Isang Empleyadong Maliit ang Sahod ang Nakapagpagawa ng Bahay; Manlalaki ang Mata ng Amo Nang Malaman Saan Galing ang Pera Nito

“Mark, tatanggalin ko na si Cecil sa clinic natin! I Alam mo ba kung ano ang mga nababalitaan ko tungkol sa pamilya niya sa probinsiya? Nakapagpatayo na raw ng bahay! E sa pagkakaalam ko ay siya lang ang may magandang trabaho sa kanila. Kahit saan ko tingnan, alam kong dinudugas tayo nung babaeng ‘yon!” baling ni Liza, ang bagong kinakasama ng lalaki.

“Pero pinakamatagal kong tauhan ‘yun si Cecil, maayos ‘yun magtrabaho at gusto ‘yun ng mga pasyente ko. Malay mo naman ay nakapag-ipon o ‘di naman kaya nangutang para makapagpagawa ng bahay,” simpleng sagot ng lalaki rito.

“Ayan ang sinasabi ko sa’yo, masyado kang nagtitiwala sa mga tao. Tignan mo nga, mismong asawa mo noon ay niloko ka na. ‘Yung mga taong nakapaligid pa kaya sa’yo?” banat muli ng babae sabay pamewang nito.

“Kaya makinig ka sa’kin kasi iba ang nararamdaman ko sa Cecil na ‘yun. Limang daan lang ang sahod niya at kahit saang anggulo tingnan, ang mga ganong empleyado ay hindi makakapagpagawa ng bahay. Sana nakikita mo ‘yung pagiging rasyonal ko. Hindi lang naman ito sa dahil ako na ang bagong boss nila kung ‘di dahil ako na rin ang bagong babae sa buhay mo at gusto ko na lahat ng nasa paligid natin ay tama,” paliwanag muli ni Liza sa kaniya. 

Hindi nagsalita si Mark at nagkibit balikat lamang ito. Halos tatlong taon na rin silang nasasama ng babae at bukod sa personal nilang relasyon ay kasosyo din niya ito sa klinika.

“Cecil, hanggang sa katapusan ka na lang ng buwan na ito at pwede ka ng maghanap ng ibang trabaho,” diretsong sabi ni Liza nang makarating sa isang branch ng clinic nila kung saan naka-duty ang babae.

“Ha? Sorry po, pero ayaw ko man kayong bastusin pero hindi po kayo ang amo ko. Si Sir Mark po ang nagpapasahod sa akin,” mabilis na sagot ni Cecil sa babae.

“Dahil ba ikaw ang pinakamatagal niyang tao kaya ka ganyan makipag-usap sa’kin? Baka nakakalimutan mo, ako na ang asawa ngayon!” baling ni Liza rito sabay bagsak ng kaniyang bag sa mesa.

Advertisement

“Ayaw ko pong makipag-away sa inyo at katulad nga po ng sinasabi ko, si Sir Mark po ang amo at wala naman po akong ginagawang mali sa trabaho. Bakit niyo po ako tatanggalin?” tanong muli ng babae rito.

“Pwede ba, Cecil, bistado ka na sa mga kalokohan mo. Akala mo siguro hindi malalaman kasi isa ka sa mga pinagkakatiwalaang tao ni Mark pero nandito na ako. Ako lang naman ang nakatuklas ng lahat ng pangungupit at pagnanakaw mo!” duldol ni Liza sa kanya sabay halakhak nito.

“Ho?! Anong pangungupit at pagnanakaw? Sa sampung taong pagtatrabaho ko rito, ni isang kusing ay walang napunta sa akin na hindi ko pinagtrabahuhan! Masyado naman po yatang mabigat ang bintang niyo sa akin. Hindi ko po matatanggap ‘yan, dahil kahit maliit lang ang sahod ko ay may prinsipyo po ako at iyon ang pinuhunan ko nung pumasok ako kay Sir Mark,” nanginginig na balik ng babae sa kaniya.

“Pasensya ka na, Cecil, sa susunod na lang natin pag-usapan ito. Ayaw ko nang magulo rito sa clinic. Liza, sa susunod na lang, pwede ba?” singit ni Mark na naaabutang nagsisigawan ang dalawa.

“Ay hindi, Mark, tutal nandito ka na rin naman itodo na natin ‘to nang makita mo kung gano kakapal ang mukha ng babaeng ito. Para malaman mo, Cecil, alam namin na nakapagpagawa ka ng bahay sa probinsya niyo at kakabalita lang sa akin ulit ngayon na bumili ka raw ng bagong kotse! Aba! Sa taong limang daang piso lang ang sweldo sa isang araw ay hindi magagawa iyan. Huwag mo rin masabi-sabi sa harapan namin na pinagtulungan niyo ‘yun ng kamag-anak mo o ng kung sinong kesehodang balak mong banggitin dahil alam ko na ikaw lang ang may trabaho sa inyo at ikaw lang ang sumusuporta ng maayos sa angkan mo,” muling bulalas ni Liza sa kaniya.

Hindi nakapagsalita si Cecil at halatang nagulat ito at tila natigilan sa kaniyang narinig.

“O, ngayon mo sabihin sa harapan ni Mike na may prinsipyo ka. Baka ‘di namin alam ‘yung bayad ng mga pasyente rito sa clinic kapag wala kami ay diretso na sa bulsa mo. Kahit ‘di mo sabihin ay ganoon naman talaga ang nangyari kaya marami kang pera!” hirit muli ni Liza sabay hawi ng kanyang buhok na tila tuwang tuwa na nasabi niya lahat ng nalalaman tungkol sa babae.

Hindi pa rin nagsalita si Cecil at dali-dali siyang pumunta sa kaniyang bag saka niya kinuha ang isang papel at inabot ito kay Mark.

Advertisement

“Ano ‘yan? Sa tingin mo maliligtas ka ng kapiranggot na papel na ‘yan?” walang awat na banat muli ni Liza sa babae.

“Sir, wala po akong balak na sabihin kahit kanino iyang nakasulat na ‘yan sa papel dahil para sa akin ay numero lang ‘yan. Sa totoo lang po, sa nakikita niyo, pwede na akong hindi magtrabaho sa inyo pero hindi po iyon ang pinili ko dahil malaki po ang utang na loob ko sa’yo,” naluluhang wika ni Cecil.

“Ikaw ang unang taong nagtiwala sa akin kahit wala naman akong tinapos, kaya pilit ko pong iningatan ang tiwala niyo. Kaya ayan, para po malaman niyo kung saan galing ang pinangpagawa ko ng bahay at pinangbili ng sasakyan. Ayaw ko po sanang magyabang dahil kahit pamilya ko hindi po alam ‘yan dahil gusto kong magamit nang tama ang mga numerong iyan sa hinaharap. Nawa’y masagot ko po ang lahat ng agam-agam niyo tungkol sa akin, sa sweldo ko at sa napundar ko,” siwat ni Cecil sa amo saka ito umalis.

Hindi naman nagsalita ang lalaki at mabilis ni ipinasa kay Liza ang papel. Nanlaki ang mata nito nang makita na si Cecil pala ang nanalo ng huling jackpot prize sa lotto. Milyonaryo na pala ang babae na kanina lamang ay iniinsulto niya!

Mabilis na humingi ng tawad si Liza kay Cecil at biglang bait nito sa babae. Sa kabilang banda naman ay hindi pa rin nagmataas ang babae sa kung anong halaga man ang mayroon siya. Patuloy pa rin siyang nagtrabaho kay Mark ngunit hindi nagtagal ay nabili na niya ang branch ng clinic na pinapasukan niya at siya na ang may-ari nito. Sa huli, kahit na limpak limpak na ang salapi ng babae ay nanatili pa rin siyang nakatapak sa lupa.