
Usap-Usapan ng mga Manggagawa ang Bagong May-Ari ng Haciendang Pinagtatrabahuhan Nila Dahil Baka Tulad Din Ito ng Malupit Nilang Amo; Tama Kaya ang Hinala Nila?
Kahit mahirap ang pamumuhay ng mga manggagawa sa Hacienda Muerte ay mas pinipili na lamang nilang maging masaya. Kung sisimangot nga naman sila at dadaing ay wala rin namang mangyayari, mahirap pa rin sila kaya dinadaan na lang nila sa tawa at pagbibiruan lalo na’t nalaman nilang ibinenta na ng kanilang amo ang hacienda at malaking lupain na taniman ng tubo na pinagkukunan nila ng makakain sa araw-araw.
“Balita ko’y ngayon daw darating ang bagong magmamay-ari nitong hacienda at tubuhan, ah!” wika ni Mang Lario sa mga kasamang manggagawa.
“Sana naman ay hindi kasing lupit at bagsik ni Don Ruperto ang bago nating magiging amo,” sagot naman ni Aling Nelia.
“Mabuti nga at hindi tayo inalis sa trabaho, eh. Kung nangyari na pati tayo ay tinanggal at paalisin ay paano na ang ating pamilya?” sabad ni Mang Pando.
“Eh, bakit nga ba ibinenta ng Don Ruperto na ‘yon itong hacienda at tubuhan?” tanong ni Aling Mercing.
“Malaki raw ang ibinayad nung nakabili, eh. Usap-usapan kasi ng iba nating kasamahan ay nalulugi na raw ang ibang negosyo ni Don Ruperto kaya naisip niyang ibenta na ang ari-arian niya kasama na itong hacienda at ang taniman,” tugon ni Mang Lario.
“Nalulugi? Karma ‘yan sa kanya sa dami ng masasama niyang ginawa sa lahat ng kalupitan niya,” natatawa namang sabi ni Aling Nelia.
Nang biglang nagbalik sa gunita nila ang nakaraan. Naalala nila ang ginawang pagpapaalis noon ni Don Ruperto sa isa nilang kasamahang manggagawa na si Mang Elizar dahil pinagbintangan itong magnanakaw. Bukod sa sinibak sa trabaho ay pinalayas pa ang pamilya nito sa tinitirhang maliit na lupa na malapit sa tubuhan. Kaawa-aawa ang sinapit ng lalaki at ng mag-iina nito na halos walang mapuntahan. Hanggang sa magkasakit nang malubha si Mang Elizar at binawian ng buhay. Sa awa nilang mga kapwa manggagawa sa asawa nito’t nag-iisang anak na lalaki ay nag ambag-ambag sila upang mabigyan man lang ng kaunting halaga ang mag-inang naulila ng kanilang kasama. Sa pagpanaw ng pobreng manggagawa ay hindi man lang nag-abot ng kaunting tulong si Don Ruperto.
“Mula noon ay hindi na natin nakita pa ang mag-ina ni Elizar sa bayang ito. Kapag naaala ko’y hindi ko mapigilang maluha sa sinapit nila,” malungkot na wika ni Aling Mercing.
Kanya-kanyang iling ang mga manggagawa.
Maya maya ay napalingon silang lahat nang mapansing huminto ang isang kotse sa ‘di kalayuan.
“Hoy mga hampaslupa! ‘Di ba dapat ay nagtatrabaho kayo? Wala kayong ginawa kundi magtsismisan!” bungad agad ni Don Ruperto sa kanila.
“Nagpahinga lang po nang kaunti, Don Ruperto. Babalik na po kami sa trabaho,” sagot ni Mang Pando.
“Dapat lang! Sayang lang ang ipinapasahod sa inyo kung tatamad-tamad kayo! Hindi maaari ‘yung ganyan dahil darating na ang bumili ng hacienda at tubuhan mamaya. Ayokong mapahiya!” sermon ni Don Ruperto.
Agad na nagbalik sa kanya-kanyang trabaho ang mga manggagawa na ‘di napigilang magbulungan sa ginawang paninita sa kanila ng masungit na matanda.
Mabilis na lumipas ang oras at natanaw na nila ang isang magarang sasakyan na huminto sa ‘di kalayuan. Mas maganda ‘yon kaysa sa kotse ni Don Ruperto. Ang mala-lobong ugali ng matanda ay biglang nagpalit at nag-anyong tupa.
“Senyorito De Veyra! Kumusta, hijo! Mabuti at nakarating ka,” wika ni Don Ruperto.
Aba, napanganga ang mga manggagawa. Ang inisip nilang masungit at malupit na bago nilang amo ay nagtataglay pala ng maamong mukha. Napakaguwapo nito na siguradong pagpapantasyahan ng mga kababaihan sa taglay na kakisigan. Hindi nga nila akalaing napakayaman nito dahil simple lang itong manamit.
“Ngayong akin na ang hacienda at ang malaking tanimang ito ng tubo ay nais kong ipatawag mo ang lahat ng manggagawa rito, Don Ruperto,” utos ng lalaki.
Parang asong sunud-sunuran namang nagmando si Don Ruperto.
“Dalian ninyo! Tawagin niyo na ang mga kasama ninyo. Narinig na, eh, kay babagal pang kumilos! Mga walang kuwentang manggagawa,” mapagmataas na sabi ng matanda. Tapos ay ngumiti sa lalaki. “Pasensya na, hijo. Mga wala kasing pinag-aralan ang mga ‘yan kaya pagiging manggagawa lang dito sa hacienda ang narating nila sa buhay.”
Hindi umimik ang lalaki. Maya maya pa ay naroon na ang lahat. Muli itong nagsalita.
“Magandang hapon po sa inyong lahat. Nais kong sabihin na hindi na si Don Ruperto ang may-ari ng Hacienda Muerte,” wika ng lalaki.
Sumabad si Don Ruperto.
“Siyempre, ikaw na hijo ang bagong may-ari nitong hacienda, ‘di ba? Kaya kayong lahat, susundin ninyo ang lahat ng ipag-uutos niya, naiintindihan ninyo?” sabi ng matanda.
Nagpatuloy sa pagsasalita ang lalaki.
“Ang bagong may-ari ng hacienda at ng malaking taniman ng tubo ay kayong mga manggagawa rito. Binili ko talaga ang mga ito para sa inyong lahat,” nakangiting wika ng lalaki.
Nagkatinginan ang mga manggagawa at naghiyawan sa tuwa. ‘Di sila makapaniwala sa sinabi ng lalaki. Laking pagtataka nila kung bakit nito ginawa iyon. Sino ba ang lalaking ito?
Kung nagdiriwang ang mga manggagawa ay kumontra naman si Don Ruperto.
“B-bakit mo ginawa ‘yan, hijo? Nahihibang ka na ba? Nagsayang ka lang ng pera sa mga pat*y gutom na ‘yan?” nalilitong tanong ng matanda.
Ngumiti nang makahulugan ang lalaki at tila nagbalik-tanaw.
“Ilang taon na ang nakalipas. Isa ang aking ama sa mga manggagawang ito na iyong hinahamak. Hindi mo na ba ako natatandaan, Don Ruperto? Siguradong hindi dahil hindi mo naman nanaisin pang alalahanin ang tulad kong dukha, ‘di ba? Ako si Samuel Dimaano, anak ng pobreng si Elizar Dimaano na walang awa mong pinagbintangang magnanakaw kahit wala namang kasalanan, tinanggal sa trabaho at pinalayas. Ni kaunting malasakit ay wala kang ginawa nang pumanaw siya. Kaya ipinangako ko sa aking sarili na magsisikap ako’t magtatagumpay sa buhay upang balang araw ay mabili ko ang haciendang ito at ang tubuhan na matagal na pinaglingkuran ni Itay ngunit wala naman siyang napala. Dahil sa sama ng loob ay nagkasakit din si Inay at binawian din ng buhay at naiwan akong mag-isa. Mabuti na lang at may mayamang mag-asawa na kumupkop sa akin at itinuring akong tunay na anak. Pinakain, binihisan, pinag-aral at minahal nila ako ngunit sadyang mapagbiro ang tadhana at maaga rin silang binawi sa akin. Sa akin nila ipinamana ang lahat ng kanilang yaman kaya heto ako ngayon, isa na ring haciendero,” bunyag ng lalaki.
Nagulat ang mga manggagawa sa ipinagtapat niya. Halos atakehin naman sa puso si Don Ruperto nang malaman na ang nakabili sa mga ari-arian niya ay anak ng dati niyang tauhan.
“Malaki ang utang na loob ko sa inyo na mga kapwa manggagawa na gaya ng aking yumaong ama. Noong panahong walang-wala kami ng aking ina ay kayo lamang ang tumulong sa amin kaya ibinabalik ko ang tulong na ginawa ninyo sa amin. Ipinangako ko rin sa aking sarili na hindi ko na hahayaan pa na may isang manggagawa ang mauwi ang kapalaran na katulad ng nangyari kay Itay. Hindi ko hahayaan na may mabiktima pa ang katulad mong walang kunsensiya, Don Ruperto! Tapos na ang iyong kalupitan!” pagpapatuloy ng lalaki sabay tingin sa matapobreng matanda.
Hindi na nakakibo pa si Don Ruperto sa sobrang pagkapahiya. Walang imik itong umalis sa lugar na iyon na walang mukhang maiharap sa mga tao. Napa-iyak naman ang mga manggagawa at nagpasalamat kay Samuel.
“Maraming salamat po, senyorito,” naluluhang sabi ng mga manggagawa.
“Huwag niyo na po akong tawaging senyorito, Samuel na lang po. Ako po ang dapat na magpasalamat sa inyo, kundi dahil sa inyo ay tuluyan na kaming napariwara noon ng inay ko. Malaking tulong po ang ibinigay ninyong pera sa amin upang makapagbagong buhay sa Maynila ngunit nakakalungkot lang na iniwan din niya ako. Mula ngayon ay sa inyo na ang hacienda at ang tubuhan, para po ito sa inyo na mga dakilang manggagawa,” naiiyak na ring tugon ni Samuel.
“Huwag kang mag-alala, mula ngayon ay kami na ang tatayong pamilya mo, hijo. Hindi ka na mag-iisa,” sagot ng mga mangagagawa sa kanya.
Napangiti si Samuel at niyakap ang mga simpleng taong napasaya’t natulungan niya.
Hindi na bumalik pa sa lugar na iyon si Don Ruperto na nabalitaan na lang nila na naghihirap na dahil luging-lugi at bagsak na bagsak na ang iba pa nitong negosyo. Iyon na ang kabayaran sa lahat ng ginawa nitong kalupitan.