
Nasalanta ng Bagyo ang Isang Pamilya; Isang Maliit na Tulong ang Buong Pusong Tatanggapin ng Kanilang Haligi
Basang-basa na sa ulan at nanginginig na sa lamig ang pamilya ni Dodong. Wala kasing tigil ang bagyo dahilan para masira ang kanilang barung-barong. Nais man nilang lumikas ay hindi nila maiwan ang ilang tanim na mayroon nang bunga.
Gumawa lang ng panandaliang masisilungan ang ginoo upang doon makasilong ang kaniyang tatlong anak at maysakit na asawa.
“Sa tingin ko ay kailangan ko na munang humingi ng tulong sa iba nating kapitbahay. Baka magkasakit kayo rito kung hindi pa humupa ang ulan,” saad ni Dodong sa kaniyang mga anak.
“Tatay, huwag po kayong umalis. Baka mamaya po ay kung ano ang mangyari kay nanay. Hindi po namin alam ang gagawin. Ipanalangin na lang po natin na humupa na ang ulan,” saad ng panganay na si Nene.
“Bakit kasi napakalayo ng evacuation center? Hindi ko tuloy alam kung pano kayo dadalhin doon. Sandali lang ito at hahanap ako ng p’wede nating matuluyan panandalian. Saglit lang at tingnan n’yo muna ang nanay n’yo,” bilin pa ni Dodong sabay lusob sa malakas na ulan.
Kung saan-saan nagtungo si Dodong upang makituloy ngunit lahat ng kanilang kapitbahay ay hindi man lang siya pinaunlakan.
“Baka mamaya ay kami pa ang sumagot ng kakainin n’yo! Sa iba na lang kayo pumunta at gipit din kami!” saad ng isang kapibahay sabay sara ng pinto.
Halos suyurin na ni Dodong ang lahat ng kalapit nilang tahanan ngunit wala siyang makitang p’wedeng magpatuloy sa kanila.
Nagmamadali na lang na bumalik si Dodong kung nasaan ang kaniyang pamilya.
“Walang nais na magpatuloy sa atin, mga anak. Ayos pa ba kayo?” pag-aalala ng ginoo.
“Tatay, gutom na gutom na po ako. Gusto ko na pong kumain,” saad ng bunsong anak.
“Ito muna ang bunga ng santol, anak. Pagpasensiyahan mo muna,” sambit ng ama sabay pulot ng bunga.
“Santol na naman, tatay! Ang sakit na po ng sikmura ko kakakain ng santol. Gusto ko na po ng tunay na pagkain!” maktol ng bata.
“Bukas talaga ay gagawa na ako ng paraan para makapagdelihensiya ng pagkain,” naiiyak nang sambit ni Dodong.
Hindi na makayanan pa ni Dodong ang hirap na kanilang nararanasan. Nagsusumamo na siya sa Panginoon na patigilin ang pag-ulan nang sa gayon ay maiwan niyang sandali ang kaniyang anak para makahanap ng makakain.
Kinabukasan ay tumila na rin ang bagyo. Mababanaad sa paligid ang tindi ng hagupit nito. Kahit wala pang laman ang sikmura ni Dodong at wala pang tulog ay agad na kumilos ang ginoo upang buuin nang bahagya ang nasira nilang bahay. Nang sa gayon ay bago siya umalis upang maghanap ng makakain ay may masisilungan ang mga anak at may sakit na asawa.
“Dito muna kayo at tingnan ang mga kapatid mo, Nene. Sandali lang ako. Gagawa lang ako ng paraan para makakain na kayo,” saad ng ama.
Hindi pa man nakakalayo si Dodong ay nagkakagulo na ang lahat.
“Namimigay daw ng ayuda ‘yung isang mayamang negosyante! Tara na at puntahan natin. Isama mo na pati ang mga bata nang makapila rin sila. Makakarami tayo ng ayuda!” saad ng isang kapitbahay.
Sinundan ni Dodong ang mag-anak na ito. Ito na marahil ang sagot sa kaniyang kahilingan na mapakain ang mag-anak.
Pagdating sa lugar kung saan nagbibigayan ng ayuda ay napansin ni Dodong na umaalis ang marami sa kanila.
“Trigo lang ang ipinamimigay! Anong gagawin natin sa trigo?! Naturingang mayaman pero kuripot naman ng ipinamimigay!” saad ng mga naunsyaming nagsipila.
Habang ang lahat ay nag-aalisan, siya namang lapit nitong si Dodong at kumuha ng trigo.
“Maraming salamat po rito, ginoo. Maraming salamat sa kabutihan ng inyong puso,” saad ni Dodong sa negosyante.
“Walang anuman. Pasensiya na rin at iyan lang ang nakayanan ko. Nawa’y makatulong ‘yan sa iyo at sa pamilya mo,” nakangiting sambit ng lalaki.
Kahit paano ay nabuhayan ng pag-asa itong si Dodong. Iniisip na ni Dodong kung ano ang gagawin niya sa trigo. Malaking bagay ito sapagkat hindi na santol ang ipapakain niya sa kaniyang pamilya.
Nang makauwi sa kanilang bahay ay agad na ianyos ni Dodong ang trigo. Laking gulat niya nang may makapa siya sa loob ng balutan.
Nang kaniyang halukayin ay nagulat siya nang makita ang isang bugkos ng pera. Nanlaki ang kaniyang mga mata sa gulat at agad siyang bumalik kung saan niya nakuha ang trigo.
“Ginoo, mali po ata ang naibigay n’yo sa aking balutan. Nakakita po ako ng isang bugkos na pera. Nais ko po itong isauli sa inyo,” saad ni Dodong sa negosyante.
“Hindi po kayo nagkamali ng kinuha. Sa inyo po talaga iyan. Ang bawat supot po ng trigo dito ay may lamang salapi. Ginawa po namin ito nang sa gayon ay tanging ang mga tunay na nangangailangan lamang ang makakuha,” wika pa ng negosyante.
Napaluha si Dodong sa tinuran ng lalaki.
“Malaking bagay po ito sa amin, ginoo. May sakit po ang asawa ko at hindi pa rin kasi kumakain ang mga anak ko. Nagiba ng bagyo ang bahay namin. Maging ang mga tanim naming santol ay nasira rin po. Hindi n’yo alam kung gaano ako nagpapasalamat sa biyayang ito,” halos mapaluhod na si Dodong sa pag-iyak.
Naantig ang negosyante sa kwento ni Dodong. Kaya ibinigay niyang lahat ng mga supot ng trigo.
“Nawa’y makatulong pa ito lalo sa iyo. Nawa’y makabangon ka sa lahat ng pagsubok mo sa buhay,” saad ng negosyante.
“Napakabuti po ng kalooban n’yo! Maraming maraming salamat po sa inyo, ginoo!” pagtangis pa ni Dodong.
“Sa Panginoon po tayo magpasalamat dahil ginawa lang Niya akong daan para matulungan ang mga nangangailangan,” dagdag pa ng lalaki.
Nang malaman ng mga tao ang tunay na nilalaman ng supot ng trigo ay isa-isa silang nagpuntahan muli upang humingi. Ngunit wala nang lamang pera ang mga ito.
Sa tulong ng perang itinulong kay Dodong ng negosyante ay naipagawa niya ang bahay at ang kanilang bakuran. Maging ang kaniyang taniman ay binuhay rin niya. Naipagamot rin ni Dodong ang kaniyang asawa at higit sa lahat ay hindi na nagutom pang muli ang kaniyang pamilya.
Lahat ng ito ay dahil lang sa munting tulong na kaniyang buong pusong tinanggap at ipinagpasalamat.