Naghiwalay na ang Mag-asawa; Mas Ikinatuwa pa raw iyon ng Anak Nila

Naghiwalay na ang Mag-asawa; Mas Ikinatuwa pa raw iyon ng Anak Nila

FamilyLoveStories

“Dustine, hijo, balita ko naghiwalay raw ang parents mo? Ayos ka lang ba?”

Puno ng simpatiya ang tanong na iyon ng adviser ni Dustine sa kaniya. Malapit din kasi ito sa kaniyang mama at papa dahil naging magkakaklase ang mga ito noong high school.

Nginitian naman ni Dustine ang kaniyang guro. “Yes, maʼam,” aniya, “three months ago po, nagdesisyon na silang mag-separate ng tirahan. Pero huwag po kayong mag-alala sa akin dahil masaya ako sa naging desisyon nilang dalawa,” dagdag pa ng labing anim na taong gulang na binata na agad namang ikinagulat ng kaniyang guro.

“Ang ibig mong sabihin, masaya ka pang naghiwalay ang parents mo? Bakit? Hindi ka ba nalulungkot na ngayon ay hindi na buo ang pamilya mo?” kunot-noong tanong pa nito sa binatang nananatili pa ring nakangiti.

“Matagal na pong hindi buo ang pamilya namin, maʼam. Actually, noong naghiwalay po sila, pakiramdam ko, doon lang ako nagkaroon ng mama at papa,” sabi naman ni Dustine. “Noon po kasi, wala nang katahimikan sa bahay namin. Parehas silang stressed, araw-araw, kaya naman ang ending ay palagi silang nagbabangayan. Nakakarindi. Nakakasawa nang marinig sa mga bibig nila kung gaano nila kagustong mahiwalay na sa isaʼt isa, thatʼs why I asked them to separate. Ako po mismo ang nagsabi na maghiwalay na lang sila.”

Gulat na gulat pang lalo ang guro sa isiniwalat ng binata. Halos hindi siya makapaniwala. Sino ang matinong anak na gugustuhing maghiwalay na ang kaniyang mga magulang? Sa isip-isip ng guro ay nasisiraan na ang kaniyang estudyante.

“Siguro, iniisip ninyong nababaliw na ako, maʼam, ano?” Tumawa pa si Dustine sa kaniyang sinabi. “Pero, alam nʼyo po ba? Sa tingin ko, ʼyon ang pinakamagandang desisyon na nai-suggest ko sa kanilang dalawa. Simula po kasi noon ay nagkaroon sila ng time na pakinggan ako. Nakakapag-bonding na kaming pamilya. At dahil minsan na lang po silang magkita, may mga instances po na nami-miss din nila ang mga presensya ng isaʼt isa. Kaya wala na pong pagtatalo. Nakikinig na silang pareho sa mga saloobin ng isaʼt isa at naiisip na nila ang kapakanan ko.”

Doon ay tila nalinawan na sa wakas ang guro sa gustong iparating ni Dustine.

“Ang ibig mong sabihin, mas maganda nang maging magkaibigan na lamang ang mga magulang mo kaysa magsama kayong tatlo sa iisang bahay, pero magulo naman ang buhay nʼyo, ganoon ba?” pagkukumpirma ng guro.

Tumango si Dustine. “Natumbok nʼyo po, maʼam,” sabi pa ng binata.

“Kung ganoon, siguro nga tama ang naging suhestiyon mo. Nakita ko rin naman ang magandang pagbabago sa ʼyo, Dustine. At mukhang naging mas masaya ka nga. Ipagdarasal ko ang patuloy na pagbuti ng kalagayan ng inyong pamilya,” sinserong sabi pa ng guro ni Dustine sabay tapik sa kaniyang balikat.

Nang hapong iyon ay umuwi ang binata nang maaga dahil may usapan sila ng kaniyang ina na magmo-movie marathon sila ngayong gabi. Ngunit ganoon na lang ang pagtataka ni Dustine nang maabutan sa kanilang bahay ang kaniyang papa.

Dahan-dahan siyang pumasok sa loob ng kanilang tahanan. Sa pintuan pa lamang ay dinig na ang tawanan ng kaniyang mga magulang. Tila may pinagkukuwentuhan ang mga ito… binabalikan ang kanilang nakaraan, noong sila ay nagliligawan pa lang.

“Pakiramdam ko tuloy, nanliligaw ulit ako sa ʼyo. Ganitong-ganito rin kasi tayo noon, e. Dadalaw ako sa bahay nʼyo, tapos sa salas mo ako pauupuin at dito tayo magkukuwentuhan,” may ngiting anang ama ni Dustine sa kaniyang mama.

“Oo nga, e. Nagtaka nga ako sa ʼyo kanina kung bakit may dala kang ganiyan!” Itinuro ng kaniyang ina ang flowers and chocolates na nakapatong sa katapat nilang mesita.

Napangiti si Dustine. Gusto niya sanang makornihan sa pinaggagagawa ng kaniyang mga magulang ngunit mas nangingibabaw ang pagkabuhay ng pag-asa sa kaniyang puso na muling mabuo ang magandang samahan ng kaniyang mga magulang.

Sa pagkakataong ito ay nagpakita nang muli si Dustine sa mga ito mula sa kaniyang pinagtataguan. Pasimple niyang binigyan ng makahulugan ngunit masayang tingin ang kaniyang mga magulang na agad namang ikinapula ng mga mukha nito.

Gustong humagalpak ni Dustine sa kanilang mga reaksyon, ngunit ipinagkibit balikat na lamang niya iyon upang hindi sila mailang. Nang magpaalam si Dustine sa mga ito na sandali munang aakyat sa kaniyang kuwarto upang magbihis at magpahinga, alam niyang ipagpapatuloy ng dalawa ang kanilang masayang bonding moment.

More Stories