Liwanag sa Dilim

“Sige na! Kunin niyo na ‘yang mga gamit na pwedeng mapakinabangan diyan!” malakas na utos ni Atong sa kanyang mga tauhan.

Tumalima naman ang mga ito at maya-maya lang ay halos wala nang laman ang bahay at nailipat na nila sa sasakyan na dala-dala nila.

Nang umandar ang truck ay nakita pa nila ang lalaki na humahabol sa kanilang sasakyan. Tila hindi na nito makayananan sabayan ang tulin ng sasakyan, napaupo na lamang ito sa kalsada.

“Boss Atong, may nakita kaming mga alahas. Mukhang puro mamahalin! Siguradong matutuwa si Boss Ramon dun!” Tila nagniningning ang mga mata ni Ronald habang inirereport ang mga nakuha nilang gamit sa pinasok na bahay.

Hindi sila magnanakaw. Hindi rin mamamat*y tao. Napapag-utusan lang sila na mangolekta sa mga taong masyado nang malaki ang interes ng pagkakautang.

Kagaya na lamang ng bahay na pinuntahan nila ngayong gabi. Nalulong sa sugal ang padre de pamilya. Nang hindi na ito makapangutang sa bangko, nangutang ito sa kanilang Boss Ramon, kahit na napakalaki ng pagpapatubo nito.

Sa kagustuhan nitong “mabawi” ang naipatalo nito sa sugal, mas lalo lamang lumaki ang utang nito. Inunahan na nila sa pangongolekta dahil siguradong maliliit na ang bahay nito kinabukasan lang.

Kawawang pamilya. Irresponsable ang padre de pamilya. Napailing na lamang si Atong habang nakatitig sa labas ng sasakyan. Inignora ang mumunting awa na naramdaman.

Advertisement

Matapos nila i-remit sa kanilang boss ang mga nakolekta, pinaiwan siya nito para raw sa susunod nilang target. Si Clifford Centeno, isang abogado.

“Atong, sa’yo ko ipagkakatiwala ang isang ‘to. Alam mo namang malaki ang tiwala ko sa’yo ‘di ba? Wag mo akong bibiguin.” Tinapik pa nito ang kanyang balikat bago umalis ng opisina.

Naiwang nagmumuni-muni si Atong. Si Boss Ramon na ang itinuturing niyang ama. Naalala niya ang unang beses na nakilala niya ang matanda.

“Abby! Abby! Gumising ka!” Umiiyak na yinugyog ni Atong ang nakababatang kapatid.

Napakainit nito. Mukhang nawalan na ng malay dala ng mataas na lagnat.

“Tulong! Tulungan niyo po kami ng kapatid ko!”

Sinikap niyang humingi ng tulong sa mga naglalakad na tao ngunit tila mga bulag at bingi ito na walang nakikita at naririnig. Marahil ay dahil sa nakapandidiring itsura niya bilang isang batang palaboy.

Maya-maya, isang sasakyan ang huminto. “Boy, may problema ba?” tanong ng isang lalaki na mukhang sanggano ang itsura.

Advertisement

Bagaman natatakot ay tumango siya. “May sakit po ang kapatid ko! Kailangan niyang madala sa ospital!” Pigil ang luhang sabi niya rito.

Isinakay naman sila nito sa magara nitong sasakyan at inihatid sila sa ospital.

“I’m so sorry, hindi na namin nailigtas ang kapatid mo.”

May mga sinabi pa ang doktor pero tila nabingi na si Atong. Umagos ang masaganang luha mula sa kaniyang mga mata. Hindi man lamang niya naprotektahan ang kaisa-isang kapatid.

“Boy, gusto mo bang sumama sa akin?” narinig niyang tanong ng isang lalaki.

Pag-angat niya ng paningin ay tumambad sa kaniya ang lalaking nagdala sa kanila sa ospital.

Namalayan niya na lamang ang sariling tumatango.

Ito na ang itinuring niyang ama simula noon. Binihisan siya nito, pinakain, at binigyan ng masisilungan.

Advertisement

Kaya naman nananatili siyang isang matapat na tauhan nito. Kahit na kung minsan ay nakakaramdam siya ng matinding awa sa mga kliyente ni Boss Ramon.

Kinabukasan ay nagtungo sila sa opisina ni Atty. Clifford Centeno. Naabutan nila itong nakasungaw sa bintana ng opisina na tila may malalim na iniisip.

Bahagyang tumikhim si Atong upang iparamdam ang kanilang presensiya dahil tila pasan nito ang mundo sa lalim ng pagkakakunot ng noo nito.

“Sino kayo?”

“Mga tao ni Boss Ramon.”

Tila naging mailap ang mga mata nito. “Ano’ng kailangan nito sa akin?” asik nito.

“Sa tingin ko, alam mo na ang rason kung bakit kami nandito, Attorney.” Walang ekspresyon ang mababasa sa mga mata ni Atong.

“Halughugin niyo ang opisina!” sigaw ni Atong sa mga tauhan.

Advertisement

Tila naman nataranta ang lalaki. “Ano’ng ginagawa niyo?”

Hindi na nagsalita si Atong at inobserbahan ang ginagawa ng mga tauhan.

Hindi nakaligtas ang palihim na pagla-lock ng abogado ng isa sa mga drawer sa lamesa nito. Agad niya itong nilapitan at inagaw ang susi.

Sinubukan nitong makipagbuno subalit agad itong nahawakan ng dalawa sa kanilang tauhan kaya naman wala na itong nagawa kundi ang mapaluhod.

Ang kaninang mapagmataas na disposisyon nito ay nawala. Napalitan ng pagmamakaawa ang ekspresyon nito habang si Atong naman ay patuloy na kinakalkal ang naka-lock nitong drawer.

Maya-maya ay nakita nito ang pakay. Isang sobre na makapal. Nakumpirma ni Atong na ito ang kaniyang hinahanap nang masilip ang makapal na lilibuhin sa sobre.

“Maawa kayo! Para ‘yan sa pagpapagamot ng aking anak!”

Nang tingnan niya ang abogado ay humahagulhol na ito.

Advertisement

“Maawa kayo! Mamamat*y ang anak ko kung kukunin niyo ang pera na ‘yan!” Patuloy ang pag-agos ng luha sa mga mata ng abogado.

Magsasalita sana si Atong at sasabihin na hindi na nila problema ‘yun subalit naagaw na ng pagtunog ng cellphone ng abogado ang kanilang atensiyon.

“Papunta na po ako!” Makikita ang panginginig ng lalaki nang tumakbo ito palabas ng sarili nitong opisina, tila nalimutan na ang kanilang presensiya.

Samantala, isang pangalan ang nasa isip ni Atong nang mga sandaling iyon. Abby…

Dala-dala ang pera, sinundan niya ang abogado. Sa ospital ay naabutan niya itong nagmamakaawa sa isang doktor.

“Dok! Kailangan na hong maoperahan ng anak ko, kundi’y babawian na siya ng buhay!”

Ang doktor naman ay tila walang naririnig na tinalikuran lamang ito. Naiwan ang lalaki na nakaluhod, tila nawalan na ng pag-asa.

Rumagasa naman ang alaala kay Atong. Ganitong ganito siya noon, mabuti at may nagmagandang loob na tumulong sa kanya noon, kahit na hindi nito naisalba ang kapatid niya.

Advertisement

Ano’ng gagawin ko? Sigaw ng isipan ni Atong na nagtatalo. Ang isang panig ay nagsasabing ibalik niya ang kinuhang pera rito. Ang kabilang panig naman ay tila pinapaalala ang sinabi sa kaniya ni Boss Ramon – “Atong, sa’yo ko ipagkakatiwala ang isang ‘to. Alam mo namang malaki ang tiwala ko sa’yo ‘di ba? Wag mo akong bibiguin.”

Ah, bahala na! Pikit-matang lumapit si Atong sa abogado at iniabot dito ang sobre ng pera na nagmula sa opisina nito.

Gulat ang mga mata nitong tumingin sa kanya. Maya-maya ay taos pusong nagpasalamat habang patuloy ang pagluha.

Habang pabalik si Atong ay inihahanda niya na ang sarili sa sermon na maari niyang marinig sa ama-amahan.

“Boss, pasensiya na. Hindi ko nagawa ‘yung pinag-uutos mo…” panimula niya.

“Bakit?”

Hindi naman nagsinungaling si Atong. “Boss, iba ‘to eh. Nakita ko kung gaano siya nagmakaawa para sa anak niya.”

Namayani ang katahimikan.

Advertisement

“Naalala mo si Abby?” maya-maya ay tanong nito.

Nagulat si Atong. Hindi niya alam na naalala pa nito pati ang pangalan ng kapatid niya. Bahagya siyang tumango.

Ngumiti ang matanda. “Alam kong hanggang ngayon ay hindi mo pa napapatawad ang sarili mo dahil sa nangyari sa kapatid mo, Atong. Kaya ko ibinigay ang proyekto na ito sa ‘yo. Magaling ang ginawa mo, Atong. Ginawa mo kung ano’ng tama.”

Nangilid ang luha ni Atong. “Boss…”

“Alam ko rin na hindi ka naman masaya sa ganitong klase ng buhay. Hindi mo naman kailangan matali sa akin dahil lang sa akin ka na halos lumaki.”

“Boss!” Gulat na gulat si Atong sa mga sinasabi ng kanyang ama-amahan.

“Atong, hanapin mo kung ano ang makapagpapasaya sa’yo. Alam kong mabuti kang tao, kaya sigurado akong magtatagumpay ka.”

“Tinulungan kita noon dahil kahit isang beses, gusto kong gumawa ng mabuti. At maganda ang kinahinatnan nun. Kaya gusto kong mamuhay ka bilang isang mabuting tao,” dagdag pa ng matanda.

Advertisement

Tuluyan nang napaiyak si Atong. Puno ng pasasalamat para sa matanda ang kaniyang puso.

Umalis si Atong sa poder ng ama-amahan ngunit madalas niya pa rin itong bisitahin.

Nawalan man siya ng kapatid noon, may pamilya siyang nasumpungan sa katauhan ni Boss Ramon ngayon. Isang ama.