
Hiniwalayan ng Dalagang ito ang Kinakasama dahil sa Kapalpakan Nito, Lumuwa ang Mata Niya ng Makita Ito sa Billboard
“Mars, lilipat na ba ng bahay ng kinakasama mo? May nakita ba kayong mas murang paupahan? Baka pupwede ko namang malaman kung saan para makamenos din ako sa renta,” sabi ni Marimar sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang makita niyang naghahakot ng mga gamit ang kinakasama nito.
“Hindi kami lilipat, siya lang ang aalis sa apartment na ‘to,” sagot ni Wendy sa binabae niyang kaibigan na ikinagulat nito.
“Huwag mong sabihing inaway mo na naman ang gwapong binatang ‘yan, ha?” wika pa nito habang awang-awa tinitingnan ang binatang tahimik na naghahakot ng gamit.
“Hindi lang inaway! Nakipaghiwalay na ako riyan! Nakakasawa na ang pagkainutil niyan! Pati ATM ko, winala! Paano kung may makapulot no’n at makuha lahat ng pera ko?” galit niyang tugon.
“Naku, sigurado naman akong hindi niya ‘yon sadya. Kitang-kita naman kung paano niya sinusubukang mapasaya ka. Ikaw naman, agad kang nagpadala sa init ng ulo mo!” saway nito sa kaniya habang siya’y tinatapik-tapik sa likuran.
“Hanggang kailan ko titiisin ang kapalpakan niyang bw*sit na ‘yan, ha? Wala na nga siyang problema sa pagkain at bayarin, ako na nga ang nagtatrabaho, eh, tapos palpak pa kapag inutusan mo!” bulyaw pa niya upang marinig ng naturang binata na ngayon ay umiiyak na habang nagbubuhat ng sariling gamit.
“Kumalma ka! Halika nga, aahitan na lang kita ng kilay!” yaya ng naturang binabae saka siya agad na dinala sa parlor nito.
Palaging pinapahiya, sinisigawan, at minumura ng dalagang si Wendy ang kinakasama niyang binata. Lagi na lang kasi itong pumapalpak sa kaniyang mga pinag-uutos na talaga nga namang ikinagagalit niya.
May pagkakataon pa nga na naiwan nito ang bagong bili niyang bisikleta nang minsan niya itong utusang mamalengke na kaagad na nawala, may araw pang naiiwan nitong bukas ang kanilang apartment kapag sila’y aalis, at palagi pa itong nakakasunog ng sinaing dahilan para ganoon na lang mag-init ang dugo niya rito.
Palagi niyang sabi rito, “Sana talaga hindi ako tumingin sa panlabas na anyo mo, eh, kasi pogi ka lang pero wala kang silbi!” na ikinaiiyak na lang nito.
Ngayong ATM niya ang nawala nito, hindi na niya makita ang dahilan para ipagpatuloy pa ang pakikipagrelasyon dito kaya agad na niya itong hiniwalayan at pinalayas.
May araw mang nami-miss niya ang presensya ng binata sa kaniyang apartment, ito’y tiniis niya at nagpakaabala sa trabaho.
Kaya lang, isang buwan pa lang ang lumipas simula nang mapalayas niya ito, siya naman ay biglang nawalan ng trabaho. Dahil nga wala siyang ibang masasandalan at siya’y may mga bayaring kailangang pagtuunan ng pansin, siya’y agad na naghanap ng trabaho sa Maynila.
Ngunit pagkababang-pagkababa niya sa Maynila, larawan ng pinalayas niyang binata ang una niyang nakita. Nasa isang malaking billboard ito na may mga kataga pang nakasulat na, “Magbigay pugay sa bagong mukhang magpapakilig sa inyong lahat!”
Dahil hindi siya makapaniwala kung ito nga ba ang dati niyang kinakasama, agad niya itong hinanap sa social media, at ganoon na lang siya napaupo sa panghihina nang malamang isa na pala itong artista at ngayo’y pinagkakaguluhan ng mga tao sa buong bansa dahil sa angking kagwapuhan.
“Diyos ko! Bakit mo ako hinayaang palayasin ang binatang ‘to?” sigaw niya.
“Kung hindi mo ako pinalayas, baka wala ako ngayon sa kinalalagyan ko,” sabat ng isang pamilyar na boses dahilan para siya’y biglang mapalingon.
“Kamusta ka na?” tanong ng naturang binata sa kaniya at halos mapatulala lang siya sa kagwapuhang taglay nito na bumagay sa mamahaling suot nito.
Pagluha lang ang tangi niyang nasagot dito dahilan para siya’y isakay nito sa sasakyan at doon masinsinang kausapin.
Doon niya ikinuwento rito ang kalagayan niya ngayon at ang pagsisising nararamdaman niya dahil sa ginawa niya rito. At halos malaglag ang panga niya sa pagkabigla nang marinig ang sagot nito.
“Ginawa ko talaga ‘to para sa’yo. Gusto kong patunayan sa’yo na may silbi ako at kaya kitang buhayin kaya ngayong may maganda na akong trabaho, pwede mo ba akong bigyan ng isa pang pagkakataon?” sabi nito na lalo niyang ikinaiyak.
Siya’y mariin na niyakap nito at sinabing siya’y habang buhay na uunawain at mamahalin. Doon niya labis na napagtanto kung gaano siya kamahal ng binatang dati ay labis niyang minamaliit at pinapahiya sa harap ng iba.
Simula noon, agad na nagbago ang pakikitungo niya sa binata. Hindi dahil sa ito na ang bumubuhay sa kaniya, kundi dahil sa pag-ibig na nararamdaman niya para rito.