Inday TrendingInday Trending
Pinagkatiwalaan Niya ang Kaibigan at Pinatira Ito sa Bahay Niya Noong Nawalan Ito ng Tirahan; Hindi Niya Lubos Akalain na Kaya Siyang Tuklawin Nito

Pinagkatiwalaan Niya ang Kaibigan at Pinatira Ito sa Bahay Niya Noong Nawalan Ito ng Tirahan; Hindi Niya Lubos Akalain na Kaya Siyang Tuklawin Nito

Malakas na suntok ang pinalipad ni Roy sa mukha ng kaibigang si Mario, dahilan kaya nawalan ito ng balanse at diretsong sinalo ng sahig. Duguan ang ilong at bahagyang namamaga ang pisnging tinamaan ng kaniyang kamao.

“Hayop kang traydor ka, Mario!” malakas na sigaw ni Roy sa kaibigan. “Pinagkatiwalaan kita! Sobra akong nagtiwala sa’yo kaya hindi ko kayang paniwalaan ang pangtatraydor mo sa’kin! T@ngina ka!” nang-uugat niyang singhal. Gusto niyang durugin ang kaibigan! Gusto niyang wakasan ang buhay nito at utangin na lamang iyon upang kahit papaano’y mawala ang galit at inis na nararamdaman niya.

“Pinatira kita sa bahay ko, itinuring kitang pamilya! Naawa ako sa’yo dahil alam ko ang pakiramdam na isinusuka ka na ng mundo at hindi mo alam kung saan ka pupunta,” puno ng emosyong sambit ni Roy.

“Pero hindi ko kailanman naisip na ikaw pa ang magpapahamak sa anak kong dalaga!” maluha-luha sa galit na wika ni Roy. “Kung hindi ka mabubulok sa kulungan ay sisiguraduhin kong mamamat*y ka sa kamay ko!”

Malakas na pwersang pinipigilan siya ng kaniyang asawang si Olive na huwag nang masaktan nitong muli si Mario. Tumawag na rin siya kanina ng pulis upang dakipin ang lalaki. Nagulat na lamang silang lahat dahil iyak nang iyak at hindi makausap nang matino ang panganay nilang anak na si Irish, nagkukulong lamang ito sa kwarto at ayaw magsalita kapag kinakausap.

Kanina, habang pinipilit ni Olive na kauspain ang anak na babae ay saka lamang ito umamin na pinasok ito ni Mario sa kwarto at pinagsamantalahan, kaya labis ang pagkamuhi ni Olive sa lalaki at gano’n din si Roy. Hindi nagdalawang-isip ang mag-asawa na palayasin at ipakulong ang ahas na kaibigan.

Ilang minuto lang ay naroon na ang mga pulis upang dakipin si Mario, kusang-loob naman itong sumama sa mga pulis at panay ang hingi ng tawad sa mag-asawa. Ngunit naubos na ang awa ni Roy para sa kaibigan. Kung pwede lamang niyang ilagay sa kamay ang batas… Kung siya lamang ang masusunod ay kanina pa walang buhay si Mario.

Umiiyak na niyakap ni Roy ang anak na babae. “Patawarin mo ako, anak, kasalanan ko itong lahat.”

Kung hindi niya pinatuloy si Roy, hindi sana mangyayari ang bagay na ito sa anak niyang babae. Kung hindi siya nagpadala sa awa, hindi sana napahamak sa ahas niyang kaibigan ang anak. Kung hindi niya ito pinagkatiwalaan, wala sana sila sa sitwasyong ito ngayon.

“Wala po kayong kasalanan, papa,” humihikbing wika ni Irish.

Makalipas ang ilang pagdinig ay napatunayan sa korte na may sala talaga si Mario. Hindi naman ito kumontra pa at tinanggap na lamang ang hatol sa kaniya. Labis na pagsisisi ang naramdaman niya para sa kaibigang walang ibang ginawa kung ‘di ang pakitaan siya ng kabutihan.

“Roy, alam kong mahirap, pero sana dumating ang araw na maghilom ang lahat ng sugat at magawa mo pa rin akong patawarin,” umiiyak na wika ni Mario, nang minsang dinalaw siya ni Roy.

Kalmado ngunit galit na nakatingin si Roy sa kaibigan.

“Hindi ko alam kung paano ka pa mapapatawad, Mario. Alam mo sa totoo lang gusto kong tapusin ka, gusto kong makitang nahihirapan ka bago ka bawian ng buhay,” nagtatangis ang bagang niyang wika.

“Alam mo, hindi lang dahil sa ginawa mo kay Irish ang ikinagagalit ko sa’yo, Mario. Mas galit na galit ako sa sarili ko dahil bakit pinagkatiwalaan pa kita, gayong isinuka ka na ng lahat ng tao sa paligid mo. Bakit tinanggap pa kita sa pamamahay ko, iyon naman pala’y nagpapakain at nag-aalaga lang ako ng isang malaking ahas na anumang oras ay pwede kaming biktimahin ng buong pamilya ko! Nagagalit ako, kasi nagtiwala ako sa’yo, Mario!” inis at mangiyak-ngiyak niyang naikuyom ang kamao.

“Mabubulok ka sa kulungang ito – sisiguraduhin ko iyon, Mario! Sisiguraduhin ko na pagsisisihan mo ang bawat araw na nabubuhay ka pa!” aniya saka tumayo at walang lingon-likod na naglakad papalayo sa umiiyak na si Mario.

Mabilis siyang maawa sa isang tao, at isa sa malaking halibawa no’n ay si Mario. Nahabag siya rito dahil sa nakita niyang sitwayon nito noong sa lansangan na ito natutulog at walang makain. Kaya nga niya ito pinatira sa bahay niya. Pero anong napala sa awang iyon? Trinaydor siya ng lalaki at biniktima ang anak niyang babae.

Nang dahil sa nangyari, nangako siya sa sarili na hindi na siya magpapadala sa awa. Kailanman ay hindi na siya basta-bastang magtitiwala. Dahil minsan, ‘yong akala mong kilala mo na’y hindi mo pa pala lubos na kilala.

Advertisement