang-halata sa mukha nito ang pagod.

Grabe ang pagsisisi ni Lorna nang marinig ang payo ng doktor.

“Matigas ho kasi ang ulo ng anak n’yo. Nanggaling na ‘yan dito noong isang nakaraang buwan dahil nawalan siya ng malay sa trabaho dahil sa kawalan ng pahinga. Sinabi ko nang magpahinga kahit isang linggo, hindi sinunod. Kaya ‘yan. Kapag hindi nakapagpahinga ‘yan, tuloy-tuloy lang babagsak ang katawan niyan. Alagaan niyo ho ang anak niyo,” mahabang litanya ng doktor.

Napahagulhol na lang si Lorna. Maging si Domeng ay bahagya ring napaluha. Alam kasi nila na sila ang nagpabigat ng buhay ng kanilang anak.

Tumatak sa isip ng mag-asawa ang huling sinabi ng doktor.

“Alagaan niyo ho ang anak niyo.”

Habang nagpapakasarap silang mag-asawa sa pagsusugal ay ganoon na lamang ang paghataw ng anak nila sa trabaho.

Noon naman dumilat ang mata ni Ralph. Agad bumakas ang pag-aalala sa mata nito nang mapagtanto kung nasaan ito.

“‘Nay, uwi na po tayo. Mahal dito…” nanghihinang sabi nito.

Hinaplos niya ang buhok ng anak.

“Wala kang dapat ipag-aalala, anak. Magpahinga ka lang diyan.”

Umiling ito.

“Hindi po, Nanay. Ayoko po na ipangutang niyo ako. Wala na naman tayong pera niyan,” pagpupumilit nito.

Nang hindi siya pumayag ay wala itong nagawa.

“Sorry po, Nanay. Naging pabigat pa ako. Imbes na ako na ang bahala sa inyo ni Tatay, ito pa ang nangyari,” malungkot na bulong nito.

Bumuhos ang luha ni Lorna.

“Hindi, anak. Ako ang nagkulang. Umasa kami sa’yo nang lubos. Kami ang magulang mo, at ikaw ang anak. Ikaw ang dapat inaalagaan namin. Sorry, Ralph…” aniya sa anak.

Sising-sisi ang mag-asawa. Dahil sa bisyo nila mag-asawa ay nalimutan nila na gampanan ang tungkulin nila bilang mga magulang.

Dahil sa nangyari ay tuluyan nang nagbago ang mag-asawang Lorna at Domeng. Imbes na waldasin ang pera na pinaghihirapan ng kanilang unico hijo ay ginagamit nila iyon upang unti-unting mapabuti ang buhay nilang mag-anak.

Bilang isang pamilya, dapat ay hangarin natin na tulungan ang isa’t isa, imbes na hilahin ang lahat pababa!

Advertisement