Inday TrendingInday Trending
Pinagpatuloy pa rin ng Ginang na Ito ang Selebrasyon ng Kaarawan kahit Pandemya, Napalitan ng Luha ang Ligayang Kaniyang Naramdaman

Pinagpatuloy pa rin ng Ginang na Ito ang Selebrasyon ng Kaarawan kahit Pandemya, Napalitan ng Luha ang Ligayang Kaniyang Naramdaman

“Mare, huwag na huwag kang mawawala bukas, ha? Marami akong ilulutong pagkain at siguradong papalanguyin kita sa alak!” bungad ni Marjorie sa kaniyang kumare nang kaniya itong tawagan sa telepono.

“Naku, mars, hindi ba bawal muna ngayon ang ganoong klaseng pagdiriwang?” sagot nito na ikinakunot ng noo niya.

“Bakit naman bawal? Minsan lang sa isang taon ang kaarawan ko, eh, pagbabawalan pa nila ako!” sagot niya rito.

“Syempre, mars, may kumakalat pang sakit ngayon, eh. Mahirap na kapag natunton tayo ng mga pulis, baka sa kulungan ka pa magdiwang ng kaarawan mo,” pag-aalinlangan nito dahilan para bahagya nang tumaas ang dugo niya.

“Diyos ko, kakaunti lang naman kayong inimbitahan ko! Pupwede naman siguro ‘yon! Saka, imposibleng matunton pa tayo ng mga pulis dahil tago naman ‘tong bahay namin!” pangangatwiran niya pa rito habang umiiling-iling.

“Kinakabahan ako sa plano mong ‘yan, mars, eh. Bukod pa roon, baka magkahawaan pa tayo ng sakit,” sabi pa nito na talaga nga namang ikinagalit na niya. “Ang sabihin mo, ayaw mo lang magpunta! Kahit kailan talaga, kj ka!” bulyaw niya rito na ikinagulat ng kaibigan. Bago pa man ito makasagot, agad na niyang binaba ang tawag dahil sa pagkainis na nararamdaman.

Kahit na may kumakalat ng sakit sa kanilang lugar, panay pa rin ang pakikipag-jamming ng ginang na si Marjorie sa kaniyang mga kaibigan, kapitbahay, o kung sino mang dumalaw sa kanilang bahay.

Hindi siya naniniwalang may kumakalat na sakit dahil nga sa tinagal-tagal niyang pakikipagsalamuha kung kani-kanino, hindi pa siya nadadala sa ospital o kahit nakararamdam man lang ng malubhang sakit. Palagi lang siyang inuubo at sinisipon na agad din namang gumagaling.

Tiwala rin siyang hindi siya mahuhuli ng mga kapulisan dahil bukod sa malakas siya sa kanilang barangay, tago pa ang bahay niya na malapit sa dagat dahilan para kaniyang isipin na imposibleng matunton pa ang darating na pagdiriwang na pinlano niya ng mga pulis.

Kinabukasan nang araw na iyon, kahit na may nararamdamang tampo sa kumare, tinuloy niya pa rin ang pagpapakain at pagpapainom sa mga kaibigan at kapamilya.

Dahil nga alam ng kanilang buong lugar na siya’y magpapakain at magpapainom dahil nga kaarawan niya, dinagsa ng mga tao ang kaniyang bahay. Syempre, bilang isang ginang na palakaibigan, lahat ito ay tinanggap niya at pinakain.

Kahit na umugong na ang sirena sa kanilang lugar, hudyat na sumapit na ang curfew, hindi pa rin siya nagpatinag. Pinagpatuloy niya ang pagpapainom sa mga kabaro at naglabas pa siya ng videoke upang mas maging masaya ang mga ito.

Buong gabi silang nagkantahan, nag-inuman, sigawan, at kwentuhan na para bang wala silang napeperwisyong mga kapitbahay.

Bandang ala una ng madaling araw, habang sumasayaw-sayaw pa siya sa awitin ng isa sa kaniyang mga kaibigan, bigla siyang napatingin sa isang mataas na lalaking nanunuod lang sa ginagawa niya dahilan para siya’y mapatigil at kilalanin kung sino ito.

At nang mapagtanto niyang nakauniporme ito na pangpulis, agad siya’y nagsisisigaw.

“Tumakbo na kayo may pulis!” sigaw niya.

Ngunit bago pa man makatakas ang kaniyang mga bisita, silang lahat ay pinadapa na nang hindi bababa sa sampung mga pulis na nakapalibot sa bahay niya.

“Lahat kayo, kailangang magpa-swabtest! Tapos sa kulungan ang bagsak niyong lahat! Mga pasaway!” sigaw ng nakita niyang pulis na talagang ikinanginig ng buo niyang kalamnan.

Katulad ng sinabi nito, sapilitan silang pinatingin ng mga ito sa doktor upang malaman kung sila’y may nakahahawang sakit. Habang hinihintay ang resulta, sila’y ikinulong sa isang silid.

Ramdam na ramdam niya ang pagsisisi ng kaniyang mga bisita sa pagdalo sa kaniyang kaarawan dahilan upang siya’y makaramdam nang matinding pangongonsenya.

“Ikaw dapat ang magpiyansa sa amin dito!” sigaw sa kaniya ng isa niyang kapitbahay na sinegundahan ng iba na galit na galit sa kaniya.

Pagkalipas lang ng magdamag, napag-alamanang lahat sila ay positibo sa kumakalat na sakit at kailangang ilagay sa isolation area na labis niyang ikinagulat.

Hindi man niya alam ang kailangan niyang gawin dahil sa pagkatulirong nararamdaman, sumunod na lang siya sa pinag-uutos ng mga pulis.

Mabuti na lang talaga, paglipas lang ng dalawang linggo, siya’y muli nang gumaling at napiyansahan ng kaniyang asawa sa abroad.

Ngunit dahil nga kapos din siya sa pera, naiwan sa kulungan ang mga kapitbahay at kaibigan niyang walang pera pangpiyansa sa nagawa nilang kasalanan sa batas ngayong pandemya.

“Bakit ba kasi pinilit ko pang magdiwang nang engrande noong kaarawan ko? Sana nakinig na lang ako sa matalik kong kaibigan,” pagsisisi niya habang siya’y paalis sa kulungang iyon.

Paglaya niya, gumawa siya ng paraan upang mapiyansahan ang tatlo niyang kapitbahay na naiwan sa kulungan. Nangutang siya kung kani-kanino at nagbenta ng kung anu-anong gamit hanggang sa tuluyan na niyang nailabas ang mga ito sa kulungan.

“Ngayon, magtatanda na ako. Kailangan kong sumunod sa mga alintuntunin ng pamahalaan dahil hindi biro ang kumakalat na sakit ngayon,” iyak niya, isang araw habang siya’y naglalabada sa pinag-utangan niyang ginang.

Advertisement