Nagpakasal ang Magkasintahang Maituturing na Soulmate Dahil mga Bata Pa Lamang Sila, Alam na Nilang Sila ang Magkakatuluyan; Ano Kaya ang Kahaharapin Nilang Pagsubok?

Nagpakasal ang Magkasintahang Maituturing na Soulmate Dahil mga Bata Pa Lamang Sila, Alam na Nilang Sila ang Magkakatuluyan; Ano Kaya ang Kahaharapin Nilang Pagsubok?

HeartbreakingLoveStories

“Will you marry me?”

“Yes! Yes!”

Mabilis na nagyakap sina Geraldine at Monching. Hindi pagsidlan ang katuwaan sa mukha ni Monching nang sa wakas ay makuha niya ang matamis na oo ng kasintahan.

Magkababata sina Geraldine at Monching. Naaalala pa nila kung paano sila maglunoy sa putikan noong sila ay mga musmos pa lamang. Hilig nilang manghuli ng mga gagamba sa sulok-sulok na halamanan, o kaya sa ilalim ng imburnal na walang tubig. Kaya laging napapalo si Monching, kahit na si Geraldine ang may kagustuhang gawin niya iyon.

Kayang-kayang pasanin sa likuran ni Geraldine si Monching, palibhasa ay mas malaki siya. Tatakbo sila nang mabilis pauwi sa kani-kanilang mga bahay, lalo na kapag hapon na.

Isa pang paborito nilang ginagawa ay ang pagkain ng nilagang mais, pagkatapos ay magbabatuhan sila ng mga butil nito sa pamamagitan ng kanilang mga bibig.

Nang sila ay maging binatilyo at dalagita, unti-unti nilang naramdaman ang kakaibang damdamin nila para sa isa’t isa. Hindi na lamang ito pagmamahal bilang magkaibigan. Pagmamahal kundi magka-ibigan. Naging magkasintahan sila nang palihim sapagkat natatakot silang magalit ang kanilang mga magulang. Nagtagal sila sa paglilihim na iyon hanggang kolehiyo, hanggang sa sila ay makatapos.

Kaya naman mas nagulat pa sila nang ipagtapat nila sa kani-kanilang mga magulang ang kanilang relasyon noon, nang sila ay mga titulado na.

“Matagal na naming alam. Hindi man kayo umaamin, alam na namin. Mga bata pa lamang kayo, alam na naming kayo ang itinadhana para sa isa’t isa,” ayon sa mama ni Monching na si Aling Edna.

“Oo. Saka, mas makakampante kami kung si Monching ang mapapangasawa ng aming si Geraldine,” ayon naman kay Mang Lourd, na tatay naman ni Geraldine.

Masayang-masaya ang naging pag-iibigan ng dalawa. Pakiramdam nila ay nakalaya na sila sa tanikala ng paglilihim. Wala nang dahilan upang magkubli. Tumagal pa ng dalawang taon ang kanilang relasyon bago maisipan ni Monching na ayain nang magpakasal si Geraldine: iyon na lamang kasi ang kulang sa kanilang dalawa.

Hindi na rin nagdalawang-isip si Geraldine na sagutin si Monching. Tutal naman, nakaipon na siya at nakapagtrabaho. Isa pa, hindi na niya nakikita ang sarili sa piling ng ibang lalaki. Pakiramdam niya, si Monching ang una at huling lalaking mamahalin niya.

Lumipas ang isang taon simula nang ma-engage ang dalawa. Hanggang sa idinaos na ang kanilang marangyang kasal, na isang beach wedding. Umabot sa mahigit 100 ang naging mga panauhin mula sa pinagsamang mga kaanak at kaibigan nina Geraldine at Monching.

Hindi problema ang mga gastusin dahil napaghandaan na nila ito. Hindi na rin isipin ang kanilang matutuluyan. Iniregalo sa kanila ang isang bahay at lupa na isa sa mga pag-aari ng papa ni Geraldine.

Ipinasya ng mag-asawa na mag-honeymoon sa Hongkong. Doon ay sinulit nila ang mga sandali. Masayang-masaya sila dahil sa wakas ay nabigyang-katuparan ang kanilang inaasam-asam na magkaroon ng panibagong yugto ang kanilang relasyon: bilang mag-asawa, bilang dalawang nagmamahalang nakatira sa iisang bubong.

Subalit hindi inaasahang pangyayari ang naganap. Sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas, bumagsak ang eroplanong kanilang sinasakyan. Mapalad na nakaligtas ang mag-asawa, subalit nadaganan ng mga bakal ang mga binti ni Monching.

Kinailangang putulin ang mga ito dahil kung hindi, maaaring mabulok ang mga p*tay na laman at nerves na labis na naapektuhan ng pagkakaipit sa mga bakal na nagmula sa eroplano.

Makalipas ang halos dalawang buwan ay magaling na ang dalawa. nakauwi na rin sila sa kanilang bahay. Sumama na sa kanila ang mama ni Monching upang may makatulong si Geraldine sa pag-alalay rito. Subalit nagbago ang ugali ni Monching. Naging bugnutin ito. Nawalan nang ganang mabuhay.

“Kumain ka na Monching, manghihina ka niyan,” pakiusap ni Geraldine. Pinakakain niya ang asawa na noon ay nasa wheelchair. Nakatulala lamang ito sa labas ng bintana.

“Iwanan mo na lang ako…” sambit ni Monching.

“A-anong sinasabi mo mahal…” nagitlang tanong ni Geraldine.

“Iwanan mo na lang ako! Walang kuwenta ang buhay ko. Isa na akong imbalido. Paano ko matutupad ang mga sinabi ko sa iyo noon? Paano na? Wala na akong mga binti!” histerya ni Monching. Bigla nitong pinagsusuntok ang sarili. Lahat ng madampot nito ay inihagis. Agad na binitiwan ni Geraldine ang hawak na mangkok ng lugaw at umiiyak na niyakap ang asawa. Agad silang dinaluhan ni Aling Edna.

“Mahal na mahal kita, Monching. Mahal na mahal. Hinding-hindi kita iiwan. Naalala mo noong maliliit pa tayo? Kayang-kaya kitang pasanin sa aking likuran at tinatakbo natin ang daan pauwi. Ngayong wala ka nang mga paa, ako ang magiging mga paa mo. Mahal na mahal kita!” umiiyak na sabi ni Geraldine sa kaniyang asawa.

Dumaan sa psychological medication si Monching hanggang sa unti-unti ay matanggap na rin niya ang kaniyang kalagayan. Masaya siya dahil kahit nawalan siya ng mga binti at paa, nariyan naman ang kaniyang pinakamamahal na asawa, na bumubuo sa kaniya.

More Stories