Hating Kaibigan

Magkapitbahay at parehong nakatira sa masikip na barung-barong sa ilalim ng tulay ang matalik na magkaibigang Buboy at Teroy. Halos sabay na silang lumaki sa lugar na ito. Kahit na parehong labing pitong taong gulang na ang dalawa ay hindi man lamang sila nakatapos ng elementarya dahil sa pagkasalat sa buhay.

Maagang namulat ang dalawa sa hirap kaya bata pa lamang sila ay nagbabanat na sila ng buto. Pareho silang nangangalakal sa tambakan ng basura. Kahit nahihirapan at pagod sa ilalim ng tirik na araw ay hindi nila ito iniinda sapagkat magkasama sila.

“Tol, tingin mo iinam pa ang buhay natin o tulad na lang din tayo ng mga magulang natin na nabuhay at nanatili sa lusak?” tanong ni Buboy sa matalik na kaibigan habang nagbubungkal ng basura.

“Huwag ka namang magsalita ng ganyan, ‘tol. Hindi pa tapos ang buhay. Habang buhay ay may pag-asa. Malay mo isang araw ay bigla na lang tayong maging milyonaryo!” natatawang sambit ni Teroy.

“Sira ulo! Paano tayo biglang magiging milyonaryo, e wala naman tayong pinag-aralan? Ni hindi ka nga marunong mag-ingles!” natatawang tugon din ni Buboy.

“Hindi ba sabi nila may pera sa basura? Baka mamaya kakakalkal natin ng basura rito e makapulot tayo ng isang milyon!” biro ni Teroy.

“Isang milyong dumi kamo ng tao at hayop! Sa tagal na nating nagkakalkal dito ay ni hindi pa ako nakakita ng kahit isang alahas. Pahirapan nga na makabuo tayo ng isang daan kahit isang araw na tayong magbabad dito. Halos ang hangin na nga rito ang dumadaloy sa dugo ko, e!” biro ni Buboy kay Teroy.

“Hindi nga tayo nakaka-tsamba ng alahas pero maraming gamit naman tayong naiuwi. Aminin mo!” saad ni Teroy. “Pero ano kaya ang pakiramdam ng bigla na lang tayong makakpulot ng isang mamahaling bagay, ano? ‘Yung sobrang mahal ay sasagot sa lahat ng pangangailangan natin. ‘Yung hindi na natin kailangan pang mamasura.”

Advertisement

“Oo nga, ang sarap isipin no’n. Hay. Nako tama na nga ang usapan nating ‘to. Igihan na natin ang paghahanap ng kalakal para makauwi tayo ng maaga. Gusto mong magbasketball mamaya sa plaza?” tanong ng binata.

Habang patuloy silang nagkakalkal ay may isang bag na tumawag ng kanilang pansin.

“Tol, tingnan mo ‘yun, oh. Parang ang ganda ng bag,” sambit ni Teroy. Agad niya itong nilapitan at kinuha.

“Ayus pa ‘to, ‘tol. Mapapakinabangan pa,” dagdag pa ng binata.

“Buksan mo, ‘tol, baka mamaya may laman ‘yang alahas, e ‘di tiba-tiba na tayo!” natatawang biro naman ni Buboy.

Nang kanilang buksan ay tumambad sa kanila ang ilang alahas. Nangangatog parehas sina Teroy at Buboy. Hindi sila makapaniwala sa kanilang nakikita. Habang palihim at maingat nilang sinisiyasat ang bag ay nakakita sila ng pagkakakilanlan.

“Tol, isauli na lang natin sa may-ari,” wika ni Teroy sa kaibigan.

“Nahihibang ka ba? Ito na ang sagot sa mga problema natin, Teroy. Magiging mginhawa na ang buhay natin. Bakit mo pa isasauli? Maganda ay paghatian na lamang natin!” saad ni Buboy.

Advertisement

“Tol, kawawa naman ‘yung nawalan. Baka mamaya ay nababaliw na rin ‘yon sa paghahanap sa mga alahas na ‘to. Isauli na natin. Hindi ko maaatim ‘yung ganito,” pahayag ni Teroy.

Kahit na anong pamimilit ang gawin ni Buboy sa kaibigan ay buo ang desisyon nitong ibalik sa tunay na may-ari.

“Ganito na lang, kung hindi na natin matatagpuan pa ang may-ari nito ay saka natin paghatian. Ayos ba sa’yo ‘yun, Buboy?” tanong ng binata. Pumayag na rin si Buboy sa naging desisyon ni Teroy.

Lingid sa kaalaman ni Teroy ay may ibang binabalak ang kaibigan. Dahil ayaw ni Buboy ang naging pasya ni Teroy ay balak niyang nakawin ito sa kaibigan.

Nang makatulog na si Teroy ay isinagawa ni Buboy ang kaniyang binabalak. Marahan siyang pumasok sa bahay ng binata at saka niya tinangkang kuhain ang bag. Ngunit biglang nagising na lamang si Teroy.

Ikinagalit ni Teroy ang ginawang ito ni Buboy. Ngunit pinatawad na rin niya ito nang humingi ito ng kapatawaran sa kanya. Nangibabaw pa rin ang pagkakaibigan ng dalawa. Kinabukasan ay sabay nilang hinanap ang may-ari ng bag na may alahas. Natunton nila ito sa isang subdivision. Buong puso nilang isinauli ang bag at hindi magkamayaw sa pagpapasalamat ang ginoo sa kanilang ginawang pagsasauli nito.

“Hindi ko akalain na makakabalik pa sa akin ang bag na ito,” sambit ng ginoo.

“Malamang po namin ay malaki ang halaga ng mga alahas na iyan,” wika ni Buboy.

Advertisement

‘Ang ibig niyong sabihin ay hindi niyo binalak na ibenta ito? Hindi niyo ito pinatingnan sa sanlaan?” pagtataka ng ginoo.

Umiling lamang ang dalawa.

“Hindi tunay ang mga alahas na ito. Masaya akong nakabalik ito sa akin sapagkat higit pa sa kahit anong salapi ang halaga nito. Ito ay pag-aari ng kaisa-isa kong anak. Binawian na siya ng buhay dahil sa isang matinding karamdaman. At ito na lamang ang tanging alaalang naiwan niya sa akin,” sambit ng ginoo.

“Paborito niya ang mga ito. At bago siya bawian ng buhay ang sabi niya ay ipamamana raw niya ang mga alahas na ito sa akin. Palabiro talaga ang anak kong iyon. Kaya hindi ko matanggap na ngayon ay wala na siya,” dagdag pa nito.

“Kaya ganito na lamang ang pasasalamat ko sa inyo. Maraming salamat sapagkat pakiramdam ko sa pagbabalik ng mga alahas na ito ay nagbalik na rin sa akin ang aking nag-iisang anak,” naiyak na sa kalungkutan at kagalakan ang lalaki.

Lubos na naantig ang puso nila Teroy at Buboy sa ikinuwento ng lalaki. Mabuti na lamang ay isinauli nila ang mga ito. Napagtanto naman ni Buboy na tama ang naging desisyon ng kaniyang kaibigan na ibalik ito sa may-ari. Buti na lamang ay hindi nasira ang kanilang pagkakaibigan dahil lamang sa masamang binalak ni Buboy.

Bilang gantimpala ay ipinasok ng lalaki sa kaniyang kumpanya ang dalawa upang maging mga tauhan. Mula noon ay hindi na sila namasura pa at unti-unti na rin nilang naialis ang kanilang pamilya sa ilalim ng tulay.

Malaki rin ang utang na loob ni Buboy kay Teroy sapagkat hindi nito hinayaan na masira ang kanilang pagkakaibigan.