
Inis na Nagrereklamo ang Pasahero ng Isang Paliparan Dahil sa Biglaang Pagtigil ng Biyahe Nito; May Magagawa ba ang Piloto Kung Talagang Masama ang Panahon?
“Pasensya na po kayo sir, pero sinusunod ko lang po talaga ang iniutos sa’kin ng admin. Hindi raw maaaring ipilit na lumipad sa himpapawid dahil masama ang panahon at baka kung anong masamang mangyari kapag pinilit na lumipad,” magalang na paliwanag ng babae sa lalaking nagwawala at panay ang reklamo matapos ianunsyo ang pagka-delay ng lipad sa himpapawid ng eroplanong sasakyan nito dahil sa nagbabadyang masamang panahon.
“Miss, hindi pu-pwedeng hindi ako makauwi ngayon, dahil may importanteng selebrasyon akong dadaluhan sa probinsya. Ayokong mawala sa selebrasyong iyon, hindi ba pwedeng ipilit?” inis na reklamo ng pasahero.
“Pasensya na po kayo, sir, pero sumusunod lang po ako sa kung ano ang sinabi ng nasa taas,” magalang at mahinahon pa ring wika ng babae. “Sa ngayon po ay wala tayong dapat na gawin kung ‘di ang maghintay, kung kailan babalik sa normal ang panahon at para pwede na tayong bumiyahe sa himpapawid,” dugtong pa nito.
Inis na sinilip ng lalaki ang kaniyang relong pambisig at muli ay inikot ang tingin sa buong airport. Nag-iisip kung ano ang maaari niyang gagawin.
“Pwede ko bang makausap ang manager niyo?” pakiusap niya. Pero kung iyong pakikinggan ay hindi iyon pakiusap, kung ‘di animo’y isang malakas na singhal.
Imbes na masindak ay nanatiling kalmado ang babae at saka nagsalita sa hawak na radyo, tinatawag ang manager na siyang hinahanap ng lalaking pasahero.
“Talaga bang hindi maaaring lumipad pauwi ngayon? Sobra ba talagang delikado ng sitwasyon? Wala bang ibang paraan para makauwi ako?” natataranta at hindi mapakaling kausap ng pasahero sa manager.
Ngunit gaya ng ginawa ng babaeng kausap niya’y iyon lang din ulit ang narinig niyang sinabi ng manager na kaharap. Kaya ang galit na kanina niya ipinapakita ay mas lalong lumala.
“Hindi ko kailangan ng pasensya! Ang kailangan ko’y makauwi ngayon din! Kaya nga dito ako nagdesisyong sumakay ay para makauwi agad ako sa amin dahil emergency ang pupuntahan ko! Bakit ba hindi niyo ako mahanapan ng paraan? Handa akong magbayad ng malaki, maiuwi niyo lang ako sa probinsya! Paulit-ulit na lang ang sinasabi niyo! Hindi niyo ako binibigyan ng solusyon!” gigil na litanya ng lalaking pasahero.
Lahat ng naroroon ay bahagyang natakot sa pagwawala ng lalaki. May ibang nagagalit na rin rito dahil nagiging makulit na ito at hindi marunong umunawa na hindi nga maaaring ipilit ang paglipad dahil sa nagbabadyang masamang panahon.
Ngunit may iilan naman na nauunawaan ang lalaking nagwawala. May napaka-importante sigurong dapat nitong abutan kaya nanghihingi ito ng solusyon sa problema. Ang kaso’y walang ginagawa ang mga staff kung ‘di ang humingi ng pasensya.
“Pasensya na po kayo, sir, pero ang piloto na mismo ang nagsabing hindi maaaring ipilit ang paglipad sa himpapawid, mino-monitor pa rin namin ang papasok na bagyo sa bansa, sir. Ayon kasi sa isa naming piloto, sasalubong sa dadaanan ng eroplano ang bagyong papasok sa bansa, kaya hindi maaaring ipilit, baka kung ano pa ang mangyari sa mga pasahero. Kaya pasensya na po talaga, kaligtasan ng lahat ang inaalala namin sir,” mahabang paliwanag ng manager.
Isinuklay ni John ang sariling buhok. Kanina lamang niya nabalitaan na nasa ospital ang kaniyang ina, kaya ngali-ngali siyang nag-empake at kumuha ng ticket pauwi ng Cagayan De Oro, ang sabi ng kapatid niya’y naghihingalo na ang mama nila at sabi ng doktor ay baka hindi na ito abutan ng kinabukasan. Kaya umiiyak na nakiusap ang kapatid niya na kung maaari ay pilitin niyang makauwi kaagad dahil kailangan niyang abutan ang mama nila na may buhay pa.
Ngunit paano niya iyon gagawin ngayon kung ang masamang panahon na ang pumipigil sa kaniya? Gusto niyang sumakay na lang sa barko, ngunit tatlong araw muna ang itatagal bago siya makauwi sa Cagayan De Oro, kung mag-bubus naman siya’y mas lalong matatagalan, hindi kagaya kapag nag-eroplano, isang oras mahigit lang ay naroroon na siya.
Hindi na niya alam kung ano ang gagawin kaya napaupo na lang siya sa sahig at hinayaan ang sariling umiyak. Sana abutan pa niya ang ina, sana makita man lang niya itong nakangiti sa kaniya kahit sa huling beses na lang. Sana mahintay pa siya nito, bago ito tuluyang bumigay.
“Kung gusto niyo po sir, ay sumakay na lang po kayo ng private jet, para maihatid kayo sa pupuntahan niyo,” anang manager.
“P-pwede po ba iyon, sir?” aniya. Ang kaninang nawawalang pag-asa ng diwa ay muling nabuhay sa suhestyon nito.
“C-130 po ang gagamitin ninyo, medyo mahal nga lang ang pamasahe niyo sir, pero sigurado iyong maihahatid kayo sa pupuntahan niyo,” anito.
Hindi niya napigilang mayakap ang manager, at panay ang pasasalamat. Sinamahan siya ng manager at inasikaso ang pagsakay niya sa isang private jet. Habang inaasikaso nila ang pagsakay niya’y ipinapaliwanag niya rito ang dahilan ng pagmamadali niya at naunawaan naman iyon ng lalaking manager.
Bago siya tuluyang sumakay sa C-130 ay niyakap niyang muli ang manager at nagpasalamat. Malaking bagay ang ginawa nito sa kaniya sa araw na iyon. Handa siyang suungin ang masamang panahon, mapuntahan lang ang inang nanghihingalo. Kahit sa huling beses ay nais niya itong makita at mayakap.