Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Nang Makasama Ko Siya sa Iisang Bubong - Inday Trending

Nang Makasama Ko Siya sa Iisang Bubong

“Sigurado ka na ba sa gagawin mo, anak? Baka nabibigla ka lang? Hindi mo naman kailangang magmadali, e. Pwede naman kayo manatili na ganito ng nobyo mo. Bata ka pa naman. Maghintay ka na lang hanggang maikasal kayo,” pakiusap ni Aling Saleng sa kaniyang anak na si Hannah.

Nais kasi ng dalaga na makipag live-in na sa kaniyang kasintahan. Nakilala lamang niya ang lalaking ito ilang buwan pa lang ang nakalilipas. Dahil sa isang inuman ay nagkausap ang dalawa at napalapit sa isa’t-isa. Isang araw ay pinagtapat na lang ni Gerald ang kaniyang nararamdaman kay Hannah at sinagot ito agad ng dalaga. Makalipas ang tatlong buwan ng kanilang relasyon ay nais na nilang magsama.

“Trenta na ako, ma. Matanda na ako. Saka mabait si Gerald. Mahal niya ako,” tiyak ngunit naiinis na tugon ng dalaga.

“Ilang buwan pa lang kayo magkakilala. Hindi mo pa alam ang tunay na ugali ng lalaking iyan tapos sasama ka na agad sa kanya? Kami ng tatay mo, isang beses pa lang namin siya nakikita. Bakit kailangang magsama na kayo agad?” pahayag ni Aling Saleng.

“Nirerespeto niya ako, ‘nay. Mahal niya ako at kahit kailan ay hindi niya ako sinaktan. Hindi pa ba sapat ‘yun para sumama ako sa kanya? Hindi ko naman kayo papabayaan. Magpapadala pa rin ako ng pera sa inyo,” giit ng dalaga.

“Hindi iyan ang ibig kong sabihin, anak. Nag-aalala ako sa’yo. Padalos-dalos ka ng desisyon. Pinag-isipan mo ba ito ng maigi? Pwede naman siyang pumunta dito sa bahay. Bakit kailangan ay magsama kayo kaagad? Nakilala mo na ba talaga ang taong ‘yan? Nakilala mo na ba ang pamilya niya? Gaano mo ba talaga siya kakilala?” walang patid sa pagtatanong ang ina.

“Hindi n’yo na ako mapipigilan. Alam ko naman na kaya lang kayo nagkakaganyan ay dahil sa nag-aalala kayo sa gastusin n’yo rito. Tanging perang inihahatid ko lang sa bahay na ito naman talaga ang iniisip n’yo kaya huwag na kayong madami pang sinasabi d’yan!” mariing sambit ni Hannah.

Nasaktan si Aling Saleng sa kaniyang narinig sa anak. Hind nito iniisip na ang tanging iniintindi lamang ng kaniyang ina ay ang kapakanan nito. Ngunit nabulagan na ata siya ng pagmamahal niya kay Gerald.

Hindi na napigilan pa ni Aling Saleng ang pag-alis ng anak. Nakisama na ito ng tuluyan sa kaniyang nobyo. Umupa sila ng isang maliit na studio type apartment malapit sa kanilang trabaho.

“Masaya akong kasama kita ngayon, babe. Hindi ka nagkamali ng naging desisyon mo,” sambit ni Gerald.

“Pero alam mo, babe, mabigat pa rin ang loob ko. Hindi ko dapat ‘yun ginawa sa nanay ko. Hindi ko dapat siya pinagsalitaan ng ‘di maganda,” malungkot na saad ni Hannah.

“Huwag mo ng isipin ‘yan, babe. Ang isipin mo na lang ay palagi akong nandito. Tara sa kama at papaligayahin kita,” lambing ni Gerald.

Naging maganda ang pagsasama nila Gerald at Hannah sa simula. Ngunit habang tumatagal ay nagiging problema na ni Hannah ang binata. Madalas kasi itong maglasing. At sa tuwing nalalasing ay napagbubuhatan niya ng kamay ang dalaga. Matindi rin itong magselos. At ang nais niya ay patigilin na si Hannah sa kaniyang trabaho. Ngunit tutol dito ang dalaga sapagkat sa kaniya pa rin nakaasa ang kaniyang pamilya.

Maging ang pamilya ni Hannah ay pinagseselosan ng binata. Madalas nilang pag-awayan ang mga araw na dumadalaw ang babae sa kaniyang pamilya. Hanggang sa nalaman niyang nalulong na pala sa masamang b*syo ang kaniyang kinakasama.

“Gerald, ayoko na. Maghiwalay na tayo. Hindi ko na kaya ang makisama sa’yo,” sambit ni Hannah sa kanyang nobyo.

“Hindi ka pwedeng umalis kasi pag-aari kita. Dito ka lang sa akin!” nanlilisik ang mga mata ng binata habang sinisigawan niya si Hannah. Lubusan ang takot na nararamdaman ng babae.

Dahil sa nagdidilim ang isip ni Gerald sa ginagawang pakikipaghiwalay ni Hannah ay nagawa na naman niyang saktan ang dalaga. Sa pagkakataong ito ay lubusan ang pagsisisi ni Hannah kung bakit hindi siya nakinig sa kaniyang ina. Tunay ngang makikita mo ang uagali ng isang tao kapag nakasama mo na ito sa iisang bubong.

Nagbago ng lubusan ang Gerald na kaniyang nakilala. Dahil sa takot niyang baka mak*tilan na siya ng buhay ng binata ay gumawa siya ng paraan upang makausap ang kaniyang mga magulang. Pinaalam niya ang lahat ng nangyayari sa kaniya. Dahil dito ay agad na humingi ng tulong sa mga pulis ang kaniyang pamilya upang siya ay mailigtas.

Hindi nabigo ang mga ito at isang araw ay nagtungo ang pamilya ni Hannah kasama ang mga pulis upang siya ay kuhain kay Gerald. Dahil napatunayan na rin na gumagamit ito ng ipinagbabawal na gam*t at walang habas na sinasaktan ang dalaga ay hinuli ito ng mga pulis at ikinulong.

Bumaha ang luha ni Hannah nang makita niya ang kanyang ina.

“Nay, patawarin po ninyo ako sa nagawa ko. Hindi ako nakinig sa inyo. Pinag-isipan ko pa po kayo ng masama. Sana ay mapatawad n’yo akong muli. Sana ay matanggap n’yo pa rin po ako!” patuloy sa pagngawa si Hannah.

“Anak, nandito lang kami lagi para sa’yo. Ikaw lang ang hinihintay namin na bumalik. Ngayong nandito ka na ay mabubuo nang muli ang ating pamilya. Mahal na mahal ka namin, anak. Tandaan mo ‘yan!” umiiyak na sambit din ni Aling Saleng.

Muling nagbalik si Hannah sa kanilang bahay. Hindi na niya inulit ang magdesisyon ng walang basbas ng kaniyang ina. Mula noon ay naging maingat na siya sa pakikipagrelasyon. Hindi na niya minamadali ang lahat. Natuto siyang makinig sa kaniyang mga magulang at maghintay ng tamang taong magmamahal ng tapat sa kaniya.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.