Nagtungo ang dalagang si Tricia upang dalhan ang kaniyang tiyuhing si Freddie ng niluto niyang nilupak.
Hindi pa siya nakakapasok sa bahay nito ay sinalubong na siya kaagad ng isa pang kapatid ng kaniyang ina na naroon din.
“Aba’y narito na naman pala ang anak ng suwail kong kapatid. Ano na naman ang ginagawa mo rito? Manghihingi ka na naman kay Kuya Freddie ng panggastos niyo?” bulyaw ng masungit na tiyahing si Perla.
“Hindi naman po, tiya. Napadaan lang po ako dahil may order akong inihatid malapit po rito. Nais ko lang pong idaan itong nilupak na ginawa ako para kay Tiyo Freddie. Nariyan po ba siya?” wika naman ng dalaga.
Tamang tama naman ang paglabas ng kaniyang tiyo mula sa silid nito.
“Tricia, narito ka pala! Kumusta naman, hija?” tanong ng ginoo.
“Dumaan lang po ako rito, tiyo, para ibigay po sa inyo itong ginawa kong nilupak. Ang sabi po kasi sa akin ni nanay ay gusto n’yo raw po ito,” wika ni Tricia sabay abot ng pagkain sa tiyuhin.
“Aba’y hindi talaga nakakalimot si Ate Lucy. Oo, paborito ko nga ito. Nakakatuwa naman at marunong kang gumawa nito. Maraming salamat! Tamang-tama, babaunin ko ito sa pag-alis ko,” sambit muli ni Freddie.
“Siya nga pala, Tricia, kumusta na ang pag-aaral mo? Hindi ba’t malapit ka nang magkolehiyo? Anong kurso ba ang kukunin mo? Sabihin mo sa nanay mo na tutulungan kita sa pag-aaral mo,” saad pa ng tiyuihin.
“Bakit ikaw ang magpapaaral diyan kay Tricia? Hindi ba’t sinabi ni Ate Lucy nang sumama siya sa asawa niya ay kahit kailan ay hindi siya hihingi ng tulong sa atin? Saka paano naman ang mga anak ko, kuya? Akala ko ba’y sila ang papaaralin mo?” ekstra naman ni Perla.
“Naku, tiyo, huwag na po kayong mag-abala dahil nag-iipon po ako ng pangmatrikula ko. Kaya nga po ako nagtitinda. Pero maraming salamat po sa alok ninyo,” tugon naman ng dalaga.
“Napakasipag mong talaga, Tricia. O, siya, maiwan ko na kayo dahil kailangan ko pang pumunta ng Cebu. Ibebenta ko kasi ang ilang lupa ko roon at nagkakaproblema kasi ako sa negosyo ngayon. Ipanalangin n’yo na maging maayos ang deal namin,” wika ni Freddie.
Inis na inis itong si Perla dahil sa muling pagkakataon ay napansin muli ng kapatid ang kaniyang pamangkin.
“Papansin ka talaga, ano? Akala mo ay mapapansin ka ng kapatid ko sa pagpapakitang gilas mo. Pwes, hindi ko hahayan na mabilog niyong mag-ina ang utak niya. Sabihin mo kay Ate Lucy na pinutol na niya ang pagiging magkakapatid namin nang piliin niya ang tatay mo!” galit na sambit ng ginang.
Sa totoo lang ay ayaw ni Tricia na makapaharap ang kaniyang tiyahing si Perla. Palagi kasi itong nakadikit sa kaniyang Tiyo Freddie at binabantayan ang paglabas pasok ng pera nito. Ang nais ni Perla ay tanging siya at ang kaniyang mga anak ang makinabang sa pera ng kapatid. Lalo pa at wala itong sariling pamilya.
Halos isang linggong nanatili sa Cebu itong si Freddie. Pagbalik niya ay agad siyang sinalubong ng kaniyang kapatid na si Perla kasama ang kaniyang mga anak.
“Kunin n’yo ang gamit ng tiyo niyo. Tulungan ninyo siya at pagod na pagod ‘yan sa byahe!” utos ng ginang sa mga anak.
“Kumusta ang biyahe mo, kuya? Bakit parang nanlulumo ka? Pagod ka ba masyado sa byahe? Hayaan mo at ipagluluto kita ng mainit na sabaw,” dagdag pa ni Perla.
Umiling si Freddie.
“Sana nga ay pagod lang ako sa byahe, Perla. Napakabigat ng problema ko. Wala na ang lahat sa akin! Ni singko ay wala na akong pera. Niloko ako sa Cebu! Tinangay nila ang lahat ng pera ko!” sambit naman ni Freddie.
Ikinagulantang ni Perla ang sinabing ito ng kaniyang nakatatandang kapatid.
“Perla, hindi ba maayos rin naman ang trabaho ng asawa mo? Baka p’wede akong makautang lang kahit magkano. Hindi ko alam kung paano ako makakapagsimulang muli. Mag-iisip ako ng magandang negosyo. Pangako ay ibabalik kong agad sa inyo,” pakiusap ni Freddie.
Nag-iba ang timpla ng mukha ni Perla.
“K-kuya, alam mo namang may mga anak ako. Hindi ko p’wedeng ipahiram sa iyo ang pera namin. Saka hindi ko pera ‘yun, pera ng asawa ko ‘yun! Hindi porket natulungan mo kami ay may utang na loob na kami sa iyo,” pahayag pa ng kapatid.
Nadismaya si Freddie sa tinuran ng kapatid.
Nang malaman naman ni Tricia ang nangyari sa kaniyang tiyuhin ay agad niya itong pinuntahan.
“Tiyo, ayos lang po ba kayo? Nabalitaan ko po ang nangyari sa inyo sa Cebu. Ipinagdala ko po kayo ng pagkain. Kumain muna kayo,” saad ng dalaga.
“Siya nga po pala, tiyo, tanggapin n’yo po ang perang ito nang sa gayon ay makapagsimula kayong muli. Maliit lang po ito pero sana po ay makatulong,” saad pa ni Tricia sabay abot ng pera sa ginoo.
“Saan mo nakuha ang perang ito, Tricia?” gulat na wika ni Freddie nang makita niya ang dalawang libong piso.
“Ipon ko po iyan para po sa pagkokolehiyo ko. Pero may panahon pa naman po ako para mag-ipon kahit paano. Kayo na po muna ang gumamit niyan dahil kailangan n’yo po. Ipinaalam ko na rin po ‘yan kay nanay kaya huwag kayong mag-alala. Mas nag-aalala nga po siya sa kalagayan n’yo dahil nag-iisa raw po kayo,” paliwanag ni Tricia.
Nangilid ang mga luha ni Freddie sa kabutihan ng kalooban ni Tricia at ng kaniyang nakakatandang kapatid.
“Ako pa talaga ang inalala mo kaysa sa pangarap mong magkolehiyo. Maraming salamat at napakabuti mo talaga. Manang-mana ka kay Ate Lucy. Alam mo, Tricia, may nais sana akong aminin. Hindi totoong nalugi ang mga negosyo ko. Hindi ako naloko sa Cebu. Sa katunayan ay naibenta ko talaga ang mga lupain ko doon. Habang naroon kasi ako ay napapaisip ako sa kalagayan ninyo ng ate ko. Ngayon ay nakapagdesisyon na ako. Lahat ng meron ako ay sa inyo na rin. Ako na ang magpapaaral sa iyo. Tutulungan ko ang pamilya mo para makaangat kayo. Sana lang ay tanggapin ninyo ang tulong ko,” saad ni Freddie sa pamangkin.
Naiyak naman si Tricia sa winika ng kaniyang tito.
“Masaya po ako, tito, hindi dahil sa alok ninyo kundi dahil kaya ko po itong gawan ng paraan. Masaya ako dahil maayos pa rin po ang inyong buhay. Ilang beses po kasing nais kayong makita ni nanay pero nahihiya siya. Pero walang araw na hindi niya po kayo inisip at ipinagdasal. Matutuwa po si nanay sa sinabi n’yo. Hindi na po siya mag-aalala pa,” pagtangis ng dalaga.
Mula nang araw na iyon ay nagkalapit muli sina Freddie at Lucy. Tinulungan rin ni Freddie ng pamilya ng kaniyang Ate Lucy na makaangat sa buhay.
Nang malaman naman ni Perla ang ginawang ito ni Freddie ay agad niyang sinugod ang nakatatandang kapatid.
“Pinagsinungalingan mo ako para maitaboy ako, ano? Ayaw mo lang atang paaralin ang mga anak ko at gusto mo na namang pumanig diyan kay Ate Lucy!” sambit ng ginang.
“Ginawa ko iyon upang makita kung ano talaga ang pagtingin mo sa akin bilang isang kapatid. Nakakalungkot lang nang dahil sa pera ay kaya mo ako tinatrato nang mabuti. Matagal akong nagpabulag sa iyo, Perla. Hindi naman ako nagpapabayad ng utang na loob sa iyo. Humihingi lang ako ng tulong. Sinusubukan lang kita. Ngayon ay alam ko na ang totoo. Matuto ka nang tumayo sa sarili mong paa,” pinal na wika ni Freddie.
Hindi na nagtanim ng sama ng loob si Freddie kay Perla ngunit tinapos na rin niya ang lahat ng responsibilidad niya sa bunsong kapatid.
Nakakalungkot mang harapin ang katotohanan ay kailangang tanggapin ito ni Freddie. Ngunit masaya siya ngayon dahil muli silang nagkaroon ng magandang koneksyon ng kaniyang Ate Lucy. Salamat sa mabuting loob ng anak nitong si Tricia.