
Tinanggihan ng Binatang Ito ang Hiling ng Kapatid Niya na Siya’y Magsuot ng Bestida, Bakit Kaya Niya Ito Pinagsisihan?
“Kuya, pupwede mo ba sukatin ‘yong bestidang regalo sa akin no’ng bespren ko? Gusto ko lang malaman kung babagay ba ‘yon sa akin kung sakaling gumaling na ako,” sabi ni Jaimee sa kaniyang nakatatandang kapatid, isang umaga nang maisip niya ang bestidang gustong-gusto na niyang suotin.
“Naku, bunso, bagay na bagay sa’yo ‘yon! Ang ganda-ganda mo, eh! Saka, sigurado akong gagaling ka kaya dapat ikaw na ang magsukat no’n! Huwag na ako, pagtatawanan mo lang ako, eh,” sagot ni Ron habang inaayos ang mga aparatong nakakabit sa katawan ng kapatid.
“Sige na, kuya, gusto kong makita na suot mo ‘yon!” pangungulit pa nito habang nagpapaawa pa.
“Ayoko nga! Panigurado kukuhanan mo pa ako ng bidyo tapos ilalagay mo sa social media mo! Magpagaling ka na lang d’yan para ikaw na mismo ang makapagsuot no’n!” tugon niya na ikinalungkot ng mukha nito.
“Please?” pangungumbinsi pa nito.
“Bahala ka riyan! Papasok na ako sa trabaho!” paalam niya rito saka na niya ito tuluyang iniwan sa kwarto.
“Kuya naman, eh, ayaw pa ako pagbigyan!” sigaw pa nito na hindi niya inintindi at nagpatuloy sa pag-alis sa kanilang bahay.
Halinhinan ang binatang si Ron at ang kaniyang ina sa pag-aalaga sa nakaratay niyang bunsong kapatid dahil sa malubha nitong sakit sa buto. Madalas man siyang walang tulog o kahit pahinga bago pumasok sa trabaho, patuloy niya pa ring inaalagaan at binabatayan ang kapatid na makina na lamang ang bumubuhay.
Gustuhin man niyang patigilin na sa trabaho ang kaniyang ina upang ito na lang ang mag-alaga sa kaniyang kapatid, hindi niya magawa dahil kailangan nilang parehas na kumita upang maipagpatuloy ang gamutan ng mahina na niyang kapatid.
Ginagawa at binibigay niya lahat ng gusto ng kapatid niyang ito noong mga unang linggong maratay ito. Kaya lang, ngayong magtatatlong buwan na itong nakaratay, bahagya na siyang nakakaramdam ng pagkasawa sa pag-aasikaso rito. Lalo na tuwing siya’y pinagtitripan nito.
Nang araw na ‘yon, kahit na kitang-kita niya sa mga mata ng kapatid na gustong-gusto nitong suotin niya ang bestidang matagal na nitong gustong suotin, hindi niya ito pinagbigyan dahil bukod sa pagod na siya, alam niyang pagtatawanan lang siya nito.
Pagkatapos niyang takasan ang kapatid, nagpaalam lang siya sa nanay niyang kakarating lang galing trabaho saka na siya agad na umalis papuntang trabaho.
Kaya lang, habang siya’y nasa trabaho, wala pang isang oras ang nakakalipas simula nang umalis siya sa kanilang bahay, siya’y labis na nagtaka sa biglaang pagtawag ng kaniyang ina na kaagad niyang ikinabahala.
Dali-dali siyang nagtungo sa palikuran ng kanilang opisina at doon sinagot ang tawag ng ina.
“O, mama, napatawag po kayo?” bungad niya rito ngunit walang sumasagot, “Mama? Huwag naman po kayong gan’yan, kinakabahan tuloy ako, eh,” dagdag niya pa.
“A-anak, iniwan na tayo ni bu-bunso,” sagot nito sa gitna ng mga hikbi saka tuluyan na itong humagulgol.
Agad na nanlamig ang buong katawan niya nang marinig iyon dahilan para mabitawan niya ang hawak na selpon.
“Hindi, hindi pwede!” sabi niya sa sarili habang pinipigilang umiyak saka na siya agad na nagpaalam na umuwi. Pagkauwi niya, naabutan niyang yakap-yakap ng kaniyang ina ang nakatalukbong na niyang kapatid na talaga nga namang ikinaguho ng mundo niya.
Doon na siya nagsimula humagulgol at yumakap sa kapatid niyang ito.
“Bunso, hindi ba’t gusto mong suotin ko ang bestida mo? Sige na, susuotin ko na, magising ka lang. Ano pa bang gusto mo? Gusto mo rin ba akong makitang naka-make-up at kuhanan ng litrato na ilalagay mo sa social media mo? Payag na si kuya, bunso, idilat mo lang ‘yong mga mata mo!” hagulgol niya na lalong ikinaiyak ng kaniyang ina.
Naglupasay man siya at nagmakaawa sa Panginoon na ibalik ang buhay ng kapatid niya, tila huli na ang lahat.
“Sa huling pagkakataon na dapat mapapasaya kita, tinanggihan pa kita. Ngayon, bunso, ikaw na ang may suot ng bestida, napakaganda mo. Bagay na bagay sa’yo,” mangiyakngiyak niyang sabi sa kapatid nang makita niya ito sa loob ng kabaong suot-suot ang bestidang pinapasukat nito sa kaniya.
Doon niya rin pinangako sa kapatid na hinding-hindi niya papabayaan ang kanilang ina na labis ngayong nangungulila. Nahirapan man siyang tanggapin ang pagkawala nito dahil sa pangongonsenya at panghihinayang na nararamdaman, pinilit niyang magpakatatag para sa kaniyang ina.
Simula noon, wala na siyang sinayang na oportunidad upang mapasaya ang kaniyang ina. Ayaw na niyang muling maulit ang panghihinayang na kaniyang naramdaman nang minsan niyang hindi mapasaya sa huling pagkakataon ang bunso niyang kapatid.