Simula raw nang Silaʼy Lumipat sa Bahay na Iyon ay Minalas na Sila; Malas nga Ba Ito o Karma

Simula raw nang Silaʼy Lumipat sa Bahay na Iyon ay Minalas na Sila; Malas nga Ba Ito o Karma

FamilyKarmaStories

“Ayan na nga ba ang sinasabi ko, e! Kaya ayaw kong lumipat sa lugar na ito dahil napakamalas! Lalo na itong bahay na ʼto. Simula nang tumira tayo rito, puro na lang kamalasan ang nangyayari sa buhay natin! Tingnan ninyo at nalulugi na ang negosyo natin!”

Panay ang pagbubunganga ng padre de pamilyang si Anton sa kanilang kabahayan kaharap ang kaniyang mga anak at asawa. Paano ay may masama na namang balita ang dumating ngayon lamang tungkol sa kanilang mga negosyong babuyan at manukan. Ayon kasi sa kaniyang mga trabahador ay pinipeste raw ang kanilang mga alaga at isinisisi iyon ni Anton sa bahay na binili ng kaniyang misis. Ayon kasi rito ay malas daw ang bahay na iyon. Mali raw kasi ang puwesto ng mga bintana at pinto ng bahay kaya naman ganito ang inaabot nila ngayon.

Kung anu-ano na kasi ang kamalasang kanilang naranasan simula nang silaʼy mapalipat sa lugar na ito. Paglalugi ng negosyo, pagkakagulo ng pamilya at kung anu-ano pa.

“Mahal naman, hindi ko naman alam na malas pala talaga itong bahay. Hindi naman kasi ako mahilig maniwala sa mga pamahiing ʼyan, e,” katuwiran naman ni Alvira, ang asawa ni Anton.

“Sinabihan na kasi kita noong una, pero hindi ka pa rin nakinig! Tingnan mo ngayon kung ano ang nangyayari sa buhay natin!” hiyaw naman ni Anton. Mukhang mauuwi na naman sa away ang pag-uusap nilang mag-asawa ngayon.

“Mommy, daddy, twenty first century na, naniniwala pa rin kayo sa ganiyan?” pumalatak ang panganay nilang anak. “Sa tingin ko, hindi kamalasan ang dumapo sa atin kundi karma!” hiyaw pa nito na agad namang ikinagulat ng mag-asawa.

“Anoʼng sinasabi mo, anak? Paano mo nagagawang sabihin sa amin ʼyan ng daddy mo?” nangangalit na singhal ni Alvira sa anak.

“Bakit? Totoo naman ho, mommy, e. Nakikita ko ho kung gaano kayo kalupit sa mga trabahador natin. Ayaw nʼyo silang bigyan ng benefits, hindi tama ang pasuweldo ninyo at napakababa ng tingin ninyo sa kanila! Sa tingin nʼyo ba ay magiging productive sila sa ganoong klase ng sistema? Hindi ho tayo minamalas kundi kinakarma!” pangangatuwiran pa ng anak nilang si Cecil na ikinabigla pa ni Anton.

Sa sobrang pagkahindik sa sinabi ng anak ay nasampal ito ni Anton, dahilan upang magtatakbo palabas ang nag-iisang babaeng anak nila.

Hindi na nila nahabol pa si Cecil na tuloy-tuloy pang nagtatakbo palabas ng kalsada hanggang sa—isang malakas na tunog ng preno ng sasakyan ang umalingawngaw sa paligid… si Cecil, naaksidente!

Isinugod ng mag-anak si Cecil sa ospital at ganoon na lamang ang kanilang takot sa maaaring mangyari.

“Mom, sa tingin ko po, tama si Ate Cecil,” singit ng isa pa nilang anak na si Roldan. Ang sumunod kay Cecil. “Hindi po ba ninyo nakikita? Sa ating lahat, si ate lang po ang may malasakit sa mga empleyado.”

Bigla namang napaisip ang mag-asawang Anton at Alvira. Halos hindi na nila magawang tingnan sa mga mata ang kanilang mga anak dahil sa kahihiyan nang mapagtantong tama nga ang mga ito.

Mabuti na lamang at naagapan ng mga doktor ang pinsalang idinulot ng aksidente kay Cecil. Malaki ang pasasalamat nila sa Diyos, ganoon din ang kanilang pagsisisi na kailangan pang umabot sa ganito bago nila maisipang mali ang kanilang ginagawa.

Simula nang gumaling si Cecil ay inumpisahan ng mag-asawang Anton at Alvira ang pagbawi sa kanilang mga empleyado. Unti-unti ay binayaran nila ang mga kulang nila sa mga ito. Binigyan din nila ang mga ito ng ibaʼt ibang benepisyong nararapat naman talagang ibigay sa mga trabahador.

Dahil doon, tila bumaligtad ang kapalaran ng pamilya. Unti-unti ay muli silang nakabangon mula sa pagkakalugmok dahil naging malakas na ulit ang kanilang negosyo. Himala ang biglang pagkawala ng mga peste at tila nadoble pa ang bilang ng mga iniaaanak ng kanilang mga baboy at iniiitlog naman ng manok. Marami na silang nasu-supply-an ngayon.

Utang na loob ng mag-asawa ang tagumpay nila sa pangaral ng kanilang anak. Hindi nila akalaing kung sino pa ang mas bata at siya nilang anak ang siya pang mangangaral sa magulang. Ipinagpapasalamat nila sa Diyos ang pagdating ni Cecil sa kanilang buhay. Siguro, kung hindi dahil dito ay nalulugmok pa rin sila hanggang ngayon.

Ipinangako nilang hindi na muling gagawa pa ng kaparehong pagkakamali upang makabawi man lang.

More Stories