Inday TrendingInday Trending
Pinalayas ng Ginang ang Matandang Ale na Kulang ang Pambili; Isang Babae ang Tutulong sa Kaniya

Pinalayas ng Ginang ang Matandang Ale na Kulang ang Pambili; Isang Babae ang Tutulong sa Kaniya

Nagmamadali si Aling Lena na magligpit ng kaniyang mga panindang gulay na itinitinda niya sa bangketa. Nais kasi niyang daanan ang tindahan ng damit kung saan naka-display ang magandang bestidang pinapangarap ng kaniyang apo.

Halos magkanda-hulog na ang mga paninda niya sa pagmamadali sa paglalakad. Masakit na rin kasi ang tuhod ng matandang tindera kaya iika-ika na ito.

Sa kaniyang pagmamadali ay nasalubong niya ang isang buntis na ginang.

“Ale, pasensiya na po kayo, alam ko pong kakaligpit n’yo lang. Nagmamadali na po kasi ako at ayaw ko nang pumunta sa loob ng palengke. May sili po ba kayo at kalamansi? Naglilihi po kasi ako at parang hinahanap ng dila ko ang maasim at maanghang,” pakiusap ng buntis.

Nagmamadali rin sana si Aling Lena baka kasi hindi na niya maabutang bukas ang tindahan ng bestida. Ngunit naaawa rin siya sa buntis.

“Oo, hija, sandali lang at hahanapin ko dito sa bayong ko. Ilan ba ang kailangan mo?” tanong ni Aling Lena.

“Kahit ilan lang po. Pagsasawsawan ko lang po,” sagot ng ginang.

“O, heto, hija. Huwag mo nang bayaran. Mag-iingat ka sa pag-uwi at parang uulan,” wika naman ng matanda.Tuwang tuwa ang buntis sa ginawang ito ni Aling Lena.

Nang makarating si Aling Lena sa tindahan ay nakita niyang papasara na ito.

“S-sandali lang po, miss. P’wede po bang makita kung nariyan pa ang bestida?” pakiusap ni Aling Lena.

“Ikaw na naman pala, tanda! Bumalik ka na lang bukas at sarado na kami!” pagtataboy naman ng may-ari ng tindahan na si Kara.

“Sandali na lang po at nais ko lang makita kung nariyan pa ang bestida. Maaari ko bang malaman kung ilan pang piraso ang mayroon ng ganoong disenyo?” tanong muli ng matanda.

“Ale, araw-araw ka nang pabalik-balik dito sa tindahan ko. Kahit isang damit ay wala ka pa namang binibili! Umalis ka na at sarado na kami! Tutal, hindi mo rin naman kayang bilhin ang mga damit dito sa tindahan ko!” bulyaw pa ng ginang.

“P-pasensiya na. Pinag-iipunan ko naman talaga ang bestidang iyan dahil pangarap ‘yan ng apo ko na suotin. Sige, pasensiya na ulit at babalik na lang ako bukas,” nakayukong saad ni Aling Lena habang papalayo sa tindahan.

Kinagabihan ay binilang muli ni Aling Lena ang kaniyang ipon.

“Kulang na lang ng dalawang daang piso. Sakto ito’t sa makalawa’y kaarawan na ng apo ko. Salamat at mabibili ko na rin ang bestidang gustung-gusto niya. Tiyak kong magiging masaya si Pia,” nakangiting sambit ng matanda.

Kinabukasan, hindi inaasahan ang napakalakas na hangin at ulan. Dahil dito ay hindi man lang nakapagtinda si Aling Lena. Hapon na nang tumigil ang ulan.

Dali-daling nagpunta si Aling Lena sa tindahan ng damit upang siguraduhing naroon pa ang bestida.

Abalang-abala ang may-aring si Kara sa pag-aasikaso ng mga mamimili nang makita niya si Aling Lena.

“O, tanda, narito ka na naman! Kung wala kang pambili ay umalis ka na dahil maraming tao ngayon at ayaw kong maabala!” bungad ng ginang.

“N-Narito sana ako para bilhin na ang bestida. Maaari ko bang makita?” nahihiyang sambit ng matanda.

“O, eto, nag-iisa na ang bestidang ito. Nasaan na ang pambayad mo?” nagmamadaling sambit ni Kara habang nakalahad ang kaniyang mga kamay.

“Narito ang lahat ng pera ko. Kaso kulang pa ito ng dalawang daang piso. Bukas na kasi ang kaarawan ng apo ko. Baka maaaring ibalik ko na lang sa susunod ang bayad. Pangako ko, sa makalawa ay dadalhin ko rito ang kabuuan ng bayad. Bukas na kasi ang kaarawan ng apo ko. Nais kong mapaligaya siya,” pakiusap pa ni Aling Lena.

Umiling ang ginang na si Kara.

“Ano ang tingin mo sa negosyo ko, tanda, namimigay lang ako dito? Iisa na ang bestidang ito at mamaya ay mayroon nang bibili nito. Umalis ka na at baka malasin pa ako sa ginagawa mo,” bulyaw ni Kara.

Patuloy sa pakikiusap ang matanda ngunit ipinagtabuyan lang ito ng ginang.

Lahat ay nakatingin na sa dalawa habang pinapalabas ni Kara si Aling Lena.

“Ayaw ko nang makita pa ang mukha mo sa tindahan ko! Umalis ka na dahil kahit kailan ay wala kang pera na pambili ng kahit anong tinitinda ko!” dagdag pa ng may-ari.

Isang babae ang lumapit at tinanong si Kara.

“Nabili na ba ang bestidang iyan? Baka p’wedeng ako na ang bumili,” wika ng babae.

“Tingnan mo, may mga taong may pera na gustong bumili nito. At hindi nila sasayangin ang panahon ko dahil may pambayad sila” wika ni Kara kay Aling Lena.

“Nag-iisa na ang bestidang ito. Sige, sa iyo na ito. Bilhin mo na. Tutal mukha ka namang may pambayad,” saad muli ng may-ari.

“Pakibalot na ang bestidang iyan. Ito na rin ang bayad ko,” saad ng babae.

Ilang saglit pa ay nagulat ang lahat nang ibigay ng babae kay Aling Lena ang damit.

“Ale, ito na po ang damit na nais n’yo. P’wede n’yo na po itong iregalo sa apo n’yo. Pakisabi na lang po na maligayang kaarawan,” nakangiting saad ng babae.

Biglang nanlaki ang mata ni Aling Lena. Hindi siya makapaniwala na sa wakas ay nasa kaniya na ang bestida.

“Maraming salamat, hija! Tanggapin mo ang perang ito. Ibabalik ko na lang sa iyo ang iba kapag napagtinda na ako,” pilit ng matanda.

Naku, hindi na po kailangan, ale. Ako nga po ang may pagkakautang sa inyo. Hindi n’yo na po ba ako natatandaan? Ako po ‘yung buntis na naglilihi at binigyan niyo ng sili at kalamansi. Natutuwa ako na naibalik ko na rin sa inyo ang kabutihan n’yo sa akin,” dagdag pa ng babae.

Napaluha na lamang si Aling Lena.

“Sobra-sobra ito para sa ilang pirasong kalamansi at sili, hija. Maraming salamat dahil sa wakas ay maibibigay ko na ito sa apo ko. May sakit siya at may taning ang buhay. Kaya ganoon na lang ang pagnanais kong mapasaya siya bago pa mahuli ang lahat,” patuloy sa pagtangis ang matanda.

Lahat ay naantig sa kwento ni Aling Lena. Ang iba ay nagbigay ng ilang tulong din sa kaniya. Masayang-masaya naman si Aling Lena dahil malaking tulong ito.

“Kahit kailan ay hindi na ako bibili sa tindahang ito. Sayang at magaganda pa naman ang tinda. Pero ang sama naman ng ugali ng may-ari. Sabagay, marami pa namang ibang tindahan diyan,” saad ng babaeng buntis bago tuluyang umalis kasabay ang matanda.

Maging ang ibang mga parokyano ay hindi na rin bumili dahil sa nasaksihang pangyayari. Unti-unting nawalan ng mamimili ang tindahan ni Kara, at dahil ito sa masamang pagtrato niya sa kaawa-awang matanda.

Kinabukasan ay masayang ibinigay ni Aling Lena ang bestida sa kaniyang apo. Umagos ang kaniyang luha nang makita niya ang ngiti sa mukha ng may sakit na apo.

“Galing iyan sa isang mabait na babae. Lagi natin siyang ipapanalangin at ang kaniyang ipinagbubuntis. Talagang may ipinadadala ang Diyos sa atin na magbibigay ng pag-asa, apo. Kaya, ikaw, kumapit ka lang at huwag mawalan ng pag-asa. Pagagalingin ka rin ng Panginoon,” saad ni Aling Lena sa apo.

Nang araw na iyon ay panandaliang nakalimutan ng bata ang kaniyang sakit at maligaya nilang ipinagdiwang ang kaarawan nito.

Advertisement