Ikakasal na Sana Siya sa Kaniyang Nobyo nang Malaman Niyang Ikinasal na Siya sa Kaniyang Cenomar; Paano Niya Haharapin ang Problemang Ito?

“Mister Feliciano, hinanap kita kung saan-saan at sinadyang puntahan ka rito sa Baguio upang sabihin na legal akong ikinasal sa’yo at ngayon ay kailangan na nating maghiwalay dahil malapit na akong ikasal sa nobyo ko,” ani Janna.

Isang linggo na rin ang nakakalipas mula noong nalaman niyang kasal siya kay Mr. Diego Feliciano, ang lalaking minsan niyang nakainuman sa kaarawan ni Pia, barkada ng asawa nito ang lalaki, dahilan kaya naroon din ito at nagka-inuman nga sila’t hindi niya na alam ang sumunod pang nangyari dahil ngayong kumukuha siya ng cenomar, dahil isa iyon sa requirements ng kaniyang nalalapit na kasal ay saka lang niya nalaman na kasal siya sa lalaking hindi nga niya kinausap man lang noong nagkainuman sila.

Upang matunton ito’y nagtanong siya kay Pia, at detalyado namang sinabi nito ang lokasyon ng lalaki. Kaya heto siya ngayon, kaharap ang lalaking kaniyang legal na asawa sa papel.

“So nandito ka upang ipawalang bisa ang kasal natin sa papel?” kalmadong tanong ng lalaki.

Hindi niya alam kung bakit parang balewala lamang dito ang katotohanang kasal siya rito, kung kaniyang titingnan ay parang masaya pa nga itong kasal sila, na siyang kabaliktaran sa kaniya.

“Alam mo kasi Miss Janna Genese Feliciano,” pagkumpleto nito sa pangalan niya kasama ang apilyedo nito. “Wala akong balak na ipa-annul ang kasal natin. Masaya ako sa buhay ko, at okay lang rin naman sa’kin na kasal ako sa’yo.”

“Pero hindi iyon okay sa’kin, Mr. Feliciano! May nobyo ako at malapit na akong ikasal, kaya hindi pwedeng manatiling kasal ako sa’yo!”

Paano nga ba nangyari ang sakit sa ulong kasal na ito? Nagsimula ito noong minsang kinausap siya ng kaibigang si Pia na kung pupwede ay pumayag siyang gamitin ang pangalan niya upang magpanggap na siya ang nasa abroad na asawa ng lalaking ito. Kinukulit na raw kasi ito ng mga magulang na mag-asawa sa edad na trenta at kung sino-sino na lang ang babaeng inirereto ng ina rito.

Advertisement

Upang matapos na ang pangungulit nito’y kailangan nito ng ipapakilalang nobya o asawa. Upang makatulong si Pia sa matalik na kaibigan ng asawa’y naisip nitong kausapin siya. Noong una’y tumanggi siya, ngunit nang maipaliwanag nito ang magiging set-up ay pumayag siya. Wala namang mawawala sa kaniya, pangalan at litrato lamang niya ang ipapakilala ng lalaki sa mga magulang, at mag-iimbento ito ng kwentong nasa abroad siya at doon nagtatrabaho.

Hindi niya lubos akalain na ikinasal na siya sa lalaki nang wala siyang alam! Ang sabi ni Pia, ay ginigipit ng nanay nito si Diego, kaya noong minsang sobra silang nalasing ay naglaro sila ng kasal-kasalan at pinapirma silang dalawa ni Diego ni Pia at iyon na ang naging kasal nila. Noong minsang nalasing sila at hindi na alam kung ano ang mga pinaggagawa!

Gusto niyang sabunutan at kalbuhin ang kaibigan, pero ano pa nga ba ang magagawa niya? Nandito na ang problema, ang kailangan na lang ay solusyon.

“Kumpara naman sa nobyo mong si Mister Perfect, mas bagay ka naman kay Diego, ano!” ani Pia, nang minsang pinagalitan niya ito. “Bakit kasi hindi na lang si Diego ang asawahin mo, tutal kasal naman kayo at legal iyon,” dugtong nito.

“Pwede ba, Pia! Hindi ikaw ang magsasabi kung sino ang bagay at nararapat sa’kin! Alam mo, ikaw talaga ang puno’t dulo ng problema ko ngayon e! Sana pala hindi na ako pumayag sa pakiusap mo noon, wala sana ako sa posisyong ito ngayon,” dismayadong wika ni Janna sa kaibigan.

Hindi naman nagdalawang-isip si Diego na tulungan siya sa kaniyang problema na asikasuhin ang annulment ng kasal nila. Ginawa rin naman nito ang lahat nang makakaya upang tulungan siya, ngunit hindi talaga madaling makipaghiwalay rito sa Pilipinas, kaya pareho silang nahihirapan.

Habang pasikreto niyang inaasikaso ang pagpapawalang-bisa sa kasal nila’y umuusad ang araw at nalalapit na ang preparasyon sa kasal nila ng nobyong si Kent. Pakiramdam ni Janna ay isa siyang palaman ng dalawang naglalakihang bato. Naiipit siya at hindi alam kung paanong makakawala sa sitwasyong iyon.

“Bakit kasi ayaw mo pang aminin sa nobyo mo itong problemang kinakaharap mo? Handa naman akong tanggapin ang suntok niya kung maaari para lang makahingi ng pasensya sa nangyari. Siguro naman matatanggap niya ito at baka nga’y tulungan ka pa niya,” suhestyon ni Diego.

Advertisement

“Kilala ko si Kent, at alam kong hindi niya ako mapapatawad kapag nalaman niyang ikinasal ako sa’yo,” malungkot na wika ni Janna. “Kahit ano pa man ‘yong dahilan ko, hindi niya iyon tatanggapin, dahil ang tanging iisipin niya lang ay pinagtaksilan ko siya. Kaya imposible ang sinasabi mong tutulungan niya ako kapag nalaman niya ito.”

“Grabe naman ‘yong nobyo mo, hindi ba pwedeng magkamali? Hindi ka kaya perpekto, at saka hindi mo kasalanan ito, kasalanan ko ‘to lahat, naipit ka lang.”

Malungkot na nilingon ni Janna si Diego. Tama si Pia, kumpara kay Kent ay mas mabait at maunawain si Diego at totoong hindi mahirap mahalin ang lalaki. Pero sa sitwasyon niya ngayon ay wala siyang karapatang pagkumparahin ang dalawang lalaki. Naiipit siya sa sitwasyon na gusto niyang ikasal sa totoo niyang nobyo o makipaghiwalay sa legal niyang asawa.

Tunay ngang walang usok ang kayang itago dahil nalaman rin ni Kent ang nangyayari kay Janna at kay Diego. Galit na galit ito at sinumbatan siya sa lahat ng ginaa nito sa kaniya. Hindi pinakinggan ni Kent ang eksplanasyon nila ni Pia, Diego at nang kung sino man. Wala ni isang pinakinggan si Kent, imbes ay ma naniwala itong pinagtaksilan siya ng nobya.

“Alam na alam mo, Janna na ayaw ko sa babaeng manloloko gaya ng mama ko! Pero bakit mo ginawa ito sa’kin! Lingid sa kaalaman ko’y nagpakasal ka na pala sa iba! Ang baboy mo!” gigil na wika ni Kent.

At ora-mismo sa araw na iyon ay nakipaghiwalay sa kaniya ang lalaki. Nasaktan man si Janna, may parte ng puso niya ang gumaan at tila nabunutan ng tinik sa ginawa ng nobyo. Masakit sa kaniyang sa ganoong paraan nauwi ang matagal nilang relasyon, pero ano nga bang naraapat niyang gawin kung ayaw siyang intindihin ng nobyo.

Pinili na muna ni Janna na mapag-isa at paghilumin ang sugat dahil sa lahat ng nangyari sa kaniya. Nasa proseso pa rin ang pagpapa-annul ng kasal nila ni Diego. Ayaw magpadalos-dalos ni Janna sa lalaki, nais niya munang paghilumin ang sarili at kilalanin ang lalaking kaniyang legal na asawa sa papel.

Kung talagang si Diego ang lalaking para sa kaniya, hihintayin nito kung kailan siya magiging handa na tanggapin ito sa buhay niya. Kung tutuusin ay hindi mahirap mahalin ang lalaki, kailangan niya munang gamutin ang sugat at saka titimbangin kung karapat-dapat bang panindigan ang kasal nilang nagsimula lang sa kasinungalingan.