
Para sa Ikasasaya ng Ina ay Sinikap ng Dalagang Maging Perpekto; Itakwil Kaya Siya ng Ina Kapag Nagkamali Siya?
Mangiyak-ngiyak na tumawa si Helen matapos yakapin nang mahigpit ang anak na si Princess, saka masayang nagsalita.
“Masayang-masaya ako, anak, kasi ikakasal ka na ngayon kay Marcus. Alam ko na siya ang lalaking magpapasaya sa’yo, at siya rin ang lalaking magbibigay ng ginhawa sa buhay mo. Magiging masaya ka sa kaniya, anak, alam ko iyon,” aniya.
Matipid na ngumiti lamang si Princess at muling niyakap ang ina. Mula pagkabata ay ang ina na ang nagpalaki sa kaniya, dahil iniwan sila ng kaniyang amang walang ibang ginawa kung ‘di ang magsugal, mambabae, at mag-inom.
Binuhay at pinalaki siya ng ina sa sarili nitong pagsisikap, kaya naman lahat ng ginagawa at gagawin niya’y para lahat iyon sa kaniyang ina. Mula sa pagpili ng maisusuot, dapat ay aprubado iyon ng kaniyang mama, sa pagkain at pagmi-maintain ng kaniyang diet ay dapat alam ng kaniyang mama, at kahit sa buhay pag-ibig, dapat ang mama niya ang masusunod.
Lahat ng ginagawa niya’y dapat aprubado nito dahil ayaw ng kaniyang mama na magaya siya nito noong kabataan nito na maraming pagkakamali ang nagawa at mga palpak na desisyong labis nitong pinagsisihan, isa na roon ay ang pagpili nito sa kaniyang ama.
Lagi nitong sinasabi na walang silbi ang ama niya at kung maibabalik lamang nito ang panahon ay hindi ang papa niya ang pakakasalan at mamahalin nito. Kaya naman masyado itong mapili sa magiging nobyo’t mapapangasawa niya, dapat perpekto at wala itong makitang kapintasan.
Ngunit magwawakas na yata ang nais ng ina ngayong may ibang nagugustuhan ang puso niya. Oo may nobyo siya at iyon ay si Marcus, tatlong taon na silang magkasintahan at nagpaplano na nga ang mga magulang nilang ikasal sila sa susunod na taon, ngunit hindi si Marcus ang totoong mahal niya, kung ‘di si Miguel.
Limang buwan na ang nakalilipas mula noong nagkakilala sila ni Miguel, at tatlong buwan na ang lihim nilang relasyon. Si Miguel ang mahal niya at ito ang lalaking nagpapasaya sa kaniya. Kapag kasama niya ang binata’y totoo siyang masaya at hindi nag-aalangang ipakita ang totoong siya, taliwas kapag si Marcus ang kasama niya na dapat laging pormal, dapat umakto siyang hindi makabasag pinggan.
Isang matipid na ngiti ang pinakawalan ni Princess at niyakap ang ina. Kapag si Marcus ang mapapangasawa niya, alam niyang ang mama niya ang magiging pinakamasaya sa buong mundo. At kahit ganoon ay alam niyang hindi naman siya pababayaan ni Marcus.
“Ma, pwede po ba akong sumama sa mga kaibigan kong si Kaye, pupunta lang kami sa bahay-bakasyunan nila sa Quezon? Tatlong araw lang naman po ako doon mama,” nakangiting paalam ni Princess sa ina.
Nakangiting tumango si Helen. “Oo naman, anak, basta mag-iingat ka doon. Bago ikasal ay i-enjoy mo muna ang pagkadalaga mo,” anito.
Lingid sa kaalaman ng ina na magkasama sila ni Miguel na pupunta ng Quezon, sa huling pagkakataon ay nais niyang makasama ang lalaking totoo niyang minamahal, bago pa man siya maitali sa iba.
Walang paglagyan ang sayang naramdaman ni Princess habang kasama ang nobyong si Miguel, ito na ang huling beses na sasaya siya nang ganito, at nais niyang busugin ang sarili sa alaalang kaniyang babaunin hanggang sa mawala siya sa mundo. Habang buhay niyang alalahanin na minsan sa buhay niya’y napasaya siya ni Miguel, ang lalaking tunay niyang minamahal.
Imbes na tatlong araw lang ay naisip niyang gawin nang isang linggo ang bakasyon, upang mas matagal niyang makasama si Miguel. Ngayon nga ay nasa isang simpleng restawran sila ng lalaki at simpleng kumakain na magkasama. Masayang-masaya siya, kung maaari lang na ipahinto niya ang oras ay nais niyang gawin. Ayaw niyang mahiwalay sa lalaki. Nais niyang makasama si Miguel hanggang sa pareho na silang mangulubot at mag-ulyanin.
“I love you, Princess,” madamdaming wika ni Miguel.
“I love you more, Miguel,” ganti niya rito.
Akmang hahalikan na siya ng lalaki nang mapansin ang rebulto ng dalawang tao na pamilyar sa kaniya. Ang mama niya at si Marcus, nakatayo sa kaniyang harapan at galit na galit ang mukhang nakatingin sa kaniya!
“M-ma?!”
Isang malakas na sampal ang natanggap niya mula sa ina. Habang si Marcus ay isang dismayado at ‘di makapaniwalang tingin naman ang ibinato sa kaniya. Sa bilis ng pangyayari ay hindi na namalayan ni Princess na nakauwi na siya sa bahay kasama ang ina. Umalis na si Marcus, at hindi niya alam kung anong nangyari kay Miguel.
“Wala akong ibang ginawa, Princess, kung ‘di ang gabayan ka para hindi ka mapariwara! Saan ako nagkulang? Bakit kailangan mong gawin ang bagay na ito sa’kin at sa fiancé mo!” galit na sambit ng ina.
“Patawarin mo ako, ‘ma,” humahagulhol na wika ni Princess. “Nagkamali ako, pero kailanman ay hindi ko pinagsisihan ang pagkakamaling iyon,” aniya.
Muli ay isang malakas na sampal ang pinadapo ng ina sa kaniyang mukha.
“Pinagtaksilan mo si Marcus! Sa tingin mo itutuloy pa niya ang kasal niyo sa nalaman niya? Ano bang nangyari sa’yo? Ang ganda-ganda na ng buhay na nakaabang sa’yo, bakit kailangan mong sayangin iyon!” mangiyak-ngiyak na sambit ng ina.
“Hindi ko mahal si Marcus, ‘ma,” humihikbing sambit ni Princess. “Pero handa akong pakasalan siya para sa’yo, kasi siya ang gusto mo, at siya ang sa tingin mo’y perpekto para sa’kin. Pero ‘ma, hindi ako masaya sa kaniya, pero pinilit ko ‘ma, pinipilit ko.”
Hindi na napigilan ni Helen ang maiyak sa labis na emosyong pumuno sa puso niya. Masyado ba niyang kinontrol ang anak? Wala siyang ibang ginusto kung ‘di ang mapabuti ito at hindi magaya sa kaniya. Nagkamali ba siya roon?
“Sana ‘ma, kahit hindi niyo nagustuhan ang ginawa ko. Sana pwede niyo pa rin akong maging anak,” humahagulhol na wika ni Princess.
Hindi nagawang magsalita ni Helen, humakbang siya upang yakapin ang anak. “Anak kita, Princess, kahit ano pa man ang mangayari ay hindi iyon mabubura. Patawarin mo ako,” umiiyak niyang sambit.
Kahit ilang beses pang magkamali ang anak, bilang isang magulang ay handa siyang patawarin ito nang paulit-ulit. Ang isang magulang ay nasa tabi ng kaniyang anak, sa hirap, kapalpakan, at kasiyahan.

Isang Empleyadong Maliit ang Sahod ang Nakapagpagawa ng Bahay; Manlalaki ang Mata ng Amo Nang Malaman Saan Galing ang Pera Nito
